Thursday, December 13, 2012

Alam Mo, Sa Occidental Mindoro...



Napag-tripan kong panoorin kagabi sa laptop ng aming opisina ang historical at classic Hollywood cowboy movie na “The Alamo” ni John Wayne na ipinalabas noong pang 1960. Ang pelikula ay nilahukan ni Wayne (na siya ring direktor nito) ng sub-plot : ang banggaan ng malalakas na personalidad ng lead characters na sina Col. Davy Crockett (Wayne), Jim Bowie (Richard Widmark) at Col. William Travis (Laurence Harvey). Ang nakaka-inggit sa mga ito, sa kabila ng kanilang personal conflicts, silang tatlo ay natutong magpakumbaba at ipasakop ang kani-kanilang pagkakaiba sa isa’t-isa at sa huli ay nagbigkis sila nang buong katapangan upang ipagtanggol ang fort laban sa mga mananalakay kahit na sila ay masakop at mapatay ng mga ito. May pag-asa pa kaya na ang dalawang higanteng patrong pulitikal ay magkaisa upang ipagtanggol ang lalawigan laban sa ating mga kaaway katulad ng lumalalang kahirapan, pagkawasak ng kalikasan, kriminalidad, moral na pagka-bangkarote, at iba pa?

Iyan ang maikling istorya ng “The Alamo” pero ang susunod kong ikukuwento ay tiyak kong alam mo na. Alam mo at alam ko rin.

Ang malalang bangayan sa pulitika ng dalawang higanteng paksyon sa ating lalawigan ay tila nagbibigkis pa sa kanila bilang IISA. Pareho silang nakikinabang sa bangayang ito dahil sa nakalipas na maraming mga taon, anuman ang kalabasan ng halalan, kapwa sila at ang kanilang mga masuwerteng kabig ang nananatiling nasa poder. Para silang mga batang akyat-manaog lang sa tsubibo. Kung ang bangayang ito ay nagpapatibay lalo ng kani-kanilang mga interes, ang mga lehitimong interes ng sambayanan ay hindi napagtutuunang pansin. Bakit pa nga ba naman nila nanaisin na magkasundo? Sa atin naman na wala sa arena ng pulitika pero nasa loob ng esperong ito, bakit naman natin gugustuhin na magkasundo sila gayong sa away na ito ay nakikinabang rin tayo? Sa sitwasyong ito, marami sa atin ang masaya, lalo na ang mga vote rich civic or religious organizations, mula sa PTA hanggang sa kooperatiba, na maaari nating hingian ng pabor ang magkabilang panig, mga personal man o pansamahan, lalo na ang mga umano’y non-partisan at yaong mga pumupusturang apolitical organizations. Hindi ba masaya tayo na mga bumuboto lang at hindi involved sa partisan activities dahil nagpapaligsahan at nagpapataasan pa sila ng pagbibigay ng political favors sa atin?  Bakit naman nanaisin pa natin silang magkasundo kung dahil sa pag-aaway na ito ay lumalabas ang kani-kanilang mga pinakatatagong lihim at anomalya na hindi lamang natin ikinaaaliw kundi atin ring ikinatututo? Dama rin natin dahil sa bangayang ito na importante tayo sa kanila sapagkat mahalaga para sa kanila ang bilang o dami ng tao o balwarte.

Kung ang pag-aaway na ito ay hindi sinasadyang (hindi nga ba sinasadya?) nagbibigkis sa kanila, tayo na mga naaaliw at nalilibang, tayo na mga walang pakialam pati na yaong mga nakikipag-patayan para sa kanila sa hidwaang ito, tayo na higit na nakararaming mamamayan ang tunay na talunan dito. Dahil habang sila ay nagpupukulan ng putik, akusasyon at asunto sa isa’t-isa, habang ang kanilang layunin na makopo ang pampulitikang kapangyarihan para umano makapag-lingkod ng ganap at walang balakid, nasasa-isang tabi ang kapakanan ng bayan, sabi ko nga, tulad ng pagbibigay ng malawak na serbisyong panlipunan, pagpapababa ng antas ng kriminalidad, paglaban sa pagkawasak ng kalikasan, pagpapalakas sa sistema ng hustisya at iba pa.

Ano ba ang matalinong gawin natin?  Ang mangampanya at bumoto ng straight (o block system) sa mga isahang posisyon mula sa Kinatawan sa Kongreso, Gobernador, Bise-Gobernador, Alkalde at Bise-Alkalde? Puwede dahil sa ganito, hindi na sila magtuturuan kung sakali mang may kapalpakan na mangyayari sa kanilang administrasyon. Iisang grupo na lang ang sisihin at pupurihin ng tao sa pagkakataong sila ay gumawa ng mali o tama. Maliit na rin sa kanila ang tsansa ng bangayan kung sakaling isang tiket lang ang mananalo. Kung mangyayari ito, dapat na tiyakin ng mga naka-upo na hindi na mababawi ng kalaban ang poder sa pamamagitan ng pagseserbisyo at pamamahala ng tapat, malinis, bukas at may karakter. Sabi ng mga tumataguyod ng ganitong kaisipan, sa kaunlaran ay wala nang hahadlang kung walang humaharang. Pero nasaan ang check and balance, kung hindi man ang pinakamahalagang kaluluwa ng demokrasya dito? Hindi ba mas lalong parang basura itong aakit sa uod at bangaw ng pagmamalabis at katiwalian? Kaya kaya nilang ipulis ang kani-kanilang mga sarili?

Matalinong hakbang din ba ang unti-unting pagbuo at pagpapalakas, pagba-bankroll at pagkasa ng mga kampanya para sa isang alternatibang grupo mula man sa labas o sa loob ng dalawang tradisyunal na pangkat para maging third force? Depende ito sa kanilang pagtatasa kung malakas na ang ating kolektibong kamalayang pulitika at babaling na ang tao sa mga totoong alternatibo sa pamamagitan ng mga multi-sektoral na pagpapamulat at pagkilos ng mga nasa akedemiya, mga asosasyon, lokal na negosyo, grupong pananampalataya, mga intelektuwal, at iba pang katulad na hanay. Kung sila ay pawang hindi pa mga willing victim sa tila ad infinitum na hidwaang ito. Kung hindi pa, kailangan na ang pagkukundisyon sa ganitong tunguhin, ipalagay na natin patungong 2016 o 2019. Ngunit ang tanong, nasaan ang mga “pamalit” na ito? Papaano natin sila lubusang makikilala? Papaano nating maihihiwalay ang kambing sa tupa? Papaano rin natin mahuhubaran ang lobong nasa anyong tupa? Sabi nga sa patalastas ng isang sabong panlaba, “Bakit pa tayo lilipat mula sa nakasanayan na?”

Pero kung ang karamihan sa atin ngayon at ayaw gumamit ng kukote, iwasiwas ang mga kamay at ipadyak ang mga paa para sa pagbabago, ano pa ang ating gagawin kundi hayaan na lang na ganito ang sitwasyon. Ayaw nating mapagod, ayaw nating masaktan kaya marahil ay ayaw natin ng pagbabago sapagkat ang pagbabago ay tunay na nakakapagod at masakit. Bomoto na lang tayo hanggang sa wakas ng panahon ng salisi (hindi straight) hangga’t naririyan sila at/o ang kanilang mga tagapagmana, by blood man o by political affinity. Para everybody (na nakikinabang ay) happy. At para sa mga nagmamasid lang, sundin na lang natin ang payo ni Clayton Williams ukol sa masamang panahon, “If it is inevitable, just relax and enjoy it.” Isa pa, mas masarap naman para sa ilan sa atin na tuligsain at sisihin ang iba na para bang wala tayong kinalaman sa pagkakaluklok sa kanila at sa kanilang pananatili sa poder sa halos tatlong dekada na.

O kaya ay hayaan na lang natin na Langit at husgado ang magpasya ng kanilang kasasapitan sa larangan ng pulitika. Pero sa ating pagpapasya na manatiling ganito pa rin tayo, ay sila pa rin sila, dahil pinahihintulutan natin na maging sila sila. Pero kahit sila-sila pa rin ang manalo, o manatiling ang dalawang paksyon ang uukopa sa upuang pulitikal, huwag sana nating kalilimutan kung sino ang nasa panig ng tama at mali sa pamamagitan ng malalimang pagsusuri sa mga isyu at hindi lamang sa salalayang personal. Kahit ang kapalit nito ay mapagbintangan tayo ng kung anu-ano at wasakin ang ating kredibilidad ng mga taong ayaw lumaban ng harapan at parehas.

Sabi nga ni John Wayne sa “The Alamo”, “There’s right and there’s wrong. You got to do one or the other. You do the one and you’re livin’. You do the other and you may be walkin’ around, but you’re dead as a beaver hat.” Tama. Kung hindi magkakaganito, tayo ay mistulang tuod lamang na lumulutang sa rumaragasang Ilog Mompong kapag panahon ng tag-baha...

 ---------
(Photo : Cinema is Dope)

No comments:

Post a Comment