Hindi ko alam kung bakit ang kasabihang “isinuko ang Bataan” sa paglipas ng panahon ay nagkaroon ng konotasyong sekswal kagaya nang mababasa natin sa site na ito.
Sana ay mapigilan ko ang sarili na huwag maging Freudan sa
araw na ito ng pambansang kagitingan. Sana…
Bakit nga ba natin ipinagdiriwang ang ating mga
pagkabigo bilang bansa kagaya ng Pagbagsak ng Corregidor, ang Death March at lalung- lalo na ang Fall of Bataan samantalang halos wala
tayong pambansang pagdiriwang kapag ginugunita ang Leyte Landing o Mindoro
Landing kaya? At para marahil tuldukan ang isyung ito ng lisyang
pagdiriwang, ang Fall of Bataan ay
tinatawag na ngayong Araw ng Kagitingan o Day
of Valor.
Ngayong 2013 ay ating gugunitain ang ika 71 Taon
ng Araw ng Kagitingan sa pamamagitan ng temang, “Ang Beterano: Sigla at Inspirasyon ng Kabataan Tungo sa Tuwid na
Daan,” sa bisa ng Executive Order No. 23, Series of 1987 at Proclamation
No. 466, series of 1989. Layunin ng sulating ito na bigyang parangal ang mga beterano mula sa Kanlurang Mindoro lalo na yaong mga nasawi sa Bataan at maging sa Death March kagaya nina Pvt. Jose P. Soldevilla, at Pvt. Ananias Devero at iba pang mga ka-lalawigan natin na namatay doon. Kabilang ang mga pinahirapan ngunit nakaligtas sa kamatayan na sina Sgt. Pedro Mercene, Pvt. Mariano Tacderan, Pvt. Felix Garlitos at iba pa. Kabilang ang mga nabubuhay pa ngayon kagaya ni PFC. Pantaleon Villaflores ng Sablayan. Ayon sa aklat na "Mindoro sa Panahon ng Digmaan" ni Rodolfo M. Acebes, karamihan sa mga gerilya at sundalong taga-Occidental Mindoro ay kabilang sa 41st Infantry Regiment ng 41st Division ng 4th Military District sa ilalim ni Gen. Vicente Lim.
Balikan natin ang kasaysayan. Noong ika-9 ng Abril, katanghaliang tapat nang si Senior U.S. commander Maj. Gen. Edward P. King kasama ang iba pang opisyal militar ng Amerika ay napag-negotiate kay Gen.
Kameichiro Nagano at mga kawal Hapones at ilang oras matapos ito, ang mga gutom, pagod at sugatang
sundalong Kano at Pinoy sa nasakop na Bataan peninsula ay tuluyan nang sumuko
sa mga Hapon. Makikita sa itaas ang larawan ng nasabing kaganapan sa kasaysayan.
Sabi ni P.C. Cast sa kanyang aklat na Burned, “Surrender is a powerful force”.
Sampalataya ako sa pagsuko, sa tao at sa batas, sa tamang panahon, matapos ang masusing
pagtitimbang. Pero ang pagsuko sa Diyos ay napapanahon sa lahat ng oras, maidagdag ko
lang.
Karuwagan ba ang sumuko? Oo, marahil kung agad-agad. Pero alalahanin
natin na hindi sila basta-bastang bumigay. Matagal na hirap at pagod ang
kanilang binata sa kamay ng kainamang dami ng kaaway bago sila sumuko. Dumanas
sila kapwa ng hirap gayundin ang mga kaaway. Sa pagtago sa ulan ng punglo ng masinggan buhat sa mga eroplano sa himpapawid. Sa pagpasan sa mga sugatang kasama. Sa
pagtulo ng pawis, luha, dugo, sipon at pagdahak ng plema. Sa mga nagbuwis ng buhay sa halibas ng samurai. Sa tudla ng Arisaka o sa dulo nitong bayoneta. Sa pag-aalala at lungkot
sa kanilang mga magulang at iba pang mahal sa buhay. Mangyari muna sana ang dapat
mangyari sa tamang panahon at lugar bago natin isinuko ang Bataan. Sana ay
ganito rin ang isipin ng ating mga kabataan ngayon, lalo na ang mga batang binibini.
Gusto pa sanang lumaban ng ating mga bayani ngunit
mahina na ang kanilang katawan bagama’t ‘di pa rin natitinag ang diwa ng mga
kawal USAFFE. Lahat ng bagay ay may simula at katapusan, sabi nga sa kanta, kaya
kailangang matapos na ang labanan noon sa Bataan. Bumagsak nga sa pisikal
na aspeto ang Bataan ngunit ang diwa ng kanilang pakikibaka at paninindigan ay
matigas pa ring nakatayo. Hindi ko lang alam kung namana ito ng ating mga
kabataan ngayon. Mga ulo na lang yata (at hindi na paninindigan) ng maraming kabataan
ang mas tumitigas ngayon, lalo na ang mga kabinataan.
Tunay na kapag hindi naging inspirasyon ng ating
mga kabataan ang ating mga beterano, babagsak din ang batalan o lugar hinawan
ng ating pagiging makabansa…
------
(Photo : www.armypictorialcenter)
------
(Photo : www.armypictorialcenter)
No comments:
Post a Comment