Wednesday, June 5, 2013

Damaso Armas


"Damaso". Iyan ang pakutyang tawag ng iba sa mga pari lalo na noong kasagsagan ng debate sa RH Bill.  Sa paglagda ni P-Noy sa Republic Act 10591 o ang "Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act” na isang batas hinggil sa regulasyon ng baril, marami ang natuwa. Nagbibigay din ito ng pahintulot na mag may-ari ng baril ang mga mamamayan na, “whose nature of work may pose danger to their lives” kabilang ang mga pari. Naalala ko tuloy ang lumang pelikula ng yumaong si Ramon Zamora noong 1983 na pinamagatang “Dalmacio Armas.” Direktor nito si Carlo J. Caparas at na-serialize sa comics section ng pahayagang People’s Journal at idinibuho ni Mar T. Santana. Kaya lahat ng mga paring may baril (na mayroon naman talagang pari na may baril sa tunay na buhay) ay tawagin ninyong “Damaso Armas” kung gusto ninyo!

Hindi tuwirang ipinagbabawal ng Simbahang Katoliko ang pagma-may-ari ng armas o baril sa mga layko o maging sa mga pari. Sabi sa Catechism of the Catholic Church o CCC, “Legitimate defense can be not only a right but a grave duty for someone responsible for another’s life. Preserving the common good requires rendering the unjust aggressor unable to inflict harm [2263-2265].  Isa lamang ang malinaw sa bagong batas na ito para sa akin: Pinagtitibay ng  kasalukuyang pamahalaan na ang mga aktibong pari ay mga mamamayan din ng bansa na may mga karapatan sa ilalim ng Saligang Batas, sa kabila ng prinsipyong sinasabi ninyong Separation of Church and the State. Katulad ng paglahok (pagkandidato) sa halalan ng mga aktibong pari na hindi naman bawal sa alinmang batas ng pamahalaan ngunit ang mismong batas ng Simbahan ang nagbabawal.

Nagsalita na ukol pagma-may-ari ng baril ang ilang Obispo na miyembro ng CBCP at sabi nila in brief and in chorus, more or less ay ganito: “No, thanks.” Ewan ko kung ano ang masasabi ninyo dito. Pinag-dedebatehan pa rin kasi ito sa sirkulo ng mga Katoliko sa buong mundo. Sa katunayan, ang CBCP bilang isang collegial body  ay silensyo pa sa isyu sa pagkakaalam ko, pati ang mismong Canon Law bagama't may mga organisasyong pan-Simbahan ang nag-aadbokasiya kontra sa paghawak ng baril, legal man o ilegal, ng mga mananampalataya. Ipinauubaya ito ng Batikano sa mga lokal na ordinaryo at partikular na Simbahan.

Siyanga pala, noong 2006 sa India, isang Fr. Jacob Augustine ang nag-apply para magkaroon ng lisensya ng baril na umani ng pagbatikos sa media. Katwiran ni Fr. Jacob, kailangan niyang proteksiyunan ang kanyang sarili kaya dapat lamang na mag may-ari siya ng baril. Isang layko ang bumatikos sa desisyon na iyon ng pari. Si Joseph Pulikunnel, lider ng kanilang pamayanan, ay nagsabi na ang pagkakaroon ng baril ay, "unbecoming of a priest.” Sabi pa ni Pulikunnel, "Jesus never protected himself with arms. And when Roman soldiers came to arrest him, he restrained his disciples from drawing out their swords." Katulad daw ng kasal, limitado lamang ang karapatan ito sa mga walang orden at hindi para sa mga pari. Maliban na lang kapag sila ay aalis na sa pagka-pari. Habang pari pa sila, maliban na lamang yaong mga chaplain ng pulis o military, bagama’t may karapatan daw silang legal na magka-baril ay hindi sila pinahihintulutang gamitin ang karapatang ito.

Kung ako lang, ang mga paring nais na legal na magka-baril  ay hayaan na lang kung gusto nila. Pero hayaan din ang mga walang baril na mas nanaisin pa ang mapahamak sa baril kaysa sa maging responsable sa pagbaril at pagkamatay at pagka-lumpo ng kapwa.

Huwag lamang “mabuhay sa baril” katulad ng mga gangster. Ibig sabihin ay huwag gumamit  ng dahas para mabuhay. O umasa sa dahas para matamo ang mga ninanais. Ituring natin na isa lamang ang baril sa mga gamit na pang proteksyon na dapat tayong maging responsable kasama ng pag-iingat, dasal, pag-iwas at iba pa, para ipagpatuloy ang ating misyon sa buhay at sa pamayanan ng Diyos.

Si Hesus man ay nag-utos sa Kanyang mga alagad na lumabas at bumili ng mga espada (Lukas 22:36). Utos na sinunod ng kanyang mga alagad. Pero ang tanong, ilan kaya ang susunod sa paninindigang ito ng mga obispo na hindi dapat mag may-ari ng baril ang mga pari? Ambot.

Hayaan silang legal na mag may-ari ng baril alinsunod sa batas na nabanggit pero maging ehemplo lang sana natin si Gabriel Possenti na sa Ina ng Hapis at sa Krus kumukuha ng tapang at hindi sa baril. Hindi kagaya ni Dalmacio Armas…

---------
(Photo : Saint. Bartholomeow. com)



No comments:

Post a Comment