Pasukan
na naman sa Lunes. Maraming kabataan mula sa ating lalawigan ang luluwas ng
Maynila o sa alinmang siyudad at sentrong bayan upang mag-aral. Kapag tayo ay
nasa ibang lugar, sari-saring tao ang ating makakadaupang palad. At kung
mayroong mga kaibigan at ka-eskuwelang tapat ay mayroon din mga mapagbalatkayo.
Sa klasikong nobela na “Florante at Laura’ ni Francisco Balagtas, may bahagi
doon na naglalahad na buhat sa Alabania siya ay tumungo ng Atenas upang
mag-aral. At sa blog entry na ito,
ang buhay-estudyante lang ni Florante ang ating iikutan.
Malimit,
kung sino pa ang ating mga kababayan ay siya pang mahirap pakisamahan. Kahit
itanong niyo sa mga OFW. Si Adolfo marahil ang kauna-unahang jeproks sa literatura
ng Pilipinas dahil sa katangian nitong tila “laki sa layaw.” Sa Saknong 202 ng
“Florante at Laura” ay mababasa ang tinuran ni Florante kay Aladin, “Ang laki sa layaw karaniway’y hubad, sa
bait at muni’t sa hatol ay salat”. Ang taong laki sa layaw din, batay sa
isang awit ni Mike Hanopol na sumikat noong ako ay hayskul pa lang, ang tawag
ay “jeproks”. Mapanghamon ang mag-aral o mamalagi sa ibang lugar. Maraming tukso.
Katulad ng sinasabi sa awit na nabanggit ng Pinoy Rock icon na mga kabataang, “asal
ay gahaman, malakas sa inuman, istorbo sa daan.” Simple lang ang habilin sa
mga batang luluwas para mag-aral: Kailangang maging choosy sa kaibigan at huwag isiping in their company lamang mare-relieve
ang inyong homesickness.
May
ibang katangian ang pagiging jeproks ni Adolfo. Kahit hindi man siya ang
jeproks ni Mike Hanopol, si Adolfo ang mapanibughuing jeproks ni Balagtas.
Hanggang sa pinagtangkaan pa ni Adolfo na patayin si Florante sa isang palabas
sa kanilang paaralan matapos baguhin nito ang orihinal na diyalogo ng drama.
Kung ating sineryoso ang pag-aaral natin noon sa obra maestra ni Balagtas,
maaalala natin na ang palabas (na isang trahedya o kuwentong malungkot) ay tungkol
kay Reyna Yocasta. Magkapatid ang ginampanang papel nina Adolfo (Polinice) at
Florante (Eteocles) at doon pinagtangkaan ng una na paslangin ang huli sa
pamamagitan ng pagtaga ng kalis ng may ikatlong ulit. Mabuti na lamang at
nailigtas si Florante ng isang ka-klase. Dahil dito, bumalik si Adolfo sa
Albania at naiwan sa Atenas si Florante upang ipagpatuloy ang kanyang
pag-aaral.
Sa
bawat bagong yugto ng buhay ay hindi lamang mga Adolfo kundi may mga Antenor
din tayong masusumpungan. Mga kaibigang karamay natin sa panahong naroon tayo
lalo na sa mga pagkakataon na may mga hindi magandang pangyayari sa ating mga
iniwan.
Kagaya
ni Florante, sana sa huli ay makatulong sa ating paglago bilang tao ang ating
mga napag-aralan: “Araw ay natakot at ang
kabataan sa pag-aaral ko sa anaki’y nananaw; bait ko’y luminis at ang
karunungan, ang bulag kong isip ay kusang dinamtan (Saknong 215).” Lahat din
ng asignatura ay pagsumikapan nating maipasa : “Natarok ang lalim ng pilosopiya, aking natutunan ang astrolohiya,
natantong malinis ang kataka-taka at mayamang dunong ng matematika (Saknong
216).” Hindi tayo makatutulong bilang magulang kung hahayaan nating maging jeproks (laki
sa layaw) ang ating mga anak!
Kaalinsabay
ng pagiging matalino, dapat din tayong maging mga Aladin at Flerida na may
pananagutan sa ating kapwa lalo na sa mga nangangailangan…
-------
(Photo: Power House Facebook)
No comments:
Post a Comment