Wednesday, September 18, 2013

Arnis



Bata pa ako ay adik na ako sa mga martial arts movie kagaya nang kuwento ko sa inyo noon. Ang martial art nga ang isa sa pinakamalaking ambag ng mga Asyano sa Hollywood at marami ring mga Pinoy na apisyunado at eksperto dito ay nagkaroon ng pangalan sa Amerika kagaya nina Trovador Ramos, Edgar Sulite at Dan Inosanto. Si Inosanto ay gumanap din sa ilang minor roles kabilang na ang hindi natapos at pinakahuling pelikula ng kanyang kumpareng si Bruce Lee noong taong 1972 na may pamagat na “Game of Death” na nagtampok din sa kali o arnis.  Naging kilala siya sa promosyon ng Filipino martial art, lalo na ang arnis, sa buong mundo. Tumuon tayo kay Inosanto dahil sa isang pelikula na ipapalabas sa Enero 2014 na “I, Frankenstein” na inaasahang tatabo sa takilya. Bagama’t ito ay hindi maituturing na isang sagarang martial art movie, may konek si Inosanto sa nasabing pelikula. Ikukuwento ko sa inyo mamaya pati na ang isang pelikula na idinirehe ni Luis Nepomuceno na nilabasan ng mga international stars na napanood ko noon sa Levi Rama Theater.

Sa “I, Frankenstein” daw, kung saan bida sina Aaron Eckhart at Miranda Otto at sa direksyon ni Stuart Beattie ay itatampok ang arnis. Sa isang panayam, sinabi ni Ekchart, “We've created a different world for Frankenstein to live in. It's a modern world. He's a kali stick fighter and he's fighting for survival, love… all these different great things". Ang kali at arnis o eskrima ay pareho lang. Sina Eckhart at Otto ay sinanay ng mga martial arts expert na Ron Balicki at ang asawa niyang si Diana Lee Inosanto, anak ng maalamat na si Dan at inaaanak ni Bruce Lee. Si Dan Inosanto nga pala ay itinanghal ng Black Belt Magazine, ang bibliya ng martial art, bilang “Man of the Year”  noong  taong 1996.

Ang usaping ito ng arnis at pelikula ay nagbabalik gunita sa ilang bahagi ng ating kabataan, lalo na yaong mga tinaguriang Martial Law baby at mahilig sa  sineng katulad ko, ang pelikulang “The Pacific Connection” na na-international release sa titulong “Stick Fighter” sa direksyon ni Luis Nepomuceno na ipinalabas noong 1974. Bida dito si RolandDantes at kasama ang mga international actors na sina Nancy Kwan, Guy Madison, Alejandro Rey, Hiroshi Tanaka, Dean Stockwell at Cole Wallard, gayundin ang mga lokal na talento na sina Fred Galang, Gloria Sevilla, Elizabeth Oropesa at iba pa.

Isa ito sa mga ang  pelikulang Pinoy na may pinakamalaking badyet noong kapanahunan namin dahil ang setting nito ay noong ika 19 na siglo. Kahapon ay muli kong pinanood ang pelikulang dose anyos pa lang ako nang aking napanood. Buti na lang at may internet na ngayon. Hindi maganda ang pelikula sa maraming aspeto. Karaniwan ang istorya at may maraming sabit na diyalogo na wala sa akin noong bata pa ako. Iba nga pala ang ating apresasyon sa mga bagay-bagay noong tayo ay bata pa kaysa sa ngayong tayo ay may edad na. Sa kabuuan, ang pelikulang ito ay unang nagtampok ng pelikulang arnis sa daigdig na sinundan lang ng mga pelikulang kagaya ng “I, Frankenstein”. Aktwali, ‘sanlaksan na ang mga pelikulang banyaga na nagtampok sa arnis. Isama na natin ang mga tumabo sa takilyang “Bourne Identity”, “Ong Bak”, “Empire Strikes Back” at iba pa.

Ang arnis ngayon ay legal na na isang pambansang simbolo simula ng nilagdaan dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang Republic Act 9850 noong Disyembre 11, 2009. Dahil sa Batas na ito, ang arnis ay kasama na sa kurikulum ng mga paaralan sa physical education. Hanggang isama na ito sa Palarong Pambansa noong 2010.

Ngayong kilalala na ang kali o arnis sa buong daigdig ay may puwang na rin ito dito mismo sa Pilipinas, hindi nasayang ang mga mithiin ng mga Arnis Grand Masters na sina Remy A. Presas, Federico T. Lazo at iba pa na itampok ang kulturang ito ng mga Pinoy.

Kabilang na ang mga eskrimador sa puting tabing na sina Dan Inosanto at Roland Dantes…

----
(Photo: ma mags.com)


No comments:

Post a Comment