Friday, September 13, 2013

Ngopoles


Kasalukuyan pa ring kumukulo ang dugo ng karamihan sa atin dahil Pork Barrel at kay Janet Lim Napoles. Kung nakamamatay at nakapapalis lang ang mga negatibong komento, sa media at kung saan-saan pa, matagal na sanang tigok si Napoles kasama si Seksi, si Tanda at si Pogi at bula ng hindi makita ngayon ang PDAF. Lahat na halos ng Pinoy ay isinawsaw ang kanyang daliri sa key board  ng opinyong bayan at pinatilamsik ang kanyang laway sa panlalait at pang-aalipusta, kasama ang paghugos ng mga tao sa Luneta at iba pang pook, sa tunay na nakababaliw (na hindi mapasisinungalingang nakaaaliw din) na sitwasyong ito sa kasalukuyang kaso ng nuno ng korupsiyon.

Ngunit habang malakas ang ating emosyon, sigaw at panawagan na isakdal, ipiit at parusahan si Napoles at kanyang mga kasabwat, kaagad na ibasura ang Pork Barrel at sugsugin pa kung sinu-sinong mga opisyales ng pamahalaan ang nakinabang sa anomalya, kaladkarin ang mga karibal nila sa pulitika sa isyung tila karnabal kung piyesta kung pag-usapan, may isang mahalagang bagay tayong nakakaligtaan. Ito ay ang pag-aanalisa sa mga Non-Governmental Organizations o NGO sa bansa. Papaanong ang tunay na diwa at layon ng mga tunay na Civil Society Organizations (CSOs) o NGO ay mapanatili at maiiwas sa pagpasok sa katiwalian.

Hindi maipagkakaila na simula nang umusbong ang mga NGO sa bansa na bunga ng reaksyon ng sambayanan sa mapanupil na Batas Militar at pagpapalawak ng demokratikong espasyo na haplos ng Pangyayari sa EDSA noong 1986, pinalakas nito ang mga adbokasiya ng pulitikal na pakikilahok ng masa, ng mga mamamayan sa usapin ng paggu-gobyerno at pagpapaunlad. Sa tulak ng pangmadlang interes, nagsagawa ang mga lehitimong NGO ng mga panlipunang serbisyo, adbokasiya at makataong gawain sa iba’t-ibang larangan katulad ng karapatang pantao, likas-kayang pag-unlad, mabuting pamamahala at iba pa. Nanguna rin ang mga ito sa pagpapalaganap ng mga impormasyon, mga pag-aanalisa, naging mga mekanismo ng pagbibigay-babala at tumutulong sa pagmu-monitor at implementasyon ng mg programa’t proyekto ng pam-pamahalaan man o pang-pribado.

Maliban sana sa ating pagbubuhos ng galit kay Napoles at sa mga kasabwat nito sa Kongreso at Senado, maganda rin na pagtuunan natin ng pansin ang pagbibigay ng mga mungkahi upang ang mga NGO o CSO sa Pilipinas ay magpatuloy na maging tapat sa kanilang mga layunin, prinsipyong tinutuntungan at mga adhikaing panlipunan, pang-ekonomiya at pampulitika.

Dapat na magpatuloy ang mga talakayan at dayalogo sa usaping ito ng pagkikinis ng mga NGO sa bansa. Kung sakali mang ang usaping ito ay seryosohin sa imbestigasyon ng Kongreso in aid of legislation, dapat na matukoy kung sapat na ba ang kasalukuyang sistema ng regulasyon dito o dapat pa ba itong pag-ibayuhin ng pamahalaan?  Anu-anong mga pamamaraan upang maging obhetibo nating “burahin” ang mga bogus lang. Ang pagtitiyak na ang mga pekeng NGO ay hindi makapasok sa mga proyekto ng gobyerno. Dapat kagyat na ma-resolba kung ang pagreregularisa ay gawain nga ba ng pamahalaan, o dapat mamayani ang “self regulation policy” na siyang tinutuntungan ngayon ng Securities and Exchange Commission o SEC. Ang pagkakaroon ng mga malilinaw at napatutupad na mga batas hinggil dito ay kasing halaga ng paglusaw sa Pork Barrel sa ating mga pampulitikang kusina o pagpapanibago sa resipe nito at pagpapakulong kay Napoles at kanyang mga kasabwat, kasapakat at kabalat. Si Napoles na tuwid nga kung magsalita ngunit kaduda-duda naman ang mensahe.

Anu’t-anuman, higit na mahalaga ngayon ang mahigpit na panawagan para sa pampublikong paggigiit para sa accountability, sa pamamagitan ng pampublikong paghahayag o transparensi. Ang bawat NGO ay dapat na maatasan na regular na mag-uulat ng kanilang mga pamamalakad, operasyon o pamamahala at mga accomplishments sa mga tao at grupo na dapat sana ay kanilang pinaglilingkuran. Kung papaano ito gagawin ay dapat siya ring pag-ukulan ng pansin.

Ang mga tunay na taong NGO ay tuwid kung mangusap at magpaliwanag. Determinado at may pagtatalaga ng sarili. Hindi ngongo ang mensahe...

(Photo: GMA Network)


No comments:

Post a Comment