Mag-iisang
linggo na ang nakalipas ngunit talagang hanggang ngayon ay hindi pa rin siya
makapaniwala na makikita niya ng personal si Marian Rivera at si Paolo Avelino na
dati ay sa telebisyon lang niya napapanood. Hindi niya makakalimutan ang gabing
iyon na kanyang pinakahihintay ng buong taon. Kahit halos mapitpit siya sa
pakikipagsiksikan, salyahan, balyahan sa libu-libong tao na nasa plaza noon
para lang masilayan, mapiktyuran, mahawakan at malapitan ang mga artista. Ewan
ko kung may pakialam siya kung ano ang okasyon noong gabing iyon. Ke birtdey,
ke Barangay Day. Ke ano pa!
Pero
wala siyang pakialam kung magkano at saan kinuha ang pinanggastos para sa
palabas. Lalong wala rin siyang pakialam sa kung bakit ganoon kalambot kumembot
si Enchong Dee. Masama bang humanga sa tulad nina Erich Gonzales at Julia Montes
na nagagandahan dahil sa kanilang kaputian?
May
mga pagkakataon pa nga na nasusumpungan niya ang sarili na naka-dungaw sa
bintana, nakatingin sa malayo, haplos ang brasong sunog sa araw, kasabay ang
buntong-hininga ng panghihinayang.
Nasa
harap siya ng salamin ngayon, nagpapahid ng malapot na likido sa mukha na nabili ng kanyang kapatid
na babaeng mas bata sa kanya sa isang parmasya sa San Jose noong
piyesta. Pampapaputi raw ito. Mag-iisang linggo na niyang ginagawa ang ritwal nang
palihim bago matulog. Expoliating cream yata
ang tawag sa laman ng maliit na plastik na kanister na iyon. Maksipil daw yun. Kuskos, hala, kuskos!
Maaga
siyang matutulog. May pitas pa sila ng mais bukas. Sisiguraduhin niyang mata
lang niya ang tatamaan ng sikat ng araw bukas. Kasama niya ang iba
pang mga tinedyer sa kanilang baryo na tulad niya ay tumigil na rin sa
pag-aaral. Sila ay kagaya rin niyang kung hindi man nangangarap na maging
artista ay mga kaluluwang umaasa na sa isang taon ay makakakita uli ng artista.
Pero nanalangin na huwag naman halos umagahin na sa paghihintay ang mga
manonood bago sila palabasin. Hindi siya nag-iisa. Marami sila. Libu-libo. Sana
naman daw ay artista na lang at wala nang mga pulitiko o kung sinu-sino sa
paligid man o sa ibabaw ng entablado.
O
kahit na meron pa, basta sana may artista uli sa isang taon. Kahit na ano ang pa
ang ipalagay natin, wala siyang pakialam.
Biglang
may humawi ng kurtina ng kanyang silid. Pasigaw na asik ng kanyang kapatid, “Kuya, ano ba? Ba’t kinuha mo na naman ‘yung
losyon ko?”…
----------
(Photo grabbed
without permission from Tasker Master’s FB Wall)
No comments:
Post a Comment