Friday, May 16, 2014

Napulot Kay Napoles


Ito ang una kong pagdutdot sa key board na may kinalaman sa kaso ni Janet Lim-Napoles. Hindi ako gaanong intresado na isulat ito dahil wala (pa?) namang taga-Kanlurang Mindoro ang nadadawit dito. Pero baka may kamay ng invisible magicians sa likod ng sarswelang ito na hindi natin alam mula sa itaas. May mga bagay akong napulot kay Napoles, sa totoo lang.

Kapwa tauhan lang malamang sina Napoles at si Ben Hur Luy na sa isa nilang act ay inilaglag ng una ang huli. Isang malaking sunog na ito ngayon na nagsimula sa munting alipatong pumaimbulog sa basura ng personal na alitan ng dalawa. Sa paglabas ng Napolist kamakailan, para itong wrecking ball na umindayog at kumaldag sa house, senate at natural sa buong bansa. Idagdag pa natin ang  ”intermission number” na patutsada ni Senador Miriam Defensor-Santiago sa kasarian ni Ping Lacson na hindi ko alam kung ano ang kinalaman sa Pork Scam o pambababoy!

Kahit ang mga lehitimong CSO at NGO na tunay na tumutulong sa mga mahihirap ay nadamay sa kasong ito ni Napoles. May mga makikitid pa nga ang utak na nagsasabing buwagin na lang ang lahat ng NGO at CSO sa bansa. Marami sa atin ang mga ekstremistang pulpol na hindi nag-iisip na kung gagawin ito ay matutunaw ang hindi pa man lang natin naisasabuhay na prinsipyo ng participatory governance at responsible citizenship na tanging ang mga tunay, legal at responsableng mga CSO at NGO, mga kooperatiba, asosasyon, samahan, ang mas mabisang daluyan.

Sa gitna ng isang mahika, ang mga nanonood at tila napaparalisa sa tuwa at mangha. Nawawalan na ng pakialam halos sa mga nangyayari sa labas ng sirkus o sa tunay na nagyayari sa lipunan. Sa gitna ng palabas ng madyikero, nalalayo na tayo sa reyalidad ng mga mas importanteng bagay kagaya ng pagkabansot ng agrikultura, krisis sa enerhiya lalo na sa Mindanao, pambu-bully ng Tsina at iba pa. Isa lang ang tiyak. Maipapasa sa mga susunod na lider sa pambansang antas ang iskandalong ito. Asa pa tayo. Sa kupad ng gulong ng hustisya sa bansang ito.

Ang mahika sa esensya ay sining ng panlilinlang. Ga-hibla lang ang pagitan ng isang mahikero at ng magaling na magnanakaw, bagama’t ang layon ng una ay mag-entertain habang ang huli ay kumita ng limpak-limpak na salapi mula sa baluti o sa pinagpaguran ng iba. Gamit ang posisyon sa gobyerno at maging samahang pribado. Ito ang muling natutunan ko kay Napoles.

Ilang araw lang, kapag papalapit na ang 2016, ay iigting ang turuan, kampihan at sisihan ng mga pulitikong mayayaman. Sila-sila. Oposisyon at administrasyon, kabilang ang mga taga-hubog ng pampublikong opinyon sa ating gitna. Mga kolumnista, brodkaster o mga kawani ng media (na umano ay may ilang sangkot din) at maging kahit yung basta may kompyuter lang at marunong dumutdot. Na gagatungan naman ng mga media network na ang tanging layunin lamang ay ang pagtaas ng rating at audience share. Ang iskandalo ay asahang magbibigay-anghang sa putaheng nakahain sa ating pampulitikang hapag na sarap na sarap tayong lantakan.

Nilalagyan lang ni Napoles ng sabaw ng pusit ang dalisay na tubig sa tapayan para guluhin at lituhin ang tao lalo na ang paglilitis. Mistula itong bazooka sa kamay ng sundalong piniringan ang sarili. Matutukan na ang matutukan. Matamaan na ang matamaan basta mailigtas lang sarili. Tayo naman na mga mamamayan, hindi pa man kinakalabit ang gatilyo ng bazooka  ay flame thrower na ng pangkalahatang akusasyon ang ating ibinuga. Sweeping assault tayo kagaya rin ng ginawang pag-aakusa ng aleng nahihiga raw sa bath tub ng kuwarta.

Tellingly, sa iskandalong ito ay marami sa atin ang kagyat na naging hukom kahit wala pa mang pormal na paglilitis sa mga taong nasa mga listahan ay hinatulan na natin kaagad. Pinarusahan, inuyam at inalipusta. Pero hindi naman natin masisisi ang sambayanan lalo na ang pigilin ang kanilang ngitngit.

Mga hukom na agad tayo na ang gavel ay ang mga daliri at ang anvil ay ang keypad…

--------
(Photo: www.mb.com.)



No comments:

Post a Comment