Tuesday, December 16, 2014

Ang Nosebleed at Si Lourd de Veyra


Hindi ko alam kung si Rufa Mae Quinto nga ang dahilan kung bakit ang salitang “nosebleed” ay palasak na palasak ngayon. May mga pelikula kasing may pamagat na “Booba” at “Bobita Rose” na nagpapakita ng mga scene na kapag may nag-i-ininglis na kausap ang karakter ni Rufa ay dumudugo ang kanyang (Rufa) ilong. Pero kung  naniniwala tayo na ang kahinaan sa English ay nakaka-balinguyngoy, sana ay nakita na natin si Lito Lapid o si Ramon Revilla, Sr. noon, na may pasak na sanitary napkin sa ilong habang naka-upo sa Senado.

Ngayon, hindi lang patungkol sa pagsasalita ng language ng mga Kano ang naka-no-nosebleed sa marami. Magsalita ka lang tungkol sa Higgs Bosom, sa mga akda ni F. Sionil Jose, kay Aristotle, sa teolohiya ni Elizabeth Johnson, ng mga artikulo sa Strange Notion, ng mga balita galing sa Al Jazeera, character sa Greek Mythology, etsetera, #nosebleed kaagad ang majority sa young Pinoy Twitters o Netizens . Sila ang mga kabataang mag-aaral na hindi na nasiyahan sa kani-kanilang pinapasukang kolehiyo ay nag-cross enroll pa sa Facebook kung saan mas marami pa silang gustong makuha o ibahaging impormasyon kaysa sa mga titser (na marami rin ay nag-mo-moon lighting nga rin pala sa Twitter o/at sa Facebook). Quits lang.

Obvious na ang nag-ganyak sa aking isulat ito ay isang aklat ni Lourd de Veyra. Yung mga thunderbirds na walang internet connection at cable TV lang siguro sa Occidental Mindoro ang hindi kilala sa pangalan si Lourd de Veyra ng TV 5. Sa kanyang may kulay dugong pabalat na librong “Lourd de Veyra’s Little Book of Speeches”(2014; Summit Media; p.53), aniya, “Isa pang bagay na dapat nating pagtuunan ay ang gumagapang na espiritu ng anti-intelektuwalismo. Naiinis  ako ‘pag may humihirit ng “nosebleed.” May hindi lang maintindihan na salita, “nosebleed!”” Papaano nga ba naman maghahatak ng imahinasyon ang espiritong ito?

Kung alam lang ng maraming kabataan, mas may sense basahin si Lourd de Veyra kaysa kay Marcelo Santos III. Mas may tulak sa paghatak ng utak ang mga akda ng una kaysa sa huli. Nasa itaas nga pala ang picture ni Lourd, just in case na hindi ninyo alam na siya yung nasa Chicharon ni Mang Juan at Tanduay Ice sa TV commercial. Patunay ang sulating ito na nakakahawa ang istilo ni Lourd de Veyra sa pagsusulat.

Karanasan ko rin kahit na ako ay isa lamang pipitsuging parochial blogger ang masabihan ng, “Nosebleed ako kuya sa blog mo”. ‘Langya, iilan na nga lang ang bumabasa ng blog ko, nosebleed pa ang marami. At kapag nagpapahayag ka ng mga bagay na nagtutulak ng utak, ang malimit nilang depensa ay, “O sige na. Ikaw na!” Sabay bago ng topic tungkol na sa Christmas Sale sa Gaisano Capitol sa San Jose. O ang latest sa “Forevermore”. ‘Pag hindi ka nga naman dinugo, oo!

May katumpakang tingin pa ni Lourd patungkol sa mga kabataan ngayon: “[May] katamaran sa pag-iisip. Ayaw na bigyan ng challenge ang utak. Hindi alam kung papaano gamitin nang maayos ang teknolohiyang nasa kamay nila”. Totoo na sa kasalukuyang panahon ng Twitter at Facebook, kapwa ang guro at mag-aaral ay mauubusan na ng panahon o ayaw nang magbasa ng aklat tungkol sa ideya at mga kuwentong kanilang maiuugnay sa pagpapadaloy at pagtuklas ng kaalaman (hindi lang impormasyon, ha?) na tunay nilang responsibilidad.

Pero maidagdag ko lang, maliban sa katamaran sa pag-iisip na sinasabi ni Lourd, may sakit din tayong katamaran talaga. As in laziness sa pagkakatuto lalo na kapag nasa harap tayo ng computer. Imagine, may nagtatanong pa sa online forum sa mga information na madali namang i-Google. May sakit din tayo,- oo, kasama ako, na mga nagku-comment sa mga discussion thread na post lang ng post na hindi ini-scroll up ang previous posts at binabasa ang kabuuan ng thread. Kaya hayun, nagmumukha tuloy tayong sampitaw na engot dahil sa ating katamaran.

Tamad din tayong magbasa/manood ng mahahabang comment,- o anumang mahahaba, kaya nga walang puwang ang nobela sa kamalayang Pinoy, maliban siguro sa ibang bagay na nakikita ninyo sa net. O baka dahil na rin sa paliit na nang paliit ang mga communication gadgets ngayon kaya tinatamad na magbasa. Sa totoong buhay, hindi naman lahat ay pwedeng bite size. May mga bagay kasi na kung mouthful lang natin malalasahan, so to speak.

Sabagay, sa mass communication daw, mas epektib na strategy ngayon ay one liners, catch phrase, sloganeering, brief and concise statements or presentations. Pero hindi kaya lalo tayong ginagawang tamad ng mga ito? O baka naman kaya tayo tamad ay ginagawa tayong tamad ng mass media? O tayo mismo ang nagpu-push na maging tamad tayo? “Nosebleed na tanong ‘yan”, maibubulong ninyo siguro.

Sige na nga, i-externalize na lang ninyo at i-put into flesh ang prevailing ang most followed word of wisdom ng mga bagets ngayon: “Hindi baleng tamad, hindi naman pagod.”   

Kaya lang, malamang sa kalaunan, pati sa “balinguyngoy” o iba pang salitang sariling atin na madalang gamitin ay nosebleed na rin tayo…

-----------


(Photo: Active Vista)

No comments:

Post a Comment