Wednesday, December 31, 2014

Nasa Ecuador Sana Ako Ngayong Bagong Taon


Kakaibang pagsalubong sa Bagong Taon ang ginagawa ng mga Ecuadorian. Parang street demonstration lang ang peg kumbaga dito sa ‘Pinas. Dinadala nila sa kalsada mga effigy ng mga pop culture icon, cartoon characters, super hero, mga showbiz personality na kina-aasaran nila para sunugin. Pero ang mas cool (?) ay ang pagsunog sa mga effigy ng mga pulitiko sa kanilang bansa. Ang mga effigy na ito na pinapalaman ng mga fire crackers ay gawa kadalasan sa recycled na materials. Ang tradisyon ng pagsusunog ng “Año Viejo” o “Lumang Taon” sa hatinggabi ay sumisimbolo sa cleansing ng mga masasamang kaugalian na nangyari sa nagdaang 365 days. Naniniwala ang mga Ecuadorian na kung hindi nila ito gagawin ay babalik ang mga kamalasan at karumal-dumal na kapalpakan na hatid ng mga pangyayari, bagay at taong naging laman ng mga balita at mass media.

Take note, kumpetisyon din ang Año Viejo. Mula sa mga rehiyon sa kanilang bansa, taun-taon ay humihirang sila ng mga pambansang winners. Sabi DITO, “[A]s a ritual of purification and renewal, a cleansing of old, negative energy, individual and collective failures, regrets, bad habits, bad luck and evil from the previous year. Oftentimes, the effigies are heaped together in big piles to create large fires in the middle of the streets. It is said that jumping over the burning effigies brings good luck to those who successfully accomplish this feat.” Ka-ige, hane?

Kung may ganito lang sa Bayan ni Juan, palagay ko, walang magtatangkang gumawa ng effigy nina Alan Peter Cayetano at Antonio Trillanes III maliban sa mga taga-UNA ni VP Jojo Binay. Siguro ay malaking karikatura ni Janet Napoles ang ipaparada at lilitsunin ni Benhur Luy at sasahuran pa ito ng timba para sa tumatagas na sebo. Baka kasama rin ang mga effigy nina Bong Revilla, Juan Ponce-Enrile at Jinggoy Estrada para tustahin to be fair.

Pero ililigtas ko sa apoy si Rose Fostanes (kahit medyo ka-look alike niya si Napoles) na isang Pinay caregiver sa Israel dahil sa kanyang pagkapanalo sa X-Factor sa bansa ng mga Hudyo. Pero ‘yung kay Delfin Lee ng Globe Asiatique baka suplete rin ang abutin habang nananalangin na ang Bagyong Glenda noong Hulyo ay hindi na maulit.

Malamang din, kung may ganitong tradisyon dito sa ating bansa gaya ng sa Ecuador, siguro ang susunuging effigy ni Mommy Dionesia at Buboy Fernandez ay ang kay Kim Henares habang walang mangangahas na sindihan ang manikang kamukha ni Henry Sy na last 2014 ay siya pa ring pinakamayaman na tao sa bansa, ayon sa Forbes Magazine with an estimated net worth of $12.7 million.

Pero sayang din kung isusubo sa darang ang kalunus-lunos na mga replica ng nag-iisang medalyang ginto at tatatlong silver medals na nakuha ng bansa sa 2014 Asian Games na pababa ng pababa na ang ating kartada. Yung paper mannequin na lang kaya ng mga opisyal ng National Sports Associations, madabdab kaya gaya ng uling ng ayo at bakawan?

Pero kung ang tsinelas ay magandang pampa-dingas sa kahoy na gatong sa kalan, natural mas epektib ang  gasolina lalo na kung kasama pa ang motorsiklong pala-semplang. Peks man. Itanong nyo pa kay Korina Sanchez at Mar Roxas.

Ako, ang susunugin ko na lang ay ang effigy ni Bob Arum. Mismatch talaga ang Pacquiao-Algieri. Lutong Macau talaga!

Kayo, kaninong effigy ang susunugin ninyo sana kung may ganitong pagsalubong dito sa Bagong Taon katulad ng sa Ecuador?...


No comments:

Post a Comment