Thursday, July 7, 2016

Pendeho


Kumipis na ang dating matipunong katawan ni Lando. Unti-unti.  Nangitim na ang paligid kanyang sugat sa binti at utlaw na ang buto kaya nagpasya na ang duktor na putulin na lang ito. Kaya heto siya ngayon, alipin ng kanyang saklay (o maaring ang kanyang saklay ang kanyang alipin). Sa edad niyang bente nuwebe ay napakatanda na niyang tingnan. Hanggang sa lumabo rin ang kanyang mga mata na bahagyang-bahagya na lamang naka-aaninag. Mga parusang haplit sa kanya ng kanyang diabetes. Mabuti na lang at kahit papaano ay may programa para sa mga maralitang taga-lunsod ang kanilang parokya. Dagdag din ito sa mga gastusin sa gamot at pa-duktor. Kaysa sa noong kalalaan ng sakit, mabuti-buti na ang lagay niya ngayon.

At sana, habambuhay na.

Taga-deliber siya ng mga papeles ng kanilang kumpanya noon at sapat na rin ang kita para sa bago pa lang nagsisimulang mag-pamilya. Pero dahil sa karamdaman, halos limang taon na siyang walang lakad at walang kita, walang trabaho. Ang maging halos bulag na at hindi makalakad at wala pang trabaho ang pinakamasaklap na sasapitin ng isang amang tulad niya. Ito ang hinagpis niya sa mundo. Nakatira na lamang sila sa isang maliit na barung-barong malapit sa mabahong estero. Ang kanyang asawa ang bumubuhay sa kanila ng kanilang otso anyos na matanong at makulit pero malambing na anak na si Lek-Lek.

Ipinagbubuntis pa lang noon si Lando ng kanyang nanay nang ang kanilang pamilya ay tumungo ng Maynila upang umiwas sa bakbakan ng mga NPA at sundalo sa Mindoro. Nobyembre ng taong 1987 nang ang kanyang mga magulang ay patagong tumakas papuntang siyudad. Akala nila ay tatahimik na sa kanilang baryo dahil napatalsik na noon ang diktador na si Marcos, kaya akala ng marami ay wakas na rin ng militarisasyon. Minsan na kasing tumuloy sa kanilang kubo at nakikain sina Ka Islaw, ang isa sa tatlong bangkay na ibinuyangyang ng mga militar sa plaza ng munisipyo. Inilatag ito sa lupa ng wala man lang sapin. Bakas sa mga nilalangaw na bangkay ang  pagpapahirap na kanilang dinanas bago patayin: Durog lahat ang mga kuko sa kamay, may paso ng sigarilyo ang maseselang bahagi ng katawan at tadtad ng saksak sa leeg.  Sabi ng opisyal na may dalang largabista sa azotea ng gusaling pampamahalaan, napatay daw sa engkuwentro ang mga rebeldeng iyon. Nabalitaan nilang hinahanting ng mga Matasadem ang tatay niya. Samahan ito ng mga mamamayang tapat daw sa demokrasya na isang armadong vigilante group. Sakay ng barko na tigib ng takot, lumuwas nga sila ng Maynila.   

Mahirap talagang makipag-sapalaran sa lungsod ng kawalang katiyakan ngayon lalo na sa kakainin at pang-araw-araw na gastusin. Pero naiisip niya, hindi man nakabubusog ang pagmamahal ay daan naman ito para makalimutan ang kalam ng sikmura at pagkalubog sa kumunoy ng pagdaralita. 

At sana, habambuhay na.

Lubak-lubak na ang bungad na sementadong daang lagusan ng eskinitang papunta sa kanila kaya kinukumpuni ito. Binabasag ang lumang konkretong eskinita para muling sementuhin at lagyan sa gilid ng drainage canal. Ang eskinita na pugad ng mga latak ng lipunan. Ang linyang daan kung saan kadalasan sa liwanag ng street lights ang mga bata ay nagtutuyaan at nagpapayabangan tungkol sa kani-kanilang mga magulang. Maghahamon ng away ang isang nuwebe anyos na rugby boy ng, “Tatay mo nga rapist!” sa isang kalarong ang erpat ay kalalabas lang sa hoyo. At iiyak na lang bigla ang mutaing bata na makakantiyawang supot ang tatay niyang drayber ng sikad. Nabugbog pa nga minsan ng isang ma-ngongotong na pulis ang tatay ni Mutain matapos nitong ipagkalat na ang mga bataan ng pigoy ang numero unong tulak ng droga sa kanilang lugar. Na siya namang totoo.

Sa edad na bente kuwatro, morena ngunit makinis ang kutis ni  Leny at sa taglay nitong ganda, maraming mabibighani sa kanya. Katabi ang mahimbing na natutulog na asawa, sa mga gabing maalinsangan na hindi siya mapagkatulog, napakiskislot din ang kanyang balingkinitang katawan sa tunog at yugyog ng sudsod ng jack hammer ng mga taga-MMDA na nagsasagawa ng road re-blocking sa may ‘di kalayuan kahit nasa katahimikan ng gabi. Madalas nang magputik ang lagusang iyon na dapat sana ay palaging nadudukal o namimentina, noon pa.

Pero kamakailan lang ay nagpasiya si Leny. Kung aasa lang siya sa pagmamanikyur at sa paglalabada ay mamamatay silang dilat sa gutom, lalo silang malulubog sa utang. May disenteng trabaho ba ang naghihintay sa isang hindi man lang nakatapos ng elementarya? At ang ikalawang dahilan ay sa kanya na lang. Ilang gabi na rin kasi siyang hindi mapagkatulog gayung kumain naman siya kahit papaano. May nararamdaman siyang hindi mairaraos sa tulog. Nagbabagang kadena man ng panlalait o kahit dagat-dagatang apoy pa ng Impiyerno ang kapalit nito ay tatanggapin niya. May puhunan naman siyang sisimulan. Mapagsasabay pa niyang maiibsan ang dalawa niyang pangangailangan.     

Simula noon, may ilang hapon na siyang nagpapa-alam na may pupuntahan lang. Lalabas siya ng bahay na bagong paligo at naka-pabango. Isa man sa kanilang dalawa ay walang mag-uusisa, walang nagtatanong. Magpapaalaman sila na kapwa may impit na awa sa isa’t-isa. Mga anino silang hindi hinuhusgahan ang isa’t-isa. Malalim na ang gabi madalas kung siya’y uuwi.

Ngayong gabi habang hinihintay nila sa labas ng pintuan si Leny, kinukulit na naman siya ng matanong na si Lek-Lek, “Tay, ano po ba ang pendeho?”  Tila balaraw itong ‘sing talim ng pagmumura noong kampanyahan ng kauupong pangulo. Tarak na tarak ang inosenteng tanong ng anak sa kanyang dibdib. Tanong na alam niyang bunsod ng istoryahan at kantiyawan ng mga kalaro ng anak. Mabuti na lang at mas entresado si Lek-Lek na ikinuwento kung papaano pinagbabaril ng mga pulis ang tatay ni Mutain. Nanlaban daw ito sa mga umaresto sa kanya. Sinugod daw nito ang mga otoridad tangan ang isang kaputol na bakal. Sabog ang utak ng tatay ni Mutain yakap ang kanyang sikad. Dedbol.

Nailigaw niya si Lek-Lek sa tanong na tiyak na magsasanga pa ng mas malalalim at matatalim na mga tanong tungkol sa pendeho.

Pansamantala.

Kung maaari lang sana, habambuhay na…
---------

(Photo: from the movie “Mientras Su Durmida”)

No comments:

Post a Comment