Monday, April 30, 2018

Ang Kasaysayang Pam-pook sa Lente ng Isang Blogger*



Ang Abril ay Buwan ng Panitikang Filipino.

Simulan natin ito sa isang pandaigdigang pangungutya na palasak pa hanggang ngayon. Ang mga aklat o sulating pangkasaysayan daw ay pampasikip lang sa mga silid-aklatan (“so much dead weight on library shelves”) at ang mga aklat na ito ay “the dullest of all the dullest book.” Bakit kaya walang gaanong tumatangkilik sa mga ito? Ano ang kaugnayan ng panitikan sa kasaysayan?

Ang Kanlurang Mindoro ay hindi magagawang makutya ng mga ganitong pananaw. Una, bihi-bihira ang nagsusulat ng lokal na kasaysayan sa atin. Ikalawa, wala naman tayong mga pampublikong silid-aklatan na pasisikipin ng mga ganitong sulatin o aklat. Bakit kaya? (At maraming pang “Bakit” ang kasaysayan ng ating lalawigan!)

Pero ang kutyang ito ay hamon sa atin na sumunod sa mga yapak ng mga sinauna nating historyador kagaya nina Rudy A. Candelario at ng mga yumaong sina Propesor Remegio A. Agpalo, Gil C. Manuel at Rodolfo Meim-Acebes. Isang pagpupugay sa kanila at sa kanilang legasiya.

Ipinapalagay ng marami na ang kasaysayan ay walang praktikal na gamit hindi kagaya ng matematika. Nakakauta pa raw magsa-ulo ng mga pangalan, lugar, petsa at kaganapan na parang wala namang magiging direktang kaugnayan sa ating pang-araw-araw na buhay. Kunsabagay…

Sabi ni Tip O’Neill, dating kasapi ng Mababang Kapulungan ng Estados Unidos, “All politics is local”. (“Ang lahat ng pulitika ay lokal”) at gayundin ka-totoo na ANG LAHAT NG KASAYSAYAN AY LOKAL. Upang mas lumawak ang kaalaman ng mga Filipino sa pambansang kasaysayan, kinakailangang paigtingin ang pananaliksik at pagsusulat sa mga lokal na kasaysayan.

“Hindi mabubuo ang pambansang kasaysayan kung hindi maganda ang lokal na kasaysayan,” wika ni Xiao Chua, isang kilalang propesor ng kasaysayan. Ano ang ambag ng mga manunulat ng Kanlurang Mindoro sa usaping ito?

Para sa mga nasa akademiya, sa mga kolehiyo at pamantasan, kailangang mahusay na maituturo ang pambansang kasaysayan sa tulong ng mga nakalap na kasaysayang pam-pook. Dapat na maging mausisa ang mga guro sa kasaysayan ng mga lugar na kanilang ginagalawan.

Ang mga kuwento ng mga henerasyong nauna sa atin o yaong mga naunang namuhay sa Isla ng Mindoro ay kailangang makalap, masulat at maalagaan bago ito tuluyang mawala sa mga susunod pang henerasyon. Lalo na ang mga Mangyan. Lalo na ang mga mahihirap na parang hindi kinukonsidera na mga pangunahing aktor ng kasaysayan.

Sabi nga ni Virgilio S. Almario, kahit ang Balagtasan ay naglalayon para sa mas mataas na panlipunan at pampulitikang mga tungkulin. Lampas sa paghahatid ng saya, pinapataas nito ang tradisyunal na papel ng makata bilang tagapag-hatid ng katotohanan sa sambayanan.

Ating balikan, kung ang lahat ng pulitika ay lokal, gayundin ang lahat ng kasaysayan. Tumpak lang na maipalagay, na ang mga Pamahalaang Lokal ay malaki ang maiaambag sa layuning ito. Una, dapat na ang mga opisyal ng pamahalaan ay may pandama sa panitikan, kasaysayan at kultura.  Papaano?

Pangarap natin na magkaroon ng isang Sentrong Pangkamalayan sa Kasaysayan at Kultura sa Kanlurang Mindoro. Ito ang magpapatatag sa samahan ng mga propesyunal, historyador, guro, at mga mag-aaral na nasa larangan ng kasaysayang pam-pook at mga pamana o legasiya.

Pagpu-pondo sa mga gawaing pananaliksik at dokumentasyon hanggang sa paglilimbag. At pag-aaral at pagsasa-praktika ng mga makabagong metodo ng pananaliksik.

Pagsasagawa ng mga manuskrito ukol sa ating mga natatanging ka-lalawigan kabilang ang mga lokal na bayani na magtatampok sa kanilang talambuhay at mga gintong kaisipan at dakilang adhikain. Ilan lamang ito sa maraming bagay na maaring gawin ng mga lokal na pamahalaan, lalong lalo na ang pamahalaang panlalawigan para sa kasaysayang pam-pook.

ANG KASAYSAYANG PAM-POOK AY MAKATUTULONG UPANG UNAWAIN SA TAMANG KONTEKSTO ANG ATING MGA NINUNO O SINAUNANG MAMAMAYAN. Dito pumapasok ang aking pahilis o pagkiling sa mga Mangyan. (Hindi po ninyo naitatanong, ako ay ang kasalukuyang Indigenous Peoples’ Affairs Officer (IPAO) ng Bayan ng Sablayan).

Ang papel ng Mangyan sa kasaysayang pam-pook ay dapat na masalamin at mabigyang-tampok. Ito ay upang malaman din ang kanilang kasalukuyang kalalagayan at mga suliranin upang matugunan ng mga kinauukulan batay sa epekto ng mga ito sa kanila.

ANG MGA KASAYSAYANG PAM-POOK AY MAKATUTULONG SA ATING PAG-UGIT KUNG SINO TAYO. Nasa mundo tayo ngayon ng estereotipo. Ang estereotipo ay ang pagtukoy o pagbanggit sa lahat ng negatibong bagay kahit hindi naman totoo. Ang direktang kahulugan nito sa wikang Filipino ay ang pamamaraan ng pambubuska o mabilisang paghusga ng isang tao sa isa pang uri o grupo ng mga tao.

Halimbawa na lamang, ang mga Mangyan ay hindi marunong mag-isip, mga tanga at mga bobo. Ang mga pinuno ng pamahalaan ay matatalino at may mas malaking maiaambag sa kaunlaran ng bayan kaysa sa mga Mangyan. Ang mga kababaihan ay “pambahay” lang at “pang-kama”, at marami pang iba. Magbigay ng halimbawa.

Sabi ni Victoria Plaut isang panlipunan at kultural na sikolohista sa Unibersidad ng California sa kanyang artikulong, “The Cultural Construction of Self and Well-Being: A Tale of Two Cities,” mayroon umanong mga ebidensya na tumutukoy na ang ating mga pook na sinilangan, tinitirhan o pinanggalingan ay may malaking kontribusyon at papel kung sino tayo at kung ano ang pananaw natin sa mundo.

Sa kanyang pananaliksik, malinaw umano na sa kambal nating mga pagkakaiba sa personalidad, ang kultural na pag-inog sa partikular na konteksto ng isang tao ay susing daluyan ng kanyang sarili at pagkatao.

Dagdag pa ni Plaut sa kanyang sulatin na isinalin ko rin, “Sa huli, pagdating sa pananaw sa kanyang sarili ng isang mamamayan ng isang pook at kanyang ganap na kagalingan, may malaking kinalaman ito sa lokal na kultura at kasaysayan” (na maaring nasusulat o hindi).

Ngayon, papaano mo sasabihin na walang praktikal na gamit ang kasaysayan kung katulad ng Pilosopiya ay naglalayon itong tuklasin kung ano ang tao, sino tayo at ano ang layon natin sa daigdig? Kung may kagnayan ito sa pananaw natin sa ating sarili, saang lupalop natin kinuha ang pananaw na wala itong praktikal na gamit o kaugnayan sa buhay natin?

Ang totoong gampanin ng isang historyador o guro ng panitikang pang-kasaysayan ay ang pagpapaliwanag na may kaugnayan at paralelismo ang kasaysayan at ang ating personal, espiritwal at panlipunang pag-iral.

(Akin-akin lang po yan.)

Tungkulin ng mga grupong pampanitikan at pang-kasaysayan na gumamit ng panlipunang kritisismo bilang isang pangkasaysayan metodo. Ito lamang ang ating sandata sa delusyon ng paggamit sa mga pansariling layon at adyenda ng mga elitista. Ito dapat ang ating kiling sa ating pag-iral (“existential bias” ang tawag ko dito).

Hamon sa ating mga historyador ang palaguin ang ating sarili sa ganitong kaisipan at layon na maaring nating tawaging “mental faculty”.

(Lalong akin-akin lang po ito.)

ANG KASAYSAYAN AT PANITIKAN AY MAGKA-UGNAY. Ang panitikan at kasaysayan ay magkaugnay sapagkat ang ating mga ninuno at maging yaong mga nabubuhay sa panahon natin ngayon ay gumagamit ng panitikan sa pagdodokumento at patatala ng mga pangyayari. Ang mga talang ito ay sumasalamin sa mga pangyayaring panlipunan sa bawat yugto ng panahon. Samakatuwid, ang panitikan ay nagsisilbing batayan ng kasaysayan dahil tumutukoy ito sa ating buhay pamayanan. Ang kasaysayan din ay kasalukuyang mga pangyayari na isinusulat sa panitik ng kasalukuyan.

Ang pagsusulat ng kasaysayan at panitikan ay dapat na kritikal sa mga nangyayaring masama sa paligid sapagkat kung babasahin din natin ang kasaysayan, ang panitikan ay dapat na mapagpalaya at nagbabadya at nagtataguyod ng karapatang pantao.

Layunin ng historyador at manunulat na magpamulat kung papaano ang katotohanan ay siyang magpapalaya sa ating lahat.

PAGLALAGOM. Ang aking pagba-blog ng kasaysayang pam-pook ay libangan lang. Ako ay isa lamang sa sinasabi ni Sass Rogando Sasot na “minimal blogger”.  Hindi para sa akademiya ang aking mga isinulat at isusulat pa. Hindi ko rin layon na maisa-aklat ang mga ito. (Pero kung may magka-interes, bakit hindi?)

Dalawang tao ang naka-impluwensya sa aking mag-blog. Si Philip Alcantara, dati kong direktor sa panlipunang apostolado ng Bikaryato Apostoliko ng San Jose at si Joma V. Cordova, bayaw ko sa pinsan. Una akong nagsulat sa Filipino pero sinanay ko na ring gumamit ng wikang Englis. Sa wikang ito ako nagsimulang mag-blog. Ngayon, ang lahat ng mga natatanggap kong pasasalamat sa mga taong naka-istorya ko ang nagbibigay-sigla sa aking magpatuloy.

Mas lalong hindi ko itinuturing na ako ay isang historyador dahil wala naman akong kasanayang pormal dito. Simple lang ang dahilan kung bakit ako nag-ba-blog ng kasaysayang pam-pook, makakalimutin ako. Masaya akong maka-alala at magpa-ala ng mga naganap at mga nagaganap para sa aking sarili at para sa aking mga kaibigan at mga mambabasa.

At sa aking pagsusulat hindi sinasadyang, sabi nga ni Dr. Arnulfo T. Villanueva na siyang direktor ng Sentro ng Wika at Kultura- Kanlurang Mindoro, sa kanyang liham paanyaya sa akin, ako ay makapag-ambag sa aking munting paraan sa pagpipreserba ng literatura at kasaysayan sa ating lalawigan. Salamat din sa aking dating guro sa Filipino na si Gng. Resyjane P. Tabangcura sa pagtitiwala sa aking kakayahan.

Itinuturing ko ang aking sarili bilang isa lamang obhetibong tsismoso at makabagong Lola Basyang o simpleng kwentista ng bayan sa net. Aksidente lang na may malawak na naabot ang aking mga panulat.

Salamat sa Diyos sa aksidenteng ito.

Sa pagtatapos. Ang mga may sariling adyenda sa pulitika at negosyo ay maaring gamitin ang mga alagad ng panitikan at kasaysayan. Sa kanila, tayo ay pawang mga taga-sulat lamang, taga-tago at taga-salansan ng mga sulatin o rekord ng mga tao at pangyayari sa ating lokalidad.

Gagamitin nila tayo sa kanilang interes.

PERO BIBIGUIN NATIN SILA!  

(Akin-akin lang po ito ulit.)


Maraming salamat po sa inyong pagtitiwala at mabuhay tayong lahat!
-------

(* Pagbabahagi ng may-akda sa Mina at Minanang Panitikan ng Mindoro: Isang Tertulyang Pampanitikan noong ika- 26 ng Abril, 2018 sa Sikatuna Beach Hotel, San Roque II, San Jose, Occidental Mindoro. Larawang kuha ni Gng. Lhorie Moises)

No comments:

Post a Comment