Monday, May 7, 2018

Father Martyrs at ang Text ni Father Gerry



Panahon yata ngayon na kapwa tao na natin at hindi ang Diyos ang nagpapasya kung papaano tayo mamamatay.

Sa kanyang pagninilay noong Sabado na itinext sa akin ni Father Gerardo F. Causapin o Father Gerry, na tubong Abra de Ilog at ngayon ay kura-paroko ng Parokya ni San Jose, ang Esposo sa Paluan, lakip ang panalangin na ang lahat ay iadya na huwag matakot na manindigan para sa pagsunod kay Hesus, katulad ng pagsunod ni Father Mark Anthony Ventura.

Ang bukal ng pagninilay na ito ni Father Gerry ay ang nasusulat sa Juan 15:18-21 na kung saan mababasa na sinabi ni Hesus, “Kung napopoot sa inyo ang sanlibutan, alalahanin ninyong ako muna ang kinapootan nila bago kayo.” Anong aklat pa nga ba ang mas mapang-hamon kaysa sa Bibliya matapos nating mabasa bilang halimbawa ang talatang ito? Ano ang ating nasasa-isip kapag may alagad ng Diyos, pari man o pastor, obispo o madre, ministro o diakono ang kinapootan at kapagdaka’y pinatay dahil sa kanilang espiritwalidad at misyon na naka-ugat sa panlipunang pagkilos? 

Matatandaan na Si Father Mark Anthony Ventura, 37, ay pinagbabaril hanggang sa mamatay noong ika-29 ng Abril, matapos magmisa sa Gattaran, Cagayan. Kilala ang pari sa pakiki-isa niya sa mga katutubo sa pagtutol sa isang dambuhalang minahan sa kanilang lugar. Ang kayang pagkilos sa lipunan na nauwi sa kamatayan ay ang kanyang pinaka-dakilang homiliya. Kagaya ng kanilang Kinakatawan, ang mga Pilipinong martir na pinatay dahil sa kanilang pananampalataya ay hahanapin natin sa piling ng mga buhay at hindi sa mga patay at sa pamamagitan nito, pinipili natin ang buhay upang tayo ay mabuhay (Deut. 30:19).

Katulad ni Father Mark Anthony, si Father Gerry man ay tagapagtaguyod din ng kalikasan. Noong siya ay direktor pa ng Colegio De San Sebastian (CDSS) sa Sablayan, noong ika-24 ng Setyembre, 2009, katuwang si Ms Rosavilla Dalumpides, dean of academic affairs ng CDSS College Department, ay inilunsad ang isang malawakang symposium on mining na noon ay siyang nagtulak sa mga nasa-kolehiyo ng paaralan na makisangkot sa mga kontra minang pagkilos noon dahil ang mina ay mapamuksa.

Tameme ang maraming mga Katolikong Pinoy sa mga pagpatay sa mga makabayang pari sa kasaysayan. Nariyan ang pagpatay kay Father Marcelito Paez ng Nueva Ecija noong ika-4 ng Disyembre 2017 matapos niyang tulungang lumaya ang isang napipiit. Isama rin natin si Bishop Benjamin de Jesus, OMI na siyang Obispo ng Jolo na pinatay din noong 1997 at sina Father Benjamin Inocencio na pinatay noong 2000 at Father Jesus Reynaldo Roda noon naming 2009. Idagdag pa si Father Fausto Tentorio noong 2011 na pinatay din sa North Cotabato, Father Salvatore Carzedda noong 1992 sa Zamboanga City at si Father Tullio Favali na pinatay ng mga kultong pakawala ng militar sa North Cotabato noong 1985. Marami sa ating mga Katoliko mismo ang pinagbubuntunan pa sila ng sisi at pagbibintang sa kanilang kalunos-lunos na pagkamatay.  

Sa panahon ng mga naging pangulo simula kay Ferdinand E. Marcos hanggang sa kanyang tagahanga na si Rodrigo R. Duterte, maraming pari na ang pinapatay dahil sa kanilang pagmamahal sa kapwa at pagkilos para sa katarungan. Malamang, mga Katoliko rin ang ilan sa mga salarin, utak o may kinalaman sa mga pagpatay sa mga paring ito. Kahit sinong presidente ay hindi nasawata ang mga karumal-dumal sa gawaing ito dangan kasi ay lahat sa kanila ay kritikal kundi man bamban sa panlipunang doktrina ng Simbahang Katolika.

Huhusgahan ng kasaysayan tayong mga Katoliko at ang mga organisasyong kinabibilangan natin kung papaano natin itinuturing ang buhay ng indibidwal na tao. Mas matimbang (o ‘sing-timbang) ba ito sa atin kaysa sa mga materyal na layon ng lipunan kagaya ng pagpapa-angat ng negosyo at walang humpay na mga pampublikong pagawain? May malalim na hugot ang tinuran ni Arsopbispo Oscar Romero ng San Salvador noong ika-2 ng Pebrero 1980 sa kanyang talumpati sa Louvain. Sabi niya, “Here the church, like every human being, is faced with the choice that is most fundamental for its faith: to be on the side of life or on the side of death. We see very clearly at this point no neutrality is possible.”  Sa mga hindi nakaka-alam, si Oscar Romero nga pala ay arsobispo ng San Salvador na pinatay habang nagmimisa noong ika-24 ng Marso, 1980 sa kapilya ng Divine Providence cancer hospital. Matapos ang 35 taon, siya ay idineklarang martir ng Simbahan at na-beatify noong ika-23 ng Marso, 2015.

Kaya kung bibigyan ko ng sariling dagdag-nilay ang itinext sa akin ni Father Gerry noong ika-5 ng Abril, sa bahaging ito ng kasaysayan ng bansa, narito ang katotohanang dapat na lubos na pagnilayan ng mga Katoliko: tayo ba ay naniniwala sa Diyos ng Buhay o kasapakat tayo ng mga ahente ng kamatayan sa ating gitna.

Hanggang may mga paring martir ang Simbahan kagaya nina Arsobispo Romero at Father Ventura, ang Simbahan ay magiging tapat sa pagsunod kay Hesus. Si Hesus na mga masasamang tao rin ang nagpasya kung papaano siya mamamatay noon…

------

(Photo; Rappler)



No comments:

Post a Comment