Tuesday, November 27, 2012

Sablayan, Angat Na!



Isang makatang Aleman na ang pangalan ay Baron Friedrich von Hardenberg na lalong kilala sa kanyang penname na Novalis at sumulat ng klasikong “Hymns to the Night” (na batay umano sa kanyang mga mystical vision habang nasa harap ng puntod ng kanyang yumaong asawang si Sophie )  ang nagsabing “ Elevation is the most excellent means I know of to avoid fatal collisions..” Tama nga naman sapagkat kung segundo na lang ay magsasalpukan na ang dalawang rumaragasang sasakyan sa highway, at ang isa ay aangat lampas sa bubong ng isa, maiiwasan ang aksidente at walang mapapahamak. Gayundin naman, ang pagsulong at paglago na walang pag-angat ay hindi sapat lalung-lalo na sa larangan ng lokal na ekonomiya. Anumang sumusulong at lumalagong bagay ay maaari pa ring sumalpok sa isang bagay, moving man o stationary.

Isa sa mga dahilan sa aking palagay kung bakit bansot pa rin ang pag-unlad ng ating lalawigan sa saktong 6 na dekada mula nang ito ay itatag ay dahil hindi tayo nag-e-elevate. Hindi nailalatag ng mga namumuno sa lalawigan ang kanilang blue print o road map, kung meron man, tungo sa hangaring pag-angat  ng ating mamamayan. Kaya maliban sa walang puknat na drag race ng  bangayan sa pulitika, sa kakapusan ng serbisyo sa elektrisidad at sa mga inprastruktura, ang kabi-kabilang batuhan ng akusasyon at asunto at kakulangan ng pananaw sa progreso at kaunlaran, ang mga pangunahing dahilan kung bakit hindi tayo maka-akit ng investor kaya atrasado pa rin tayo sa maraming aspeto. Ngunit lisya din naman kung ang mga mismong pulitiko ang mga negosyante ay ginagamit ang kanilang political clout, authority and power para kontrolin ang lokal na ekonomiya upang kumita at yumaman.

Isa sa mga kasalukuyang instrumento na upang matiyak na ang proverbial na elebasyon o pag-angat na ibig turan ni Novalis ay ang Rapid Economic Appraisal (REA) na bahagi ng Local and Regional Economic Development Plan o LRED implementation ng Department of Trade and Industry (DTI). Ipinagmamalaki ng mga taga-Sablayan ang pagkakaroon ng mga tuntungang lokal na batas tuon sa pag-papaunlad kagaya ng isang maliwanag at tinutupad na Executive-Legislative Agenda (ELA). Tanging ang ating bayan lang sa buong lalawigan ang may sinusunod  na Local Investment Code kaya malaki ang potensiyal nito sa pang-ekonomiyang pag-angat kaya nga ito ang ginawang pilot  municipality ng DTI para sa LRED sa lalawigan.

Noong ika-21 hanggang ika- 22 ng Nobyembre 2012 ay ginanap sa Sablayan Convention Center ang pagsasagawa ng LRED. Dinaluhan ito pangunahin ng mga negosyante, lider-kooperatiba, mga kinatawan ng mga entrepreneur sa munisipalidad ay dumalo at bumalangkas ng plano. Nauna rito, bago pa pumasok ang taon ay nilikha na ng Punong Ehekutibo ang isang tanggapan na tututok dito na tinawag na  Local Economic and Investment Office o LEIPO na pinamumunuan ng Municipal Economist na si Ms. Erminda  V. Vicedo. Noong ika-31 ng Oktubre ay itinatag ni Alkalde Eduardo B. Gadiano ang EO No. 2012-013, S. of 2012 na lumilikha sa Technical Working Group (TWG) para sa LRED na dumalo rin sa gawain. Sa Planning-Workshop, inihanay ni Municipal Planning and Development Officer (MPDO) Ms. Muriel M. Reguinding ang Socio-Economic Profile ng bayan.  Sabi ni Mayor Ed sa nasabing Kautusan, “It is the objective of the Municipality of Sablayan to promote the emergence of vibrant and ecologically sustainable economy which will trigger pro-poor growth and ultimately better living conditions  for the majority of the population.” Pinadaloy ang LRED Planning nina Madam Fe Banayat, DTI Provincial Director at Ms. Olivia Palomaria, Business Development Service facilitator na tinap ng DTI at ng ating LGU para sa planning workshop.

Hindi katulad ng dati, bukas ngayon ang bayan sa pagpapaangat ng lokal na ekonomiya. Ito lamang taong ito, tatlong bangko ang itinatag na sinyales ng nasabing paglago. May mga kilalang establisimyento o chains na rin na nagpahayag ng kanilang interes ng pag-nenegosyo dito. May economic projection ang ating LGU sa aspeto ng agro-industriyal, turismo, transportasyon, property development at institutional development. Dito rin matatagpuan ang mga pinaka-mauunlad na kooperatibang pang-magsasaka sa Kanlurang Mindoro. Ang pag-angat na ito ay masasalamin hindi lamang sa aspeto ng kalakal at pananalapi kundi maging sa pamamahala. Two- time winner tayo ng Seal of Good Housekeeping para sa 2011 at 2012 na iginagawad ng DILG kaya nga naka-Silver Award tayo sa Seal. Kasama rin tayo sa Top Three sa on-going selection pa para sa Gawad Pamana ng Lahi sa Municipality Category sa buong Pilipinas. Kapag na-kopo natin ang unang puwesto, sa termino ni Novalis, mag-e-elevate o aangat na naman tayo. Ang LRED nga pala ay isang participatory approach at action-oriented na proseso ng planning at implementasyon na kung saan ang public and private stakeholders ay tulong-tulong na gumagampan upang mapa-angat ang kondisyon ng ekonomiya at employment sa isang lokalidad. Konsultasyon at diyalogo an pangunahing susi sa anumang balaking pag-angat. Ito ang runway ng lahat ng kaugnay na proyekto at aktibidad.

Balikan natin ang punto ni Novalis. Anumang pag-angat o elevation ay katiyakan ng pagiging secure. Kapag tayo ay makalilipad, hindi na tayo mahahatak pa pababa ng mga walang pakpak na higanteng alimango.  At kapag tulad ng ibong manlalakbay tayo ay sama-samang lililipad, malalayo tayo sa matagal nang nagtatagisang mga lobo at imposible nang sumalpok pa tayo sa Bundok ng Kalbaryo ng kahirapan…..

---------
(Photo: Sablayan Herald)


No comments:

Post a Comment