Wednesday, May 29, 2013

Vice & Jessica


Higit sa paniniwala na ang paksang rape ay sensitibo kaya hindi dapat maging materyal sa mga comedy show, naniniwala ako na may mga tao ring gumagamit ng joke o pagpapatawa upang manlait ng kapwa. Upang kutyain ang kanilang mga kaaway o karibal na maskarado ng pagpapatawa. O sa ibang kaso, para sadyaing hamakin ang mga kababaihan o ilang grupo ng tao.

Bago pa maging viral ang isyung Vice Ganda at Jessica Soho ukol sa rape, isang komedyante sa US na nagngangalang Daniel Tosh ang umani ng puna hinggil sa isang rape joke na kanyang pinakawalan sa isa niyang pagtatanghal. Sa dakong huli, si Tosh ay humingi ng public apology sa mga kababaihan.

Sa akin lang, sa pagpasok at pag-uso ng mga stand-up comedian sa telebisyon at mga engandeng benyu tulad ng Araneta, mula sa mga maliliit at madidilim ng comedy bars, unti-unting ang ilan sa mga komedyante mula doon ay nagiging OA na. Sa kanila, parang wala nang pagkakaiba ang pagpapatawa sa panghahamak ng kapwa at hindi na kailangang maging responsable kapag nagbibiro't nagkakatuwaan.

Anuman ang ating trabaho o ginagawa, ito ay pagigiit ng ating kapangyarihan. Mapanlikhang kapangyarihan na ginagamitan ng isip. At ang mga bunga ng ating paggawa ay ekspresyon ng ating pagkatao. Patunay din ito ng ating kapangyarihan kumpara sa hayop. Halimbawa, ang isang magsasaka ay nagtatabas ng damo sa kanyang palayan upang igiit ang kanyang kapangyarihan laban sa tumutubong sukal sa kanyang panananim. 

Ganoon din sa palagay ko ang mga komedyanteng katulad ni Vice Ganda. Maaari rin nilang gamitin ang kanilang pagpapatawa upang igiit ang kanilang kapangyarihan para magamit ito sa iba pang dimensiyon ng kanilang iba’t-ibang personal na paniniwala. Paniniwala na mayroong tiyak na makikinabang liban sa kanilang sarili. Ang panggagahasa, sabi nga, ay hindi lamang ukol sa libog o krimen sa ngalan ng laman kundi higit sa lahat, ukol ito sa marahas na pagigiit ng lakas at kapangyarihan ng mga malalakas sa mga mahihina, anuman ang edad, anuman ang kasarian ng biktima. Katulad ng mga palabas sa telebisyon ngayon na nagwawasiwas pa ng mga lisyang pagpapahalaga. Kagaya rin ng mga balitang ibinabalita kapwa nina Vice Ganda at Jessica Soho sa kanilang mga show, ang usaping ito na kanilang kinasasangkutan, sana naman ay kapulutan din natin ng aral.

Mananatiling si Vice Ganda si Vice Ganda at si Jessica Soho si Jessica Soho pagkatapos nito. Unti-unti ay huhupa na rin ang lagnat (o kumbulsyon) na dulot nito sa cyberspace. Habang tayo na kanilang mga tagapanood, ay patuloy pa ring magiging biktima ng "panggagahasa" ng isipan ng mga komedyante at iba pang showbiz personalities.

Ipanalagin nawa nina Pugo at Tugo, Dolphy at Panchito na maging marangal at may etiketa ang kalakhan sa mga komedyante ng Pilipinas…

Friday, May 24, 2013

Tungko


Ngayong Linggo, Mayo 26, ay piyesta ng Iling Proper at ang kanilang patron doon ay ang Santisima Trinidad o Holy (or Blessed) Trinity. Isa ang doktrina ng Santisima Trinidad na mahirap nating maipaliwanag na mga Katoliko. Kasi naman, yung iba naming nakikipa-miyesta, mas excited pa silang malaman at mas intresado sila kung sino ang mananalo sa gay beauty pageant kaysa sa alamin ang patrong dapat ay siyang tunay na pinararangalan at pagnilayan ang inspirasyong hatid nito sa ating buhay. Kapag piyesta kadalasan sa alinmang baryo at bayan sa Kanlurang Mindoro, mas maraming tao ang makikita sa sabungan kaysa sa simbahan. Sa mga diskusyon ukol sa Banal na ‘Santatlo (Wikang Kastila nga pala ang Santisima Trinidad) Madalas tayong gamitan ng matematika at sasabihin sa ating papaano naging equals 1 ang 1+1+1? Tatlo daw, anila ang Diyos natin.

Ang doktrinang ito sa Bibliya ay mababasa natin sa Mateo 28:19 na sa wikang English ay ganito ang nasusulat : "Go therefore and make disciples of all nations, baptizing them in the name of the Father and of the Son and of the Holy Spirit." Sa iba pang bahagi ng Bagong Tipan, partikular sa 2 Cor. 13:14 at Heb. 9:14 na nagsasabing ang Ama, Anak at Espiritu Santo ay tatlong persona sa iisang Diyos.

Ang Linggo ng Santisima Trinidad ay ipinagdiriwang isang linggo matapos ang Linggo ng Pentekostes.

Sa pagkakatesismo sa ating mga anak ay puwede tayong gumamit ng itlog upang kahit papaano ay maipaliwanag ang misteryong ito. Ito ayon sa isang homiliya na nabasa ko na hindi ko na matandaan kung saan. Kagaya nang ginawa ni Brod Pete sa pagpapaliwanag niya sa YouTube tungkol sa Halalan 2013. Opo, ang ating mga itlog sa pridyider. Ipaliwanag natin sa kanila na bagama’t iisa lang ang itlog na hawak natin, mayroon itong tatlong bahagi. Ang balat o shell , ang puti nito at ang yolk (o dilaw na kadalasan ay pula ang tawag natin!). Alam natin na ang itlog ay may dilaw at puting bahagi bagama’t hindi natin ito nakikita. Ang Diyos ay kumakawan sa buong itlog. Ang balat nito o shell na nakikita ay kumakatawan kay Hesus, ang Diyos na nagkatawang-tao. Ang Diyos na bumaba sa kasaysayan ng tao. Ang puti ng itlog naman ay kumakatawan sa Banal na Espiritu at ang dilaw naman ay kumakatawan sa Diyos Ama. Parehong ang Diyos Ama at ang Banal na Espiritu ay hindi natin nakikita katulad ng puti at dilaw ng itlog, maliban na lang kung ang ating itlog ay ating babasagin!

Pamilyar ako sa Isla ng Iling bagama’t halos lampas kinse anyos na akong hindi nakabalik doon. Sa dalawang NGO na aking pinagtrabahuhan ay doon ako nadestino. Nag-organisa ng pamayanan para sa Simbahan at naghanda ng pagtatanim ng bakawan sa komunidad. Dito ikinuwento sa akin ni Lola Badang kung gaano ka-milagroso ang kanilang patron. Naaalala ko rin ang madalas naming pagtagay ng tuba kasama si Weng Seville at iba ko pang ka-tropa na taga-isla. Maligayang araw ng kapistahan po sa inyong lahat!

Iba na raw sa isla ng Iling ngayon. Ang Kapilya ng Santisima Trinidad ay ipinagawa na daw ni Fr. Fernando Suarez at balak gawin itong destinasyon ng mga peregrine o pilgrims, ayon sa nabasa ko dito. P35 M yata ang nakalap sa pagpapagawa ng nasabing kapilya. Nang ito ay pinasinayaan, dinaluhan ito ng ilang pulitiko.

Ang tungko ng kalan ay binubuo ng tatlong bato. Tatlo dapat ito dahil kung kulang ang batong tungko ng ating kalan ay gegewang ang kaldero o kawali. Ang bilang na tatlo ay simbolo ng pamayanan, ng pagkakaisa at ng pagsasama-sama. At sa ganitong diwa, ang bilang na tatlo (3) ay bilang ng tunay na pag-ibig. Panlahatan at para sa kapwa. Ang aral ng Banal na ‘Santatlo ay maaring ganito: Hindi dapat mamayani ang prinsipyong “Ako-at-Ako”. Sa halip sa ating pakikipag-ugnayan sa mundo at lahat ng nilalang sa ibabaw nito, kailangang nating ang suhay mula sa banal na “tungko”. Ito ay ang prinsipyong “Ako-at- ang Diyos- at- ang- aking kapwa.

Ang prinsipyong ito ang tanging parmasya na pagkukunan ng tunay na  medesina ng gamutang panlipunan…

----------
(Photo : Inquirer.net)



Friday, May 17, 2013

Umbok




Salamat naman at tapos na ang eleksyon at sana ay tapos na rin ang usapin ng umbok-umbok sa balota. Sana. At palibhasa tinatawag ko ang aking sarili na isang Utilitarian, nilalagom ko ang nagdaang halalan ng ganito sa pambansang perspektiba: Mas binigyan natin ng halaga ang bilis (ng proseso ng eleksyon) kaysa sa kawastuhan ng pagbibilang ng mga datus na pumapasok sa Precinct Count Optical Scan o PCOS machine. Sa ganitong diwa, may higit pang dapat gawin sa usaping legal at teknikal sa susunod na automated elections sa bansa sa 2016.

Huli na nang maging available ang source code mula sa Commission on Elections (COMELEC). Noon lamang ika-9 ng Mayo at 3 araw na lamang ang natitira bago ang aktwal na halalan ito inilabas kaya naging hilaw ang pagre-rebyu dito. Sa ganito kaigsing panahon, papaano magkakaroon ng obhetibong pagsusuri ang mga partidong pulitikal, mga accredited citizen’s arm at iba pang mga intresadong grupo, lalung-lalo na ang independent groups ng mga IT expert? Kaya ‘yun ang nangyari, parang naging pakitang-tao na lang tuloy ang rebyu ng source code na ginawa sa antas nasyunal. Parang lahat ‘ata ng prosesong pang-halalan ngayon ay via express lane na para sa mga PWD kundi man 'simbilis ng bullet train sa bansang Hapon. Ang mahalagang katanungang ito sana, kung nagkaroon ng sapat na panahon para sa rebyu ng source code, ang dapat na matugunan : “Reliable ba at tamper-proof  ang computer program na ating gagamitin?”

Natatandaan ko sa isang natisod kong pahayag ng Kontra-Daya na isang maka-Kaliwang election watchdog bago ang halalan : “We could not just simply rely on the accreditation of the source code by SLI Global Solutions and be assured that the PCOS machines will function properly. We have to verify that this source code is translated into the proper program that will run on the machines during election day. This could have been tested during the FTS with the hash codes generated during the trusted build so that we can ensure that the same copy of the program will be running in all of the more than 80,000 PCOS machines nationwide.” Sino ang hindi mag-iisip na ang magdaang halalan ay batbat ng ‘sanlaksan ngunit iba’t-ibang anyo ng elektronikong dagdag-bawas? Sa iba’t-ibang lugar na may iba’t-ibang layunin, hokus-pokus at aritmetik. At ang pinakamasaklap ay kung habang panahon ang tingin ng botanteng Pinoy sa eleksyon at sa maniobrahan dito ay micro at parochial.

Mahalaga ang masusi at may sapat na panahong source code review sapagkat kung hindi o madalian at hilaw ang pagsasagawa nito, hindi natin malalaman kung papaano ini-interpret ng kompyuter ang mga vote mark sa ating balota. Kung papaano ina-assign ang mga boto sa piling mga kandidato, kung papaano binibilang ang mga boto, kung kakainin ba o hindi ng makina ang mga balotang may umbok, sinu-sinong kandidato kaya ang makikinabang sa tampered ballots kung mayroon man, kung anu-anong mga datos ang isi-save, at iba pang teknikal na bagay o impormasyon. Noong May 2010 elections, hindi rin nasagot ang mga katanungang ito.

Hindi rin natin masisisi ang mga natalong kandidato na legal na kumilos para muling bilangin ang mga balota, maging yung mga umano ay tampered man o hindi. 

Noong 2010, si Sixto Brillantes, Jr. ay legal counsel pa lang ni PNoy na kandidato sa pagka-presidente ng Partidong Liberal (LP). Ito nga rin siguro ang dahilan kung bakit ang tawag ng mga militante sa Komisyon ay “Yellow” COMELEC na hindi ko malaman ang kaugnayan sa Yellow Army noon ni Tita Cory! Si Pangulong PNoy nga pala ay ka-klase ng ating bagong halal na gobernador.

Matatandaan na bago ang Mayo Trese ay nag-file ng pormal na petition ang may 34 na mga Pilipino sa United Nations Human Rights Committee (UNHRC) ayon sa umano ay paglabag sa kanilang mga batayang karapatan sa ilalim ng mga probisyon sa International Covenant on Civil and Political Rights o ICCPR. Ang ICCPR ay isang Kasunduang Pandaigdigan na isa ang Pilipinas sa bansang lumagda dito. Isa si senatorial candidate Richard “Dick” Gordon sa mga petisyunero at sa isang bahagi ng petisyon, ukol sa kahalagahan ng pagsasagawa ng maayos at kredibleng rebyu sa source code, sinabi nito ng buong diin na, “With the serious problem regarding the source code unresolved, perhaps President Aquino and Chairman Brillantes know something the voters do not." (Matigas talaga itong Dick (na ibinoto) ko!).

Isang bagay ang muli kong natutunan ngayong Halalan 2013 bilang isang self-confessed Utilitarian. Ang anumang makabagong teknolohiya ay may kabuluhan lamang kung papaano ito ginagamit at kung papayagan ng may kontrol nito na gamitin ito ng tama at makatarungan. At kung ito ay tunay na tumutugon sa pangangailangan ng mga mamamayan.

Kagaya ng umbok sa ilang kalsada na ang gamit ay upang tayo ay huwag magmadali at maging maingat upang hindi tayo mapahamak...

--------
(Photo : Technicallyjuris)