Friday, May 24, 2013

Tungko


Ngayong Linggo, Mayo 26, ay piyesta ng Iling Proper at ang kanilang patron doon ay ang Santisima Trinidad o Holy (or Blessed) Trinity. Isa ang doktrina ng Santisima Trinidad na mahirap nating maipaliwanag na mga Katoliko. Kasi naman, yung iba naming nakikipa-miyesta, mas excited pa silang malaman at mas intresado sila kung sino ang mananalo sa gay beauty pageant kaysa sa alamin ang patrong dapat ay siyang tunay na pinararangalan at pagnilayan ang inspirasyong hatid nito sa ating buhay. Kapag piyesta kadalasan sa alinmang baryo at bayan sa Kanlurang Mindoro, mas maraming tao ang makikita sa sabungan kaysa sa simbahan. Sa mga diskusyon ukol sa Banal na ‘Santatlo (Wikang Kastila nga pala ang Santisima Trinidad) Madalas tayong gamitan ng matematika at sasabihin sa ating papaano naging equals 1 ang 1+1+1? Tatlo daw, anila ang Diyos natin.

Ang doktrinang ito sa Bibliya ay mababasa natin sa Mateo 28:19 na sa wikang English ay ganito ang nasusulat : "Go therefore and make disciples of all nations, baptizing them in the name of the Father and of the Son and of the Holy Spirit." Sa iba pang bahagi ng Bagong Tipan, partikular sa 2 Cor. 13:14 at Heb. 9:14 na nagsasabing ang Ama, Anak at Espiritu Santo ay tatlong persona sa iisang Diyos.

Ang Linggo ng Santisima Trinidad ay ipinagdiriwang isang linggo matapos ang Linggo ng Pentekostes.

Sa pagkakatesismo sa ating mga anak ay puwede tayong gumamit ng itlog upang kahit papaano ay maipaliwanag ang misteryong ito. Ito ayon sa isang homiliya na nabasa ko na hindi ko na matandaan kung saan. Kagaya nang ginawa ni Brod Pete sa pagpapaliwanag niya sa YouTube tungkol sa Halalan 2013. Opo, ang ating mga itlog sa pridyider. Ipaliwanag natin sa kanila na bagama’t iisa lang ang itlog na hawak natin, mayroon itong tatlong bahagi. Ang balat o shell , ang puti nito at ang yolk (o dilaw na kadalasan ay pula ang tawag natin!). Alam natin na ang itlog ay may dilaw at puting bahagi bagama’t hindi natin ito nakikita. Ang Diyos ay kumakawan sa buong itlog. Ang balat nito o shell na nakikita ay kumakatawan kay Hesus, ang Diyos na nagkatawang-tao. Ang Diyos na bumaba sa kasaysayan ng tao. Ang puti ng itlog naman ay kumakatawan sa Banal na Espiritu at ang dilaw naman ay kumakatawan sa Diyos Ama. Parehong ang Diyos Ama at ang Banal na Espiritu ay hindi natin nakikita katulad ng puti at dilaw ng itlog, maliban na lang kung ang ating itlog ay ating babasagin!

Pamilyar ako sa Isla ng Iling bagama’t halos lampas kinse anyos na akong hindi nakabalik doon. Sa dalawang NGO na aking pinagtrabahuhan ay doon ako nadestino. Nag-organisa ng pamayanan para sa Simbahan at naghanda ng pagtatanim ng bakawan sa komunidad. Dito ikinuwento sa akin ni Lola Badang kung gaano ka-milagroso ang kanilang patron. Naaalala ko rin ang madalas naming pagtagay ng tuba kasama si Weng Seville at iba ko pang ka-tropa na taga-isla. Maligayang araw ng kapistahan po sa inyong lahat!

Iba na raw sa isla ng Iling ngayon. Ang Kapilya ng Santisima Trinidad ay ipinagawa na daw ni Fr. Fernando Suarez at balak gawin itong destinasyon ng mga peregrine o pilgrims, ayon sa nabasa ko dito. P35 M yata ang nakalap sa pagpapagawa ng nasabing kapilya. Nang ito ay pinasinayaan, dinaluhan ito ng ilang pulitiko.

Ang tungko ng kalan ay binubuo ng tatlong bato. Tatlo dapat ito dahil kung kulang ang batong tungko ng ating kalan ay gegewang ang kaldero o kawali. Ang bilang na tatlo ay simbolo ng pamayanan, ng pagkakaisa at ng pagsasama-sama. At sa ganitong diwa, ang bilang na tatlo (3) ay bilang ng tunay na pag-ibig. Panlahatan at para sa kapwa. Ang aral ng Banal na ‘Santatlo ay maaring ganito: Hindi dapat mamayani ang prinsipyong “Ako-at-Ako”. Sa halip sa ating pakikipag-ugnayan sa mundo at lahat ng nilalang sa ibabaw nito, kailangang nating ang suhay mula sa banal na “tungko”. Ito ay ang prinsipyong “Ako-at- ang Diyos- at- ang- aking kapwa.

Ang prinsipyong ito ang tanging parmasya na pagkukunan ng tunay na  medesina ng gamutang panlipunan…

----------
(Photo : Inquirer.net)



2 comments:

  1. Mr Norman,
    Does commercialism in religious feasts find its beginnings in biblical times? Is it one example of those pagan rituals that found its way into catholic feasts?
    Thanks.

    ReplyDelete
  2. Para kay Anonymous

    Noong panahong si San Agustin ng Canterbury ay ipinadala sa Englatera upang mangaral, binilinan siya ng papa, “Do not forbid them their festivals, but explain to them their meaning in the light of the Gospel.” Ganoon din ang sa kasalukuyang panahon. Totoo na ang mga relihiyosong kapistahan naming mga Katoliko ay matutunton o maiuugat natin sa paganismo. Pero hindi ba’t kahit ang batas o ang istorya, bagamat iisa ang diwa ng sumulat (o mga sumulat), sa mga mambabasa ay may iba’t-ibang interpretasyon? Ang mga kapistahan at kagalakang ito ay hindi lamang pasasalamat kundi lakip din nito ang paghingi ng tawad. Paulit-ulit naming itong ginagawa sa pag-asang maging pagkakataon ito sa pagtahak ng pamayanan sa bagong direksyon, material man o espiritwal. Materyalismo at komersiyalismo ang mas lalong nababantad sa ganitong mga pagdiriwang. Ang masaklap pa, kalimitan, maging ang mga namumuno sa mga panrelihiyong pagdiriwang na ito sa pamayanan, - ang mga layko at maging mga pari, ay bigo sa espiritwal na pag-uugnay at pagpapadama na layon nito. Sa ganitong punto, hindi natin masisisi ang mga nagsasabing tila pagdiriwang-pagano nga ang mga kapistahang ganito.

    Salamat po sa pagbisita. God bless po…

    ReplyDelete