Thursday, May 24, 2018

Ancajas at Sultan, Lilikha ng Kasaysayan



Kahit ang magkatunggali, anuman ang kalabasan ng kanilang tunggalian, ay kapwa lumilikha ng kasaysayan.

Ito ang aral na mapupulot natin sa sagupaang Jerwin Ancajas (29-1-1 with 20 KOs) at Jonas Sultan (14-3 with 9 KOs) sa Sabado, ika-27 ng Mayo, 2018 (sa Pilipinas) na mapapanood natin live sa ESPN 5 mula Fresno, California.

Ang makasaysayang enkwentro ay ang unang world championship fight sa pagitan ng dalawang Pinoy sa loob ng 93 taon. Noong 1925, tinalo ni Pancho Villa sa pamamagitan ng UD si Clever Sencio at napanatili ng una ang kanyang korona sa world flyweight noon. Mandatory challenger ni Ancajas ang kababayang si Sultan na ika-limang ulit na sasampa sa ring para idepensa angsuot niyang IBF junior bantamweight belt.

Isinulat ko rin sa blog entry na mababasa mo kung iki-click mo ito, kung papaano naging makasaysayan ang Pinoy versus Pinoy na labang ito.

Ipapalabas ang laban sa Channel 5, Aksyon TV at ESPN 5.com ay hatid ng MP Promotions at Knuckleheads Pro Boxing Fraternity sa pakikipag-tulungan sa Joven Sports Promotions. Si Wayne Hedgpeth na siyang tatayong reperi ng laban at ang mga judges ay ang mga taga-California na sina Jonathan Davis, Daniel Sandoval at Zachery Young at si Robin Scott ng New Jersey ang magiging supervisor.

Langit at lupa ang layo ng estilo ng dalawang boksingero sa isa’t-isa. Poetiko ang pagsasalarawan dito ni Ed Tolentino, isang sikat na boxing analyst: “You have Ancajas, the skilled tactician who dissects foes with clinical precision. And then you have Sultan, who offers an unconventional style that almost borders on the kamikaze.” Para kay Tolentino, bentahe at angat sa sagupaan ang kampiyon na si Ancajas. Kung susumahin, mas maraming karanasan naman ito talaga kaysa kay Sultan na may 29 na naging laban habang 14 lamang ang sa huli.

Pero para kay Edito Villamor na trainer ni Sultan, hindi umano mahalaga ang bilang ng laban para sa pandaigdigang kampiyonato. Sabi niya, “Kahit anong record yan, kahit anong experience yan, mawawala lahat (pagdating sa ring).” Idinagdag pa ni Villamor na kukuha ng inspirasyon si Sultan kay Vasyl Lomachenko na naging world champion agad sa ikalawang professional fight lamang. Si Sultan ay pinanday ng suntukang-kalye kaya tiyak na magpupukol ito ng pakyawan at malulutong na suntok.

Hinulma si Ancajas sa Survival Camp sa Magallanes, Cavite ni Joven Jimenez, habang si Sultan ay produkto ng kilalang ALA stable sa Cebu. "There are many great fighters in the Philippines, and I am happy that Jonas and myself can share this big stage. We are making history, and I am glad that we can fight to see who is the best," ani Ancajas. Sinegundahan naman ni Sultan ang kababayang kampiyon. Aminado si Jimenez na ang lahat ng mga challenger ay mapanganib.

Masaya na naman ang mga boxing aficionado sa weekend na ito. Pahinga muna tayo sa mga balitang pulitika sa Linggo.

Pero ang pulitika ay parang boksing na kahit ang magkakalaban ay sama-samang lumilikha ng kasaysayan sa kumpas ng pusok ng kanilang tunggalian…

---------






Photo: Boxing Scene.Com





Tuesday, May 22, 2018

Pipay Went to Town, Finally



Wala nang mas hihigit pa sa araw ng bakasyon ng pamilya maliban sa ating presensya at perspektiba. Kumpleto kaming pamilya na lumuwas ng Maynila para magbakasyon noong Miyerkules hanggang Sabado. Magandang paraan daw ito ng family bonding, sabi.

May sosyolohikal na paliwanag dito ang isang pananaliksik na pinangunahan ni Xinran Lehto ng Purdue University at isang associate professor sa hospitality and tourism management doon. Ang mga bakasyong ganito raw na nagtataguyod ng tinatawag nilang “crescive bond “(“shared experience” sa ibang dalubhasa) ay nagpapalago ng positibong ugnayan sa mga miyembro ng pamilya. Ang ibig sabihin daw ng “crescive” ay “something marked by gradual spontaneous development”. Sa pagkakataong ito tayo ay sama-sama umanong lumilikha ng mga ala-alang tiyak na ating babalik-balikan sa paglipas ng panahon. Naisip ko, isa rin itong mahalagang pamana na maibibigay ng magulang sa kanyang mga anak lalo na sa katulad kong wala ni isang ‘di natitinag na ari-arian (real property baga!).

Sa edad na trese, first time ni Pipay na makalabas ng ng probinsya, makasakay ng barko at makarating ng Maynila. Sa bus pa lang mula sa San Jose patawid ng lunsod ay hindi na niya maintindihan kung bakit kailangang may umupo sa sa plastik na bangkito sa gitna ng daanan sa bus. Bakit may mga matatanda, bata, buntis at ilang may kapansanan ang nagtitiis ng ngalay at siksik sa pagtayo sa sasakyan hanggang sa kanilang destinasyon. Nang may naka-book na pasaherong sumakay sa bahagi ng Calintaan na lalo pang nagpa-sikip sa bus, lumampas sa amin ang isang rumasagasang SUV na kampanteng naka-upo ang lahat ng mga nakasakay. Maluwag sila. Pula ang plaka nito.

Kagaya nang inaasahan, saglit na tumigil ang bus sa Sablayan Grand Terminal. Habang ang drayber at konduktor ng Gold Star ay nag-kakape, pumila si Pipay at ang nanay niya sa CR para umihi. Nasa harap na ng manibela ang drayber ngunit wala pa rin ang aking mag-ina. Pumitada na ito. Limang minuto yata bago pa sila lumabas ng CR. Habang papalapit sila sa bus, tila pinagagalitan ito ng kanyang nanay. “Bakit?”, tanong ko sa nanay nang maupo na sila sa mahabang upuan sa pinaka-huling hanay sa likod ng sasakyan. “Pinag-bubuhusan pa niya ng tubig ang lahat ng bowl sa CR!,” inis na sabi ni Nanay. “Sabi sa school, dapat daw gamitin ng maayos ang toilet o anumang public facilities.” Nakaramdam ako bigla ng feeling of guilt sa perspektiba ng aking dalagita.

Kaaalis pa lang naming sa terminal ay ipinaalala niya sa akin na ituro ko sa kanya ang lugar na pinangyarihan ng sakuna ng Dimple Star bus noong ika-22 ng Marso. Nang aming sapitin ang lugar, hindi ko alam kung siya ay nag-antanda o kumati lamang ang kanyang ilong at noo habang sumisilip siya sa bintana.

Pang-alas dos na ng umaga ang nasakyan naming barko sa Abra de Ilog pa-Batangas. Sikip din. “Bakit sila naka-higa sa upuan?,” sabay nguso sa mga naghihilik na pasaherong naka-unat, tulog, sa mga benches. May natulog din matabang mama sa ibabaw ng baul ng mga lifejacket kahit may malaking babala na naka-sulat na doon na bawal itong upuan o higaan.  

Hindi kami natulog magdamag sa ibabaw ng kalmadong dagat. Binigyang pangalan ko ang mga may-ilaw na lugar sa dalampasigan,- Camurong, Puerto Galera, Calapan at iba. Hinanap niya ang Mt. Halcon pero madilim. Hindi namin makita. Ikinuwento ko na lang sa kanya kung ano ang Verde Island Passage na kasalukuyang nilalayag ng barkong aming kinalululanan. Sinabi ko sa kanya na ito ang tinatawag na the Center of the Center of the Marine Biodiversity of the World. “Sasakupin din ba ito ng China?”, tanong niya.

Pagsapit na pagsapit pa lang ng bus sa junction sa Balagtas, laking tuwa ni Pipay sa isang uri ng sasakyang kanyang nakita.”Dyip! Dyip!,” tuwang-tuwa niyang bulalas. “Tay, dyip, o!.” Tuwang-tuwa si kolokay. Naisip ko, palibhasa sa Divine-bahay-bayan-Bubog lang ang malimit na biyahe ni Pipay, hindi nito matiyempuhan na makakita ng dyip. Oo nga pala, endangered species na nga pala ang dyip sa Occidental Mindoro.

Naka-hilig na naiidlip sa aking balikat ang aking bunso at habang pinagmamasdan ko siya at ang bus ay tumatahak sa South Luzon Expressway, sa likod ng aking mga talukap ay inalala ko ang aking unang pag-salta sa Maynila.

Anim na taon pa lang yata ako noon nang isama ako ni Papang (Lolo ko sa father side) sa kanyang pagluwas para asikasuhin ang ilang bagay sa kanilang punong opisina sa Department of Health (DOH). Nasa ilalim kasi ng kagawaran ang Malaria Control Unit na kung saan siya noon ay medical technologist. Sa PAL YS-11 kami sumakay noon at tanda ko pa kung ano ang pameryenda sa eroplano habang kami ay lumilipad mula San Jose papuntang Maynila: egg sandwich na naka-balot sa tissue paper at lemon juice na isinalin sa paper cup. 

Sa bahay nina Tito Turing at Tita Gay sa San Juan ako unang naka-panood ng telebisyon. Black and white pa noon at maliit-liit lang sa aparador ang laki nito. Public affairs program ang palabas noong umagang iyon. Si Johnny de Leon at ang kanyang sidekick na si Ngo Ngo ang nasa screen. Sila pala yung naririnig ko sa “Lundagin Mo, Baby!” sa radyo sa bahay nila Mamang noon tuwing bago mag-alas sais ng gabi.  Maliban kina Johnny de Leon at Ngongo, isa si Apeng Daldal sa mga sikat na taong unang nakita ko sa telebisyon. Noon nga pala, bago ka makakapanood ng telebisyon ay kung luluwas ka lang ng Maynila.

Namasyal kami noon sa Manila Zoo, sa Luneta sa malaking orasan sa lupa na gawa sa mga halaman at bulaklak. Hindi ko na maaalala kung sino ang kasama ko. Basta ang natatandaan ko ay nang bumalik kami ng Mindoro na naka-eroplano rin ay naka-suot ako ng coat na kulay beige at tie na kulay brown na may emblem ni Micky Mouse yata yun.

Mag-uumaga na nang dumaan ang bus sa Alabang Terminal kaya kitang-kita niya ang mga pamilyang naninirahan sa silong ng Alabang-Zapote Flyover. Napako ang kanyang tingin sa batang hubad na nanlilimahid na kumakain ng kung ano sa tabi ng papag na sinapnan lang ng sako. Nang hindi na mahabol ng kanyang leeg ang tanawin, hinanap niya ang aking mga mata at nagtanong, "Sila ba, 'Tay, yung mga homeless?". "Oo," sabi ko. Hindi siya umimik. Sa text book lang sa school marahil niya nabasa ang mga ito.

Sa Friendship Hall 2 sa Pope Pius XII Catholic Center sa UN Avenue tumuloy ang aking buong pamilya. Mura dito, wala nga lang TV o hot and cold bath pero air conditioned ang rooms kahit papaano. Ang wala sa iba, may simbahan sa loob, ang Maria Goretti Parish Church at syempre doon kami dumalo ng misa noong Sabado ng umaga bago kami tumulak pauwi. Pamilyar ako sa Pius Center dahil noong ako ay sa Bikaryato pa nagta-trabaho at hindi pa sa LGU-Sablayan, dito ako malimit na tumira kapag nasa Maynila palibhasa may mga kaibigan ako noon na mga taga-PPCRV at Archdiocese of Manila na siyang nag-refer sa akin sa bahay-tuluyan.

Solve din si Pipay sa pamamasyal. Palibhasa nataon na ang buwan ng Mayo ay ipinagdiriwang sa Pilipinas ang National Heritage Month sa pangunguna ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) na ngayon ay may temang: “Pambansang Pagkakaisa para sa Pamana” at ito rin ang buwan kung kailan kami nag-family vacation at first time na lumuwas si Pipay sa Maynila, dumalaw kami sa buong National Museum sa Ermita, sa San Agustin Museum at Casa Manila sa Intramuros. Papasok din sana kami sa Fort Santiago pero pansamantalang isinasara ang Rizal Shrine na malamang ay may kinalaman sa kulminasyon ng pagdiriwang kaya hindi na lang kami tumuloy. Naglibot din kami kinabukasan sa Binondo kung saan ang pagkabuhol-buhol ng trapik ay kasing buhol-buhol rin ng masarap na pancit na kakakain mo lang. Sa China Town pala, langit ang lapangan pero impiyerno ang lansangan!

Syempre nag-malling din kami. Nagtampisaw ang aking mga anak sa National Book Store at Book Sale sa loob ng SM Manila sa pamimili ng libro at ilang mga personal na gamit. At nang kami ay magutom, sa Mc Donald's kami bumagsak. Ayaw na ayaw kasi ni Pipay na sa Mang Inasal kami kumain sabay tanong kung may Pick Up Shop din ba sa loob ng SM. 

Inipon niya ang lahat ng kanyang mga tiket, resibo, memorabilia (gaya ng chopstick galing sa isang Chinese resto sa Binondo) at kung anu-ano pang mga little something mula sa family vacation na iyon. Gagawa raw siya ng travelogue pag-uwi.

Well, sa sosyolohikal na perspektiba ay may tinatawag na Functionalist View Point na naniniwala na the family creates well-integrated members of society by instilling the social culture into children.

Sosyolohikal man o hindi, wala pa ring mas hihigit na mahalaga sa ating mga anak sa lahat ng oras kaysa sa ating presensya at ipinamamanang  perspektiba...

------
(Photo: Shida Novio)




Monday, May 7, 2018

Father Martyrs at ang Text ni Father Gerry



Panahon yata ngayon na kapwa tao na natin at hindi ang Diyos ang nagpapasya kung papaano tayo mamamatay.

Sa kanyang pagninilay noong Sabado na itinext sa akin ni Father Gerardo F. Causapin o Father Gerry, na tubong Abra de Ilog at ngayon ay kura-paroko ng Parokya ni San Jose, ang Esposo sa Paluan, lakip ang panalangin na ang lahat ay iadya na huwag matakot na manindigan para sa pagsunod kay Hesus, katulad ng pagsunod ni Father Mark Anthony Ventura.

Ang bukal ng pagninilay na ito ni Father Gerry ay ang nasusulat sa Juan 15:18-21 na kung saan mababasa na sinabi ni Hesus, “Kung napopoot sa inyo ang sanlibutan, alalahanin ninyong ako muna ang kinapootan nila bago kayo.” Anong aklat pa nga ba ang mas mapang-hamon kaysa sa Bibliya matapos nating mabasa bilang halimbawa ang talatang ito? Ano ang ating nasasa-isip kapag may alagad ng Diyos, pari man o pastor, obispo o madre, ministro o diakono ang kinapootan at kapagdaka’y pinatay dahil sa kanilang espiritwalidad at misyon na naka-ugat sa panlipunang pagkilos? 

Matatandaan na Si Father Mark Anthony Ventura, 37, ay pinagbabaril hanggang sa mamatay noong ika-29 ng Abril, matapos magmisa sa Gattaran, Cagayan. Kilala ang pari sa pakiki-isa niya sa mga katutubo sa pagtutol sa isang dambuhalang minahan sa kanilang lugar. Ang kayang pagkilos sa lipunan na nauwi sa kamatayan ay ang kanyang pinaka-dakilang homiliya. Kagaya ng kanilang Kinakatawan, ang mga Pilipinong martir na pinatay dahil sa kanilang pananampalataya ay hahanapin natin sa piling ng mga buhay at hindi sa mga patay at sa pamamagitan nito, pinipili natin ang buhay upang tayo ay mabuhay (Deut. 30:19).

Katulad ni Father Mark Anthony, si Father Gerry man ay tagapagtaguyod din ng kalikasan. Noong siya ay direktor pa ng Colegio De San Sebastian (CDSS) sa Sablayan, noong ika-24 ng Setyembre, 2009, katuwang si Ms Rosavilla Dalumpides, dean of academic affairs ng CDSS College Department, ay inilunsad ang isang malawakang symposium on mining na noon ay siyang nagtulak sa mga nasa-kolehiyo ng paaralan na makisangkot sa mga kontra minang pagkilos noon dahil ang mina ay mapamuksa.

Tameme ang maraming mga Katolikong Pinoy sa mga pagpatay sa mga makabayang pari sa kasaysayan. Nariyan ang pagpatay kay Father Marcelito Paez ng Nueva Ecija noong ika-4 ng Disyembre 2017 matapos niyang tulungang lumaya ang isang napipiit. Isama rin natin si Bishop Benjamin de Jesus, OMI na siyang Obispo ng Jolo na pinatay din noong 1997 at sina Father Benjamin Inocencio na pinatay noong 2000 at Father Jesus Reynaldo Roda noon naming 2009. Idagdag pa si Father Fausto Tentorio noong 2011 na pinatay din sa North Cotabato, Father Salvatore Carzedda noong 1992 sa Zamboanga City at si Father Tullio Favali na pinatay ng mga kultong pakawala ng militar sa North Cotabato noong 1985. Marami sa ating mga Katoliko mismo ang pinagbubuntunan pa sila ng sisi at pagbibintang sa kanilang kalunos-lunos na pagkamatay.  

Sa panahon ng mga naging pangulo simula kay Ferdinand E. Marcos hanggang sa kanyang tagahanga na si Rodrigo R. Duterte, maraming pari na ang pinapatay dahil sa kanilang pagmamahal sa kapwa at pagkilos para sa katarungan. Malamang, mga Katoliko rin ang ilan sa mga salarin, utak o may kinalaman sa mga pagpatay sa mga paring ito. Kahit sinong presidente ay hindi nasawata ang mga karumal-dumal sa gawaing ito dangan kasi ay lahat sa kanila ay kritikal kundi man bamban sa panlipunang doktrina ng Simbahang Katolika.

Huhusgahan ng kasaysayan tayong mga Katoliko at ang mga organisasyong kinabibilangan natin kung papaano natin itinuturing ang buhay ng indibidwal na tao. Mas matimbang (o ‘sing-timbang) ba ito sa atin kaysa sa mga materyal na layon ng lipunan kagaya ng pagpapa-angat ng negosyo at walang humpay na mga pampublikong pagawain? May malalim na hugot ang tinuran ni Arsopbispo Oscar Romero ng San Salvador noong ika-2 ng Pebrero 1980 sa kanyang talumpati sa Louvain. Sabi niya, “Here the church, like every human being, is faced with the choice that is most fundamental for its faith: to be on the side of life or on the side of death. We see very clearly at this point no neutrality is possible.”  Sa mga hindi nakaka-alam, si Oscar Romero nga pala ay arsobispo ng San Salvador na pinatay habang nagmimisa noong ika-24 ng Marso, 1980 sa kapilya ng Divine Providence cancer hospital. Matapos ang 35 taon, siya ay idineklarang martir ng Simbahan at na-beatify noong ika-23 ng Marso, 2015.

Kaya kung bibigyan ko ng sariling dagdag-nilay ang itinext sa akin ni Father Gerry noong ika-5 ng Abril, sa bahaging ito ng kasaysayan ng bansa, narito ang katotohanang dapat na lubos na pagnilayan ng mga Katoliko: tayo ba ay naniniwala sa Diyos ng Buhay o kasapakat tayo ng mga ahente ng kamatayan sa ating gitna.

Hanggang may mga paring martir ang Simbahan kagaya nina Arsobispo Romero at Father Ventura, ang Simbahan ay magiging tapat sa pagsunod kay Hesus. Si Hesus na mga masasamang tao rin ang nagpasya kung papaano siya mamamatay noon…

------

(Photo; Rappler)