Valentine’s Day kamakailan at kung may pinaka-hot and best selling topic sa panulaan, nobela, self-help books, theological treaties, awitin, homiliya, commercial, talk show mula sa iba’t-ibang kultura sa planeta, ay ang salitang “love” o “pag-ibig”.
Ang pag-ibig ay paksang hindi nagagasgas pero gasgas na at patuloy pang ginagasgas. Ang gulo ko ‘no? Pero sa usapin ng pananampalataya, kung may mga bagay na mahirap maunawaan at maintindihan ngunit naglilinaw ng ating pagkilala, pagkakatagpo at pananampalataya sa Diyos, iyan ay tinatawag na misteryo.
Sabi nga nila, “Love is the most used and abused term in the dictionary”. Salitang mabilis mamutawi sa bibig ng isang Kristiyano kahit tungo sa kahulugang batay lamang sa kanyang pansariling kagustuhan at adhikain,- sosyal, pampulitika man, pang-kultura o pang-ekonomiya. Pinipilit tayo ng ilang makapangyarihang tao sa lipunan na lapatan ang salitang “pag-ibig” ng kahulugang kinakatigan lamang ng kanilang uri.
Halimbawa, kapag may negosyanteng naglalagay ng bubog (o anumang elemento) sa kanilang tindang asukal (na inireport namin sa DZVT kamakailan) at iba pang gumagawa ng pandaraya ay sinabi mong unawain na lang sa ngalan ng “pag-ibig sa kapwa at/o kaaway”, bilang biktima ng situation of injustice ay hindi kita mauunawaan. Gaano man ako ka-banal o ka-makasalanan. Lalung-lalo na kung ang bini-biktima nila ay ang ibang tao,- yaong mga mahihirap, walang tinig at walang pangalan sa lipunan.
Totoo, maaari mong ibigay ang iyong kabilang pisngi kung iyong nanaisin subalit kapag ang pananampal (pagmamalabis/pagpapahirap) ay ginagawa sa harap mo sa iyong kapwa,- lalung-lalo na yaong mga hamak at aba, kung tumatalima ka sa Diyos sa atas na “mahalin mo ang iyong kapwa …” ay ‘di mo hahahayaang sila’y mapahamak o masaktan.
Hindi ba’t ang tumayo at ipaglaban ang kapwa ay pagpapakita ng dakilang pag-ibig sa Diyos? Kabilang na yaong mga kababayan nating biktima ng panlilinlang ng mga pinuno ng ating pamahalaang lokal. Sabi nga ng isang theologian, “Anger is NOT the opposite of love, it’s selfishness”. Ang galit ay maaaring maging aksyon ng taong nagmamahal sa kapwa ngunit kaylanman, ang isang taong maka-sarili ay hindi tunay na nagbabahagi ng pag-ibig sa tunay na kahulugan nito.
Sabi pa nila (kadalasan ng mga tiwaling lider at kanilang mga propagandista!) huwag daw tayong magalit o magsalita ng masama sapagkat ang taong umiibig ay hindi nagagalit. Ipasa-Diyos na lang daw natin sila at ipagdasal sapagkat ang pag-ibig daw ay nagpapatawad. Ewan ko pero ang pag-ibig, kagaya ng pagmamahal ni Nanay, ay hindi lamang nang-aalo ngunit ito rin ay namamalo!
Misteryo talaga ang pag-ibig. Hindi mo malaman kung ito ay naghahatid ng problema o solusyon, panlipunan man o personal, kolektibo man o indibidwal. Kasi nga ang pag-ibig ay may iba’t-ibang pamamaraan, hugis at anyo.
Basta ako, naniniwala sa sinabi ni Hugh Bishop:”Love is not an emotion. It is a policy’. Kaya pala tunay na mahirap ang magmahal. Sa Roma 12:9-21 ay hinahamon tayo na maging tunay ang ating pag-ibig anumang pamamaraan ito, hugis at anyo. Dito rin ay inaatasan tayo na huwag magmataas, kundi makisama sa mga mahihirap at “mamuhay nang marangal sa lahat ng panahon….”
Kumbaga, ang pag-ibig ay parehong nagpapahirap at nagpapagaan ng buhay. Layunin ng buhay na tayo ay matutong umibig, gaano man ito kahirap. Therefore, loving is a skill we must learn in life.
Kung ating mamahalin ang mga mahihirap, inaapi at pinag-sasamantalahan at kongkreto tayong tumutugon sa kanilang mga problema at suliranin, inihahayag natin sa kanila at kinikilala ang kanilang kahalagahan sa lipunan. Hinayahaan din nating matuklasan nila na sila ay mahalaga at natatangi. Madali at hindi mahirap mahalin ang mga mahihirap sapagkat marami sila at hindi mahirap hanapin. Nandyan lang sila sa tabi-tabi. Hindi kagaya ng dream girl o kaya ay prince charming mo. O kaya ng mambabatas mo na mas marami pang naitalang travel abroad kaysa sa pag-papanukala ng mga batas na national in scope.
Siyempre pa, hindi ito ang paksa ng pag-ibig na ating napapanood sa mga TV show tuwing Valentines Day, kundi yaong may kinalaman sa date, lovers, dinner by candle light, hotel at motel at iba pang romantisismo. Ang pag-ibig sa kapwa : mga inaapi, pinagsasamantalahan at mahihina,- ay ang pang-araw-araw na panawagan sa atin ni Hesus.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment