Kaming mga batang nagpapatintero noon sa liwanag ng buwan ay kaagad magpupulasan at kakaripas ng takbo pauwi kapag may mananakot at bubulong nang, “Ayan na ang F.F.… lagot kayo!”. Ang “F.F.” ay pinaikling tawag sa F.F. Cruz na isang construction company. Ayon sa pumutok (o pumatok?) na urban legend noon, ang kumpanya raw na ito ay nag-aabduct ng bata at papatayin upang “ipadugo” (o i-daga?) sa mga kongkreto’t bagong gawang kalsada at tulay para raw tumibay.
Tuwang-tuwa naman si Nanay kasi hindi na gagabihin sa pag-uwi ang kanyang mga anak sa labas (…ng bahay!). Ang PC (Philippine Constabulary) officers rin noon ay kampante na mababawasan ang teach ins at political discussion sessions ng mga aktibista dahil sa mga kuwentong tulad nito. Para rin siguro si Tatay at ang kanyang mga kumpare ay ito ang pulutanin, imbes na ang kapalpakan ng administrasyong Marcos, habang sila’y tumatagay. Ngayon ay 2008 na at naniniwala akong ito ay kuwentong bayan lang na likha ng kolektibong imahinasyon o isang klasikal na halimbawa lang ng urban legend. Katulad ng mga text message na kumakalat ngayon na may mga nawawalang bata umano na dinudukot ang kanilang mga lamang-loob para ibenta.
Pero ito ang totoo hinggil sa F.F. Cruz at hindi ito isang urban legend,.. ha : ang F.F. Cruz ay isang construction company na responsable sa malalaking pagawaing pang-inprastruktura sa Occidental at Oriental Mindoro noong Dekada 70 hanggang 80. Kilala sa buong bansa ang kumpanyang ito hanggang ngayon. Maliban sa construction, ang F.F. Cruz ay namuhunan din sa mina noong 1984. Ito ay sa pamamagitan ng Bulalacao Coal Mines Inc o BCMI sa may 15,000 ektaryang lupain na lubos namang tinutulan ng mga Mangyan. Noon at ngayon. Ang Pangulo ng BCMI ay si Philip F. Cruz nang itigil pansamantala ang eksplorasyon o proyekto.
Walang direktang makapagsabi ngayon kung ano ang tunay na dahilan kung bakit ito tumigil (o pinatigil) maliban sa ilang haka-haka na hindi pa umano “hinog” noon ang karbong miminahin. Noong Marso 1987 ay ipinag-utos ng mga awtoridad sa Maynila ang pag-papatigil dahil nasa loob ito ng lupaing ninuno ng mga katutubo. May mga bali-balita ring ang nagtaboy sa F.F. Cruz na itigil ang eksplorasyon ng mina ay ang malakas na puwersa ng NPA sa Roxas, Mansalay at Bulalacao o ROMANBUL area. Hindi bababa sa 16 na milyong piso umano ang naging lugi ng F.F. Cruz sa proyekto. Hanggang ngayon ay hindi pa malinaw at walang datos na makita hinggil sa paghinto ng operasyon.
Sa report kamakailan ng Alyansa Laban sa Mina (Alamin) at Mangyan Mission ng Bikaryato Apostoliko ng Calapan, ang sakop ng eksplorasyon ay ‘di bababa sa 250,000 ektaryang lupain. Inisyuhan ito ng Environmental Compliance Certificate o ECC noong Hulyo 11, 1984 na may bisa hanggang Hulyo 10, 2010. Isa itong renewable contract term na patuloy pa ring sinasaligan ng kumpanya. Dagdag pa ng Mangyan Mission at ng Alamin, aktibo na naman sa gawaing pre-exploration ang F.F. Cruz at nananatiling legal na tuntungan nito ay PD 972 o Coal Development Act of 1976.
Pero patuloy na naninindigan ang Pinagkausahan Hanunuo Mangyan sa Daga Ginurang o PHADAG na hindi nila papayagang muling buksan ang pagmimina sa Brgy. Cambunang, sakop ng Bulalacao. Sayang nga naman ang higit sa 30 taon nilang pakikibaka para sa pagkilala, karapatan at proteksyon sa kanilang lupain. Noong isang taon kasi, isinumite ng PHADAG sa National Commission for the Indigenous People o NCIP ang kanilang aplikasyon para sa CADT sa may 32,000 ektarya ng lupaing ninuno ng mga Hanunuo sa Mansalay at Bulalacao. Nasa antas na ito ng pagsasa-proseso sa pangunguna ng Special Provincial Task Force o SPTF, isang multi-agency body na siyang nag-aasikaso sa aplikasyon.
Sa pamamagitan ng isang Pahayag ng Pagtutol na pinagtibay sa kanilang Pangkalahatang Asembliya na ginanap sa Sitio Banti, Brgy. San Roque, Bulalacao noong ika-25 ng Pebrero, 2008,- iginiit nila ang mga karapatang nasasaad sa RA 8371 o IPRA, lalung-lalo ang probisyon sa free and prior informed consent. Isang pahayag na habang binabalangkas ng mga lider ay sinabayan ng pagda-daniw (ritwal) ng mga kababaihan at “gurangon” para umano maliwanagan ang isipan ng mga minero sa gagawin nilang pagwasak sa ating likas na yaman. Oo, kitang-kita ko nang gawin nila ang mga ito. Nandoon ako, e..
Kaya ngayon, Mangyan man o “Damuong” (tawag ng mga Hanunuo sa mga Kristiyano o taga-patag), kapag narinig natin ang salitang “Bulalacao Coal Mine” o “FF Cruz”, imbes na kumaripas ng takbo papauwi ay lumabas tayo ng ating mga tahanan at harapin sila nang mahinahon ngunit may tapang at paninindigan.
Hindi katulad noong tayo ay mga bata pang nagpapatintero sa liwanag ng buwan!
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment