Friday, February 22, 2008

Si Karyo at ang Pulitikong Ayaw Kong Pangalanan

Tawagin na lang natin siyang “Karyo”. Ayon sa ilang kuwento si Karyo daw ay dating bilanggo at marami raw napatay bago siya napadpad sa lugar namin. Sa kabila nito, ang mga batang kasing-edad ko noon ay itinuturing na ordinaryong tao lang si Karyo. Hindi namin siya kinatatakutan. Oo, isang karaniwang mamamayan lang si Karyo sa mga karaniwang araw. Maliban na lamang kapag Mahal na Araw o Biyernes Santo, kung kailan siya ang bida sa aming mga musmos na uzi(sero) noon.

Lumilibot siya sa buong baryo at mag-isang nag-pipinitensiya. Naglalakad sa ilalim ng matinding sikat ng araw habang hinahampas ang duguang katawan. May alalay pa siyang taga-hiwa sa likod ng blade kundi man ay basag na bote. At paminsan-minsang rumurositas sa pag-haplit sa likod habang naka-dapa’t nagdarasal si Karyo sa bungad ng aming kapilya at bawat bisita (“kubol” ang tawag namin.) na kanyang madaanan.

Iwan muna natin si Karyo. Naniniwala ka ba na sa mga Mahal na Araw lamang higit na napa-dadalisay ang ating pananampalataya at espiritwalidad? Hindi muna natin pag-uusapan dito ang iyong tugon sa tanong na iyan. Pero siguro ay maniniwala ka kung sasabihin ko sa iyo na kung gaano ka-sigla ang ating espiritwalidad,- kagaya ng gulong ng ating sasakyan ay dapat tsine-tsek ap natin ito tuwing tayo ay magbibiyahe. Kaya kumbaga, ang mga Mahal na Araw ay ang pinaka-angkop na panahon kung kailan available ang “vulcanizing shop” (“bulkitan” ang tawag namin) kung kinakailangan natin ang natatanging tulong. Dapat na regular nating sinisiyasat ang kargang hangin ng ating gulong,... pati ang reserba.

Simple lang kung bakit. Una, dahil sa kasaysayan ng Kristiyanismo ay umaawas ang kuwento ukol sa mga tao o personalidad na sa ngalan ng espiritwalidad at pananampalataya ay gumawa ng kabuktutan at nagsasabi ng kasinungalingan. Kagaya ng buktot na’y sinungaling pang pulitikong nasa isip ko ngayon (pero‘di ko sasabihin sa inyo kung sino!). O kaya ay yaong mga katulad ni Karyo na sinusugatan ang sarili sa ngalan ng espiritwalidad.

Sa ibang lugar nga (bagama’t hindi sa mga Kristiyano), may mga taong hindi naliligo nang kung ilang taon upang umano ay patunayan ang kanilang pagmamahal sa Diyos. Hindi ba’t may anti-Communist vigilante group noon sa Mindanaw na sa ngalan ni Kristo ay pinupugutan ng ulo ang bawat nabibihag nilang NPA? Sabi nga ni Sr. Melanie Svoboda, SND sa isa niyang lathalain, “History is clear: the spirituality of Christians has not always been healthy. On the contrary it has been sick. Very sick!”. Lahat nang ito sa ating akala ay pagsunod kay Hesus ngunit sa katotohanan ay hindi naman pala.

Ikalawa,- ako, ikaw, si Karyo. Pati ‘yung pulitikong ayaw kong pangalanan,.. lahat tayo,- ay inaasahan ni Hesus na maging kanyang disipulo. Kaya mahalagang palagi nating sinisiyasat ang ating katayuang pang-espiritwal. Sapagkat kung gaano ka-authentic ang ating pananampalataya ay ganoon tayo ka-epektibo sa ating pagiging disipulo,- sa ating tahanan, lugar pagawaan, parokya, komunidad, at daigdig.

Huwag lamang sanang matali sa pamamaraan ni Karyo ang ating pagsasakripisyo ngayong Mahal na Araw. Sakripisyong kabilang ang pagbubunyag ng mga gawain ng buktot na pulitikong ayaw kong pangalanan!

---------------

(Kumbaga sa pelikula ay advance screening ito. Lalabas pa lamang ang sulating ito sa AVSJ Bigkis Balita sa kanyang edisyong pang-Mahal na Araw ngayong Marso 2008)

No comments:

Post a Comment