Saturday, November 10, 2012

Arawatan 62



Naniniwala ako sa sinulat ni Paul Veyne na, “An event becomes an event only because of the context in which it is situated.”  Isang malaking event ang kasalukuyang ginaganap na selebrasyon ng Ika- 62 Taon ng Pagkakatatag ng Kanlurang Mindoro. Sa kapitolyong bayan ng Mamburao sa kasalukuyan, mula Nobyembre 5 hanggang 15, ay hitik sa mga gawain at aktibidad, presentasyon at programa para sa naturang pagdiriwang. May karnabal at trade and job’s fair, fun run at ball games, mga parada at sayawan sa kalye, rodeo, timpalak pagandahan, at iba pa. Natural, mayroon ding  Banal na Misa ng Pasasalamat. Inaasahan ding magsasalita si Pangulong P-Noy sa Capitol Plaza sa huling gabi ng selebrasyon. Inaasahan sana na sa pagkakataong ito ay maipamamahagi na ng president ang matagal nang inaasam na Certificate of Ancestral Domain Title (CADT) ng mga Mangyan Alangan sa Sta. Cruz at Sablayan pero mukha yatang mauunsyami ito sapagkat may naka-bara pa sa mga pambansang ahensiya na magpu-proseso nito. Ito ang pinakahuling update na nasagap ko sa tangapan ng National Commission on the Indigenous Peoples o NCIP Region IV noong kami ni Konsehal Ruben P. Dangupon, kinatawan ng mga Mangyan sa Sangguniang Bayan ng Sablayan noong ika-29 ng Oktubre ng kasalukuyang taon. Ang sitwasyon ng mga Mangyan, ang poorest of the poor ng Mindoro, ay isang halimbawa ng konteksto sa sitwasyong sinasabi ni Veyne.

Taong 1950 nang hinati ang isla ng Mindoro sa dalawang lalawigan, ang Silangan at Kanlurang Mindoro. Tumatanda na tayo pero ang ating kamulatang pulitikal ay hindi pa rin sumusulong. Kunsabagay, hindi nga naman siguro talaga mahalaga para sa atin ang magkaroon ng kamulatang ganito, dahil kung mahalaga ito sa atin, ito sana ang unang pinupuntiryang tugunan ng mga organisadong samahan sa atin. Sa aspetong ito, paumahin po, ay tumatanda tayo nang paurong. Wala tayong kamulatang pulitika na umusbong mismo sa pinagsama o kolektibong kaisipan ng mga mamamayan lalo na sa batayang sektor ng lipunan. Ang kamalayang pulitika sa Kanlurang Mindoro sa pangkalahatan ay hinuhubog at itinatakda ng mga pulitikal na pangkatin lamang. Kung meron man, sabog ito at hindi kagaya ng mga kuyay o elders ng mga Alangan na parating nakabatay sa kanilang kultura ang mga kustomaryong desisyon at pulitikal na pagpapasya. Bagamat hindi maiaalis na mayroon na ring bahid ng kaisipang patag ang ilan sa kanila.

Kung matutuloy sana ang seremonyal na pamamahagi ng titulo ng mga Alangan sa Mamburao sa a-kinse, lalong magiging relevant at angkop ang tema ng anibersaryo na “Arawatan” na mula  sa salitang Hanunuo na ang kahulugan sa atin ay “pagkakaisa”. Siyanga pala ang katumbas ng “Arawatan” sa mga Alangan ay “Kaisaan” at “Fakasadian” naman sa mga Taobuid. Kung bakit salitang Hanunuo ang pinili ng mga organisador ay hindi ko alam. Dito sa Sablayan, nang aming tipunin ang mga lider katutubo noong Setyembre, sa isang palihan na mismong pinadaloy ni Meyor Ed Gadiano, para pagpasyahan ang magiging tema ng aming mga susunod na mga aktibidad ay humanap sila at pumili ng isang salitang komon o pareho nilang ginagamit na ang kahulugan iisa para sa kanila. Sa resulta ng workshop lumabas ang salitang “Safaka”, na parehong sa mga Alangan at Taobuid ang ibig sabihin ay “running water” o “ilog na dumadaloy ng patuloy”.  Ang “Safaka” ay maaaring maging acronym din ng Sablayan Fakasadian-Kaisaan na pwedeng maging tawag sa pinaplantsa pang Pambayang Konseho ng Tribo dito sa amin. Sa pagkakaroon ng ganitong Konseho, ang simbolikong 9-figure Mangyan tableau sa aming Plaza ay magkakaroon ng buhay, figuratively speaking s’yempre!

Sa kanyang program sa radyo noong Sabado sa Radyo Natin si Bokal Roderick Q. Agas ng Ikalawang Distrito ay may ibinibidang isang proyekto para sa mga nasa elementaryang batang Taobuid sa Poypoy, Calintaan. Ito ay pagpapagawa ng isang dormitory para sa Mangyan pupils upang sa mga araw ng pasukan kung kanilang nanaiisin ay maaari na silang pansamantalang doon mamalagi o tumira. Lalo na kapag panahon ng bagyo at kalamidad. Higit apat na oras ang nilalakad ng mga bata, binabagtas ang mga mapanganib na bundok, ilog, talampas, lambak at iba pang anyong-lupa araw-araw (Parang nasa HEKASI lang?) upang makapag-aral. Proyekto ito na kanya ring ibinubukas ang pagtulong, kumakatok sa puso ng mga nais tumulong. Kaugnay nito ayon kay Bokal Rod, nagprodyus sila ng isang documentary film o video na tumatalakay sa sitwasyong ito ng mga katutubo. Sa akin lang, sana ay magkaroon ng pagkakataon na mapanood ito ng pangulo sa kanyang pagbisita sa gabi ng a-kinse. Magbubukas din ito sa kamalayan nating lahat kabilang ang ating mga bisita sa isa ngunit tunay na konteksto ng mga unang tao sa isla ngunit mga pinaka-aba nating mamamayan.

Para maisa-konteksto ang sitwasyon at pangarap ng mga Mangyan sa ika-62 anibersaryo ng ating lalawigan, magkaroon man lang sana ng kahit isang gawain na nagtatampok sa kanila. Bakit naman hindi e salitang Mangyan ang pinili nilang tawag sa nasabing selebrasyon. Tiyak malaking halaga ang gugugulin dito mula sa salaping-bayan. Sana kahit papaano ay may kamulatan at hindi lamang kasiyahan at serbisyo ang kanilang ialay sa tao, when we are 62…


(NB : Sa pinakahuling balita, matutuloy na ang distribusyon ng CADT sa mga Mangyan Alangan sa gabi ng kulminasyon at mismong si P-Noy ay mamahagi nito ayon sa NCIP. Salamat naman.)

--------
(Photo: occidentalmindoro.ph)

1 comment:

  1. Thank you so much kabayang Norman Novio sa iyong makabuluhang paglalahad ng mga kaganapan d'yan sa ating lalawigan!
    God bless!

    ReplyDelete