Bihira siguro ang kalalakihan (at kahit kababaihan) na ka-edad ko ang hindi naimpluwensiyahan ni
James Bond noong sila ay bata pa. Dumukwang at tumingkayad din ako sa mga
takilya ng Levi Rama at Golden Gate, mga kilalang sinehan sa San Jose, para
panoorin si Sean Connery at si Roger Moore. Pero ang mga pelikula ng mga huling
James Bond na sina Timothy Dalton, Pierce Brosnan at Daniel Craig ay hindi ko
na napanood. Habang nagkaka-edad na pala ang tao, nag-iiba na rin ang kanyang
panlasa sa maraming mga bagay. Siyempre, hindi ko na inabot ang “Casino Royale”
ni David Niven. Limang taon pa lang po ako noong 1967 ‘no?
Pati nga ang mga James Bond ispup ni Dolphy ay hindi ko pinalampas kagaya
ng “Dr. Yes” at ang tatlong episode ng “Dolpinger” noong late 60’s. Pati na rin
ang mga ala-James Bond na pelikula na tampok si Tony Ferrer bilang Tony Falcon, ang Agent X44.
Pero teka, naiiba raw ang bagong James Bond na may pamagat na “Skyfall”
na pinagbibidahan ni Craig at idinirehe ni Sam Mendes at prinudyos ng Eon Films
na unang ipinalabas sa Tate noong Oktubre 26, ngayong taon. Sabi ng marami, iba raw si
James Bond sa “Skyfall”. Mahina, nasusugatan, umiiyak, nagkakamali. Dalawang
beses raw siyang tinamaan ng bala na kahit kaninong James Bond movie ay hindi makikitang nauubusan ng bala at nasasapol ng kalaban. Dito ay senior citizen na si James Bond kaya siguro medyo
slow down na siya sa dati niyang mga kinahuhumalingang apat na “G” : guns,
girls, gadgets at glamour, habang ang marami sa kalalakihang Pinoy, anuman ang edad, ay full speed pa rin sa mga
ito.
Sabi ni Ronan Wright sa kanyang film review na mababasa natin sa sulating
ito, mas tunay na tao raw si James Bond dito. Sa katunayan, ayon pa sa sulatin
ni Wright, aprobado daw ito ng Vatican. Sa isang artikulo na lumabas sa L'Osservatore Romano, ang opisyal na pahayagan
ng Simbahang Katolika, ang karakter dito ni 007 ay, “more human, capable of being moved and of crying: in a word, more
real". Kapag ipinalabas ito sa Maynila sana ay may pagkakataon na
mapanood ko ito sa wide screen. Pero mahal na kasi ang sine ngayon. Hindi
kagaya noon na may singkuwenta sentimos ka lang ay puwede ka nang pumila sa
Golden Gate Theatre na kung minsan ay nakakatalilis pa sa takilyera. Huwag na lang. Sayang ang pera. Hihintayin ko na lang ito
sa suki kong Muslim sa palengke.
Kung may pinakamahalagang bagay na aking natutunan kay James Bond, ito ay
ang katotohanang ang lahat ng ating misyon sa buhay ay hindi lamang para sa
atin. Para kay Bond, ang bawat misyon ay para sa kanyang Reyna at sa Englatera. Tayo naman ay para sa ating pamilya at sa Kanlurang Mindoro. Ikalawang importanteng bagay na aking natutunan sa kanya ay ang manalig sa mga
eksperto sa mga bagay na hindi mo alam. Sa “Goldfinger”, hindi niya malaman
kung papaano na diffuse ang bomba at ipinaubaya niya ito sa isang may higit na
kaalaman ukol dito. Dito sa atin, tanging mga negosyante at pulitiko (o negosyanteng pulitiko?) lamang ang tinitingala at hindi ang mga alagad ng agham, alagad ng sambahan, alagad ng sining, at iba pa, mahiram lang sa isang kanta ni Gary Granada. Ikatlo at pinaka-mahalaga, si James Bond ay hindi nawawalan
ng pag-asa. Hindi ba sa “Thunderball” ay na-trap siya sa isang akwaryum na puno
ng mga gutom na pating pero hindi siya sumuko. Atrasado man ang pag-unlad ng lalawigan ay umaasa tayong darating ang araw ay atin itong mapagtutulungan sa pamamagitan ng mga taong tapat na nasa pamahalaan.
Ang hindi ko lang natutunan kay James Bond ay ang kanyang direktang
pagbibigay ng punto kapag nagsasalita. Wala na siyang paliguy-ligoy, tamaan ang
dapat tamaan, masaktan ang dapat masaktan. Okey lang. Iba naman si James Bond
at iba ako. Piksyon siya, totoong tao ako at akung-ako ako na kumakain ng
pandesal sa umaga na alam nyo na siguro kung saan ko binibili!
At dahil ang kauna-unahang pelikulang James Bond na “Dr. No” na
ipinalabas noong Nobyembre, 1962, singkuwenta anyos na ito ngayong akyat-manaog
sa mga telon, sa mga paborito nating templo ng mga aninong de-kulay. Katulad ko....
(Photo: Google Images)
pinoy lang kasi mahilig mag paligoy-ligoy, sa culture dito sa Singapore, very direct sila kaya ang pinoy pag pinagsabihan ng direkta nasasaktan ang damdamin..kasi di tayo sanay ng ganun..heheheh nice one
ReplyDelete