Bumisita nga kaninang umaga sa Mamburao
si Pangulong Benigno S. Aquino III at nakakalungkot sapagkat tuwiran na ngang
nabahiran ng pamumulitika ang ika-62 na Anibersaryo ng Pagkakatatag ng ating probinsya. Pero mayroon din naman mga silahis (Trans. “rays” hindi “gays”!) ng
pag-asa na dapat ikatuwa ng ating mga ka-lalawigan. Sa kanyang as usual na
emotionally charged na talumpati, inilitanya ni Gov. Josephine Ramirez-Sato ang
mga naging achievement ng lalawigan. Ang pagkakapanalo ng Kanlurang Mindoro ng
Seal of Excellence in Good Governance, ang One Laptop per Grade IV Pupil
Program, Mangyan Empowerment Program at iba pa na malaki rin ang naitulong sa
mga mamamayan. Bago sa kanyang pambungad ay kanyang sinabi na dadalawang
pangulo lamang ng bansa ang naka-rating sa kapitolyong bayan sa panahon ng
kanilang panunungkulan. Una ay si Cory Aquino noong 1991 at ikalawa ay si P-Noy
na bugtong niyang anak na lalaki. Natural na bukod sa pagbibigay ng trivia, may
ibang dahilan na alam n’yo na kung bakit ito binanggit ng ating punong
lalawigan.
Ang pagdiriwang ay walang dudang nalahukan
ng pamumulitika at dito ako unang nalungkot. Hindi na mabubura sa ating
kasaysayang lokal na ang pagbisita ng pangulo para sa okasyon ay nalahukan ng
proklamasyon ng mga tatakbong kandidato mula sa Partido Liberal (LP) ni P-Noy mula
Magsaysay hangang Lubang. Dito sila nanumpa ng katapatan sa partido, nag photo
ops sa presidente (na maaari nilang ilagay sa kanilang tarpaulin sa panahon ng
kampanya), at nakipag-kamay. Wala po akong problema dito kung ito po ay ginawa
labas sa pagdiriwang ng makasaysayang anibersaryo. Kung ito ay hindi isinakay sa okasyon. Hindi man obvious, ang pangyayaring ito ay
nag-iiwan ng mensahe sa likod ng ating mga utak, na nagpapalagay na hindi
ito naging tunay na benyu ng pag-uugat sa kasaysayan at pagkilala sa mga taong
nagsumikap upang humantong tayo sa lampas na anim na dekada bilang
nagsasariling probinsya. At dahil nga isinabay dito ang proklamasyon at naging
partisan political event ito, naisa-isang tabi, sinasadya man o hindi, ang mga
naging pagsusumikap ng mga hindi kapanalig sa pulitika ng mga kasalukuyang namumuno sa
lalawigan.
Kung sinadya ngang hindi bigyang puwang
dito ang mga karibal sa pulitika ni P-Noy, isa lamang ang malinaw: Nagdedeklara
ng giyera ang Malakanyang laban sa mga grupong pulitikal dito sa atin na kakampi ni dating
Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Masasalamin naman natin ito sa talumpati ng
pangulo na hanggang sa ngayon ay hindi pa rin tumigil sa pagpapatutsada kay GMA
at sa mga kampon nito, habang nag-ulat ng mga programa at proyekto sa ilalim ng
kanyang kasalukuyang administrasyon. Sa ganito, hindi naging tapat ang mga
naging organisador sa tema ng anibersaryo na “Arawatan” na mula sa salitang
Hanunuo na ang ibig sabihin nga ay “pagkakaisa”. Hindi pagkakaisa ang tawag sa
mga taong pinagbubuklod sa isip at gawa ng paging sila-sila. Kaya siguro
malisyosong binigyang-kahulugan ng mga katunggali nila sa pulitika ang
“Arawatan” na umano’y pinaikling “araw ng mga kawatan”.
Para sa akin, uulitin ko, nagdeklara na
ng giyera si P-Noy laban sa mga aniya’y “tiwaling kakaladkad sa atin”. At alam
na natin kung sino ang kanyang pinatatamaan dito. Nagbigay pa siya ng tugon,
bagama’t hindi niya idinitalye, sa dalawang malalaking sumbong sa kanya ng
gobernadora. Ang usapin ng exclusive contract sa kuryente at ang paglilinis ng
hudikatura na alam na natin kung kani-kaninong mukha ang nasa likod ng nasabing
mga usapin. Hindi mapasisinungalingang nasa opensiba ngayon ang posisyon,
kumbaga sa giyera, ng grupo ng gobernador kung suportang pampulitika ng
pambansang pamahalaan ang pagbabatayan.
Totoo ba ang mga ipinangangalandakan sa
radyo ng mga tagapagsalita ng probinsiya na hindi pinahintulutan ng PSG at PMS magkaroon
ng bahagi sa presidential visit ang kabilang paksyong pulitikal sa lalawigan?
Ayon sa ulat, ipinatanggal daw ng PSG at/o PMS ang mga tarpaulin ng mga ito.
Hindi ko alam kung totoo ito. Ang tanging alam ko lang, hindi isinama sa
programa kahit na i-welcome man lang si P-Noy ang alkalde ng Mamburao at ang
nanay niyang kinatawan naman sa Kongreso ng lalawigan, na alam nating lahat na
malapit na kaalyado ng dating pangulo. Ito ay isang media event pero limitado
lamang ang mga nag-cover nito. Ano ang
implikasyon ng aksyong ito ng Palasyo sa ating lokal na halalan sa 2013? Hayaan
na lang muna natin siguro, tiyak naman na ang mga botante o mga mamamayan ang magpapasya kung sinu-sino ang gusto nilang
maluklok. All politics is local, sabi nga. Sa dulo ng bolpen ng COMELEC na
lamang ito pagpapasyahan. Ipanalangin na lang natin na maging payapa, tapat,
malinis at may kredibidilad ang susunod na eleksyon.
Emosyonal na umapela ang gobernadora sa
kanyang talumpati, “SAMAHAN MO KAMI MAHAL
NA PRESIDENTE, SA PAGLABAN SA PAMIMINA SA KABUNDUKAN NA NAKAAAPEKTO SA AMING
MGA WATERSHED. SAMAHAN MO KAMI SA LABAN NA YAN..” Sa bahaging ito ng
talumpati ng gobernadora ako na excite at kinilabutan. Dahil nga aktibista ako
para sa kalikasan, excited akong malaman ang magiging tugon dito ng pangulo at
kinilabutan sapagkat alam ko na ang pangulo ay may pagkiling sa industriya ng
pagmimina. Importante ang ating mga kanlugang tubig o watershed. Ito ay
isang natural support ecosystem na proteksyon natin sa mga pagbaha. Sa operasyon
ng minahan, tiyak na mawawasak ito at mauuwi tayo sa delubyo. Dapat nating
ipanawagan sa pamahalaang pambansa ang pagkansela ng ECC (Environmental
Compliance Certificate) ng Mindoro Nickel Project sapagkat hindi binigyang diin
sa proseso ng EIA (Environmental Impact Assesment) ang pag-aaral sa sitwasyon
at kalalagayan ng ating mga watershed. Kasabay nating panawagan ang pag-revoke
ng mineral production sharing agreement (MPSA AMA-IV-097 at MPSA-AMA-IVB-103)
dahil nga sa pinsalang maidudulot nito sa ating mga kanlungang tubig. Isa lang
ang malinaw, kasama sa dapat nilang pag-debatehan sa 2013 ay ang isyu ng mga
mining application tulad nito sa mga lugar na sakop ng lalawigan.
Nakalulungkot dahil tila smokers’ cough
lamang ang isinagot ni P-Noy sa apela sa watershed at sa mining….
---------
(Photo: Bel Cunanan's Political Tidbits)
---------
(Photo: Bel Cunanan's Political Tidbits)
So sad re visit of P-noy sa ating lalawigan. Grabe... bakit hinaluan pa ng pulitika? Sino po ba ang nag organize ng kanyang visit? Wala na respeto sa ating mga mamamayan kung sino man ang nag organize nito. Anibersaryo po ng lalawigan ang ating pinagdiriwang hindi kung ano pa man.
ReplyDeleteMaraming juan de la cruz ang nagbayad ng tax, ang tanong ko po, ilang milyon ba ang naging gastos ng ating lokal ant nasyonal na pamahalaan sa kanyang pagbisita? meron kayang napala ang ating lalawigan sa kanyang pagbisita.. o bka pa pogi points lang.
Garapalan na po ang pamumulitika. kaya naman po mga kalalawigan kong taga occidental mindoro, imulat po natin ang ating mga mata kung sino ang karapatdapat na iboboto natin sa darating na eleksyon.nasa atin pong mga kamay ang pag unlad ng ating lalawigan.