Sa ika-6 ng Marso ay Anibersaryo ng DZVT na tinatawag ding “Tinig ng Pamayanang Kristiyano..” at ang inyo pong lingkod, para sa mga hindi pa nakababatid ay isa sa tatlong regular na program hosts ng “Pintig ng Bayan”, ang longest running talk show sa lalawigan ng Kanlurang Mindoro.
Pero ako nga ba ay brodkaster? Parang hindi, e. Unang-una kasi, hindi naman ako kumuha ng anumang kurso na may kinalaman sa mass communication. AB-Sociology ang kinuha ko sa Divine Word College-San Jose at ang natapos ko ay Bachelor in Secondary Education sa OMNC. Ikalawa, hindi ako akreditado ng Kapisanan ng mga Brodkaster sa Pilipinas o KBP. Expired na amg lisensya ko noon pa ‘atang 2002. Ikatlo, ang aking boses (sabi nila) ay hindi pang-radyo (pero ang mukha ko raw, pang-TV!! Joke!..). Ikaapat, ako ay aksidental na brodkaster lang sapagkat hindi naman talaga ito ang inaplayan kong trabaho. Naatasan lamang akong gampanan ito bilang bahagi ng gawain ko bilang worker ng panlipunang apostolado ng Simbahang lokal.
Sa totoo lang, mas kampante ako sa pagsusulat kaysa sa pagsasalita sa radyo. Ewan ko kung bakit gayung wala naman akong pwedeng ipagmalaking kuwento, nobela o anumang obra. Sa dulo ng prusisyon, isa lang ang tiyak: tayo ay manggagawa lamang na sumusunod sa anumang atas ng mga nakatataas sa atin at nagsisikap na matuto’t lumago sa alinmang “arena” tayo isabak. Siguro ay dahil nung bata pa ako ay hindi talaga ako nagiliw sa pakikinig ng radyo bagkus ang pagbabasa ng komiks at Liwayway ang aking libangan.
Pero sa ating may katagalan na ring pagmamasid at “pagsawsaw” sa gawain ng radyo at broadcasting sa ating probinsiya, sa aking palagay, ang isa sa nag-liligaw sa mga mamamayan ng Kanlurang Mindoro sa katotohanan at pagiging atrasado ng ating kaisipan ay hindi lamang ang mga lokal na pulitiko kundi ang kanilang mga propagandistang brodkaster. Bagama’t may bahagi tayong lahat dito, sila ang nagpapalala sa sitwasyon. Sitwasyong ginagatungan ng mga istasyon ng radyo na mekanismo ng mga pulitiko sa kanilang mithiing pansarili at mga brodkaster na tila may pampulitikal na etiketa na sa kani-kanilang noo. Tabi-tabi po!
Sa aking palagay pa (na maaaring mali), ang aandap-andap na sitwasyon ng malayang pamamahayag sa lalawigan ay pinalalala ng katotohanang ito. Suriin natin ito kaaalinsabay ng pagsusuri ninyo (ng madla,.kayo na aming mga taga-pakinig) sa karakter, katangian at gawi naming mga lokal na brodkaster. Magandang paksa ito sa susunod na posting. I-reserba muna natin ‘to.
Pero over and above ng isyung ito, tanong ko sa sarili: “Brodkaster na nga ba ako?”. Oo, dahil narito pa ako. Wala na akong ligtas. Hindi lang iyon, naging bahagi pa ako ng ika-17 Anibersaryo ng “Radyo Totoo” sa Mindoro!
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment