Sunday, June 22, 2008

Mindoro Big 3 and Our Watersheds

Hindi ko alam kung napa-paranoia na ang mga anti-mining advocate sa Occidental Mindoro o sadyang kaduda-duda ang bagong development sa usapin ng environmental protection in general and specifically sa mining issue dito sa amin. From out of the blue kasi,- habang ang mga community organizer ng Intex Resources Corp are working on their social preparation, ay parang bullfrogs sa latian sa pag-kokak para ma-attract towards a pro-mining stance ang mga private social institutions,- bigla na lamang umutlaw ang House Bill (HB) No. 3180. Masisisi ba natin ang mga katulad ni Walter "Bongbong" Marquez,- Secretary General ng KAAGAPAY PO-NGO network na naka-base sa Sablayan, na hindi mag-isip o mag-duda rito?

Kamakailan ay binalangkas sa 14th Congress ng Pilipinas sa kanilang First Regular Session ang HB 3180. The proposal was introduced by the three legislators ng Isla ng Mindoro na sina Rodolfo G. Valencia, Alfonso V. Umali at Ma. Amelita C. Villarosa ng aming lalawigan na tatawagin ko at least sa post na ito na Mindoro Big 3. Ang panukalang batas ay may pamagat na “An Act Declaring the Areas Around and between Aglubang-Ibolo Rivers in the Municipalities of Baco, Naujan and Victoria, All in the Province of Oriental Mindoro A Protected Watershed Landscape Under the National Integrated Protected Areas System, and for other Purposes”. Ewan namin kung sinadya o nagkataon lang pero ang lugar ng ilog Aglubang at Ibolo ay ang sentro ng operasyon ng Mindoro Nickel Project o MNP.

Ang HB ay kasalukuyang nasa tanggapan ni Rep. Ignacio “Iggy” Arroyo na siyang chairman ng House Committee on Natural Resources. Hindi natuloy ang naka-takdang pagdinig kamakailan dahil hindi umano sumipot sina Valencia, Umali at Villarosa na mga nag-isponsor nga nito. Ang pagdinig ay muli na lang itatakda in the future... marahil. Let us hope na present na sila sa susunod!

Tampok sa HB 3180 ay ang panukalang pamamahala sa ilog ng Aglubang-Ibolo na sumasakop sa apat na bayang nabanggit na naunang naideklara na protected watershed landscape sa ilalim ng National Integrated Protected Areas System o NIPAS. Ayon sa kanila, “ ..the most potent legal weapon for the reversal of this on-going destruction of this river systems and its surroundings is the enactment of this bill into law to ensure sustainable rehabilitation, protection and conservation of the area...” Tanong ko lang: Bakit kaya ang ipinanukala ay maging isang protected watershed landscape at hindi na lang maging national park na ang epekto, kung ihahambing sa basketbol, ay high-percentage shot?

Pero on the outset at least sa akin, ang HB 3180 ng tatlong mambabatas ng isla ay pabor hindi lamang sa kalikasan kundi maging sa mga anti-mining advocates. Sa espeho ng isang karaniwang mamamayan, tunay itong maka-kalikasan. Kung may hidden agenda man dito ay bantay ala-Jaworski mula sa mga mamamayan ang tanging katapat nito. Ang ikinadududa rin ni Vice-Mayor Eduardo Gadiano ng Sablayan ay ang istipulasyon sa Sec. 12; No. 12-d na ipinagbabawal ang mineral exploration or extraction gaano man ito kalawak sa loob ng nasabing lugar na walang permiso o authorization mula sa itatatag na Protected Area Management Board o PAMB. Ang nakakatakot, ayon pa kay Gadiano sa aming panayam sa radyo noong Miyerkules, baka layong palabnawin nito sa lupon ang proseso sa pagkuha ng mga rekisitos lalung-lalo na sa pag-mimina. Malaking kuwentiyon din umano ang bilang ng representasyon ng LGU ng dalawang lalawigan. Minimal lang umano ang magiging bahagi nila dito. Baka ma-itsa pwera na raw nang tuluyan sa board ang mga local executive.

Okay,.. let us give them the benefit of the doubt. Pero sana naman ay walang interes sa negosyo (o makinabang) sa/ng mina sinuman sa tatlong kinatawan. Kasi kapag meron, kumbaga sa laro ni Jaworski, baka ii-steal lang nila sa Intex ang bola at kapag lumaon ay sila (o isa sa kanila) ang magpapasa, magdi-dribol at magsu-syut nito. Talo ang kalikasan ng Mindoro. Talo ang mga Mindorenyo. Huwag sana ako mag-dilang anghel. Huwag po!...Huwag po!

Sunday, June 15, 2008

Pandurucan Olympian


“Sino ang kaisa-isang atleta na ipinanganak sa Occidental Mindoro na nakapaglaro sa Olympics?” Tanong ko sa isang batang aking kahuntahan isang gabi habang pinag-uusapan namin ang ilang bagay tungkol sa nalalapit Beijing Olympics sa August 8, 2008. Maraming pangalan ang kanyang inihanay mula sa iba’t-ibang sporting event ngunit sablay lahat ng kanyang hula. “Sirit na...” may tamang duda niyang bulalas.

Unang nilaro ang basketball sa Summer Olympics noong taong 1936 matapos gawin itong demonstration sports noong 1904 at 1924. Siya ang tinaguriang greatest Filipino basketball player in history pero bihi-bihira sa atin ang nakaka-alam na kagaya ko, dito rin pala siya sa San Jose ipinanganak. Si Carlos “Caloy” Loyzaga ay isinilang noong ika-29 ng Agosto, 1930 here in my hometown kung saan siya unang natuto ng basketbol. At noong taong 1942, dose anyos pa lang siya noon, mula sa Mindoro ay lumuwas siya ng Maynila at napabilang sa koponang Sta. Mesa Aces. Noon pa man ay kinakitaan na siya ng kakaibang tangkad sa height na 6-foot-3 (na noon ay bihi-bihirang Pinoy ang ganito ka-taas) at pamatay na wika nga ay “sure ball”.

Dalawang ulit na nakapaglaro sa Olympics si Loyzaga,.. noong 1952 sa Helsinki at sa Melbourne noong 1956. Muntik nang maging tatlo ang kanyang Olympic appearance kung hindi lang sana siya nagkaroon ng wrist injury dahil sa paglalaro ng softball kung kaya hindi siya nakasama sa Rome Olympics noong 1960. Si Loyzaga ay kasalukuyang naka-base sa Australia at sakaling hindi n’yo pa alam, siya ang tatay nina Teresa at Bing (na mga showbiz personalities) Chito at Joey (mga ex-PBA players). Si Loyzaga,- kasal kay Vicky Cuerva ay dating naging konsehal ng lungsod ng Maynila at 77 years old na ngayon.

Hitik sa impormasyon ang mga naisulat na hinggil kay G. Caloy “The Big Diffrence” Loyzaga at sa kanyang basketball career at hindi ko na pupuntuhin ang mga iyon dito.
Pero subukan mong pumunta sa pinaka-populated na paaralan sa San Jose ngayon at tanungin mo ang mga estudyante kung kilala nila si Loyzaga at kung alam nila kung saan ito ipinanganak ay malamang “Hindi” ang isasagot nila sa iyo. Huwag na sa mga paaralan. Subukan mo rin sa mga taong naka-tambay sa mga barberya, paradahan ng traysikel, palengke at kahit na sa munisipyo. Imagine,.. isang sikat na athlete sa buong mundo, ‘ni hindi man lamang kilala sa kanyang sinilangang bayan!

Tanong ko lang : “Bakit wala man lamang siyang markang iniwan dito o inilaan sa kanya ng kanyang mga kababayan,- ang mga nagdaan (at kasalukuyang) political leaders natin. Wala man lang kahit na karatula (o tarpaulin kaya) sa bungad ng airport o sa piyer na may nakasulat na ganito: ’Welcome to San Jose, birthplace of Basketball Great Caloy Loyzaga'? O Basketball League o clinic man lang in his honor. O kahit na pormal na ikasa man lamang ang kanyang birthplace visit o iba pang event ..’”

Kunsabagay, wala ngang tunay at sustainable sports program dito ‘yan pa kayang mga ganitong proyekto na sa tingin nila marahil ay mga kabalbalan lang... Walang po kasing kahilig-hilig sa pagsasa-batas at pag-execute ng tunay at totohanang sports development program ang aming mga political leader..

Pero kagaya nang kung papaano may tagong pahina ang bawat kasaysayan, marami pa rin tayong hindi alam kung bakit tila sarado tayo sa interes at impormasyon hinggil sa first ever Olympian from Mindoro bilang kanyang mga kababayan.

Pahabol pa sa akin nung tinedyer: “Kinalimutan kaya ni Loyzaga ang San Jose,- o ang San Jose ang lumimot kay Loyzaga?”. “Valid question!”, ang bigla ko na lamang naibulalas bilang sportswriter sa kolehiyo dati at isang taxpayer ngayon....

Friday, June 13, 2008

Yapak ng mga Banal

Unang yumapak ang mga Kristiyanong misyunero sa baybayin ng Puerto Galera noon taong 1572 na ayon sa mga naunang talaan ng mga Kastila ay ang lugar na unang tinawag na “Mindoro” bago pa man ito maging pangalan ng buong isla.

Ayon sa pananaliksik ni G. Rudy A. Candelario, isang local historian na naka-base sa San Jose sa kanyang sulatin na may pamagat na “The History of Catholic Faith in Occidental Mindoro”, sa isang lumang mapa na masusugsog pa sa taong 1589, ang kinalalagyang lugar ngayon ng nasabing bayan ay may naka-sulat na “Minolo” habang ang isang mapa na dated 1734 ay “Minoro” naman ang naka-lagay. Samakatuwid, ang tunay na “Mindoro” pala ay ang bayan ng Puerto Galera. Ito ang unang mission area ng mga Recollect priests sa panig ngayon ng Oriental Mindoro hanggang sa noong taong 1575 ay umabot sa Baco ang impluwensiya ng mga paring dayuhan.

Taong 1580 naman nang dumating sa Occidental Mindoro,- sa tinawag na Calavite Settlement (Calavite Point ngayon) ang mga misyunero at pagkaraan ng 40 taon, noong 1620 ay tumawid ang misyon sa Lubang.

Pangunahing tauhan sa kasaysayan ng Kristiyanismo sa buong isla ng Mindoro ay isang pari na nagngangalang Diego Luis de Sanvitores na piniling mag-misyon sa bansa noong ika-10 ng Hulyo,1662. Si Padre Sanvitores ay lumibot lulan ng bangka at namuno sa mga sakramento, lalung-lalo na ang pagbibinyag, sa mga bayan ng Sablayan, Sta. Cruz at Mamburao hanggang sa dulong bahagi ng San Jose.

Kasama ng Pilipinong layko na si Pedro Calungsod, si Sanvitores pinatay sa Guam noong ika-1 ng Abril 1672 sa pamamagitan ng sibat at pamamalo sa ulo ng mga mamamayan ng doon dahil sa ginawa niyang pagbibinyag sa isang bata. Na-beatify siya noong October 6, 1986.

Alam natin na maliban kay Sanvitores, may isa pang santo na nag-iwan ng yapak sa Mindoro, si St. Ezekiel Moreno na inordenan bilang pari sa Maynila noong 1897 at ang kanyang unang naging parochial assigment ay sa bayan ng Calapan hanggang sa ang kanyang pagmimisyon ay naka-rating sa Mangarin (San Jose) at maging sa Palawan. Isama pa natin ang kauna-unahang obispo ng Mindoro na si Bp. William Finnemann, SVD na sa bisa ng Protocol No. 2290 ay kinukunsidera para maging santo ng Congregation for the Causes of Saints sa Roma. Si Bishop Finnemann ay idineklara noong ika-7 ng Disyembre 1999 bilang “Servant of God.”

At sa darating na July 1, 2008 ang Apostoliko Bikaryato ng San Jose ay magdiriwang na ng kanyang Silver Jubilee....

Papaano mo sasabihing hindi pinagpala ng Diyos ang mga mamamayan sa islang ito?

Friday, June 6, 2008

Tulay + Kalsada = Kalbaryo




Ang kasaysayan ng pagpapagawa ng mga pangunahing tulay at kalsada sa Occidental Mindoro ay mati-trace natin noong 1973 kung kailan ang buong isla ay isa sa mga naging pilot area sa infra projects sa panahon ni Pangulong Ferdinand E. Marcos. Sa bisa ng Presidential Decree (PD)No.805 ay nilikha ni Marcos ang isang island-wide office na siyang magtitiyak sa malawakang pagpapatupad ng MIRDP o ang Mindoro Intergated Rural Development Program. Sinakop ng programa ang "pagbutas" sa 1,400 kilometrong haba ng kalsada sa lalawigan noon.

Matapos ang walong taong teknikal at legal na paghahanda, dalawang malalaking pagawain sa Occidental at Oriental Mindoro ang sinimulan. Una ay ang pagsasa-ayos ng daan mula San Jose hanggang Mamburao na umaabot sa 170.6 kms ang haba at ang Bulalacao to San Jose road na more or less 37 kms. Ang aking tinutukoy dito ay ang lumang ruta at hindi yung kasalukuyang ginagamit na via Brgy. Nicolas (Magsaysay). Sa unang nabanggit, umaabot sa 200 milyong piso ang inutang ng pamahalaang Marcos sa World Bank (WB) para sa proyekto.

Kung ganito na pala ito kalaon simula nang “butasin”, bakit hanggang ngayon ay tila walang malaking pagbabago sa sitwasyon ng mga kalsada at tulay sa Kanlurang Mindoro? Ito ang sagot ng mga political and social scientists, lalung-lalo na si Volker Schult, sumulat ng aklat na “Mindoro: A Social History of a Philippine Island in the 20th Century” noong 1991: “..at the very onset, the entire project has deficiencies in all aspects: bad management, inadequate planning, corruption and over-bureaucratization.”

Idinagdag pa ni Schult na maliban dito ay maaari rin nating pagbuntuan ng sisi ang masamang panahon (mga bagyo, tag-ulan na nagreresulta ng mga pagbaha) at kahirapan sa pagta-transport ng mga materyales lalung-lalo na ang bakal at semento.

Tunay na mayroon na ring malaking pagbabago sa sitwasyon ng mga kalsada sa lalawigan pero nananatiling hindi ito sapat. Kung ikukumpara natin sa mga kalapit nating lalawigan, atrasado siguro nang hindi lang 30 years ang kalsada dito sa atin. Ang masaklap, maraming mga dyip ang over loaded sa tuwing magbibiyahe lalung-lalo ang mga biyaheng Manoot, Rizal (katulad ng larawan sa dulong itaas). Maraming tulay din ang 'sing tanda na yata nang humukay ng ilog ang edad pero hindi pa rin yari.

Una ay ang Pinamanaan Bridge (larawan sa dulong ibaba) sa San Jose na halos bente anyos na yatang ginagawa ay hindi na natapus-tapos. Kaya nga tinawag din itong "Pinabayaan Bridge" o "Pinagkakitaan Bridge". Isama na rin natin ang Manoot Bridge (larawan sa gitna) sa bayan ng Rizal na dalawang taon nang naka-tiwangwang. Wala pa raw kasing pondo. Kapag panahon ng tag-ulan, lalo na kung panahon ng bagyo, isusumpa mo ang pagbiyahe sa mga lugar na ito. Isa itong kalbaryong totoo.

Balikan natin ang aklat ni Schult. Ganito ang analysis na mababasa natin : "... the project failed to materialize not only because of extreme corruption but of non-involvement and disregard of the common people...."

Sa kongkretong pagha-halimbawa,... wala man lang independent groups sa atin na nag-usisa kung magkano na ang nasayang na pera sa mga tulay ng Pinamanaan at Manoot!

Tuesday, June 3, 2008

Ang Yelo ni Judy Ann Santos at ni Mang Inggo

Kung nanonood ka ng telebisyon ay tiyak na napanood mo na ang infomercial (info ad rin yata ang isa pang tawag doon) ni Judy Ann Santos mula sa First Philippine Holdings, Inc. na sister company ng Manila Electric Company o MERALCO at ng ABS-CBN. Dito ay ikinukumpara ito ni Juday sa isang selopeyn ng yelo na binili mo sa tindahan sa labasan na kahit na buo ang binili mo ay matutunaw iyon pagdating sa inyo at hindi lahat ay iyong magagamit. Ganito rin daw ang system loss na nangyayari sa distribusyon ng kuryente o enerhiya.

Ang reaksyon naman ng GSIS sa infomercial ay ganito more or less: hindi makakatulong ang paggamit ng mga artista sa desperadong attempt nito na mapagtakpan ang mga kakulangan ng MERALCO. Pero huwag nating pag-usapan ngayon ang tungkol sa paggamit sa mga artista sa ganitong propaganda. Huwag 'yan. (Fan ako ni Juday e, he..he..he..)

Ang bigyang diin natin ay ang mga punto ng ad. Una, tila “pamukha” ito ng kumpanya sa mga mamamayan ng Metro-Manila na huwag nang magreklamo sapagkat hindi lamang sila ang sinisingil ng system loss. Pati ang mga taga-Davao o Cebu o anumang lugar sa bansa na may serbisyo ng kuryente ay hindi ligtas dito. At isa pa ay ang pahapyaw na paliwanag na itinatadhana sa batas kung ilang porsyento lamang ng system loss ang puwede nilang ipataw sa mga mamamayan. Sa aking tingin, ang infommercial na iyon ay isang “pamatay-sunog” sa nag-aapoy na usapin sa isyung Lopez vs. Garcia o MERALCO vs. GSIS, kundi man “pagbabangong-puri” sa kanilang kapalpakan. Kapag napanood mo ito at least ay ganito ang kaisipang gusto nilang manatili sa ating isipan: “Okey lang na patuloy tayong magbayad ng malaki at wala silang iba pang dapat gawin para malunasan ang pag-lobo ng ating mga bayarin sa system loss”.

Iyan ang kuwento sa likod ng yelo ni Juday....

Ano nga ba ang system loss? Hindi namin ito sa yelo inihahambing kundi sa isang motorsiklong may tagas ang karburador. Hindi lahat na gasolinang nawawala,- nagagamit man o natatapon,- ay nakatutulong sa inyo sa pagpapatakbo ng makina at upang makarating ka sa iyong pupuntahan. Meron diyang natatapon. At kung mahaba ang ating nilakbay, mas marami ang matatapong gasolina. At kung maikli,.. e di konti lang.. bago ang infomercial ni Judy Ann, ganyan layman’s explanation namin sa “Pintig ng Bayan” sa DZVT hinggil sa system loss.

Sabi ng mga taga-Occidental Mindoro Electric Cooperative o OMECO, mayroong dalawang uri ng system loss: ang technical system loss,- na resulta ng transfer o delivery of power at ang non-technical na resulta naman ng pagnanakaw ng kuryente. Ang system loss charge na binabayaran ng bawat consumer ng OMECO ay nasa PhP 1.0861/kwh. Php0.9717 ang pass on sa NAPOCOR at PhP 0.1144 para sa EVAT sa BIR. Ito ay, katulad ng sinasabi ni Juday,- ayon sa batas at actually sa ruling ng Energy Regulatory Commission o ERC ruling na 14% na systems loss charge na babayaran nating mga consumer.

Ito naman ang kuwento ni Mang Inggo. Siya yung tindero ng yelo noon sa may palengke ng San Jose malapit sa paradahan ng dyip na biyaheng Magsaysay...

Malakas ang yeluhan niya dahil hindi pa uso noon ang ref dito sa amin. Suki ni Mang Inggo ang mga mangingisda, sari-sari store owners at naghahalu-halo sa mga malalayong baryo sa isla hanggang sa bayan ng Calintaan, Rizal at iba pang lugar. Idini-deliber niya ito sa mga paradahan ng sasakyan. Para sa kanyang mga suki, ang yelo ay isinisilid sa lumang sako at nilalagyan ng ipa para hindi kaagad matunaw at matiyak na pakikinabangan nang lubos ng kanyang mga kliyente, malayo man ang maging biyahe nito.

At kapag muli kang bibili sa kanya, puwede ka nang hindi pumunta ng bayan at ipadala na lamang ang iyong sako at ang perang pambili sa drayber o konduktor ng dyip na bumibiyahe sa inyong lugar. Isang impormal na ugnayan ngunit tigib ng pagtitiwala. Dahil sa ganitong pamamaraan ay maraming naging suki si Mang Inggo na lubos na nagagalak sa kanyang serbisyo. Isang serbisyong tiyak, mabilis at tumitingin sa kanilang kapakanan. Walang yelo na gaanong nasasayang o natatapon na hindi nila napapakinabangan. Kailan kaya magiging ganyan ang pananaw ng mga namumuno ng OMECO (o kahit na ng MERALCO) hinggil sa system loss?

Pero ang system loss ay hindi lamang resulta ng kawalan ng direktang solusyon dito ng OMECO. In fairness sa kanila, ang pagnanakaw ng kuryente ay isa sa mga dahilan ng system loss at ito ay may kaakibat na parusa ayon sa RA 7832. Binuo ang OMECO Special Task Force Group upang hulihin ang mga kawatan. Mula Enero 2007 hanggang Marso 2008 ang STG ay naka-huli nang may humigit-kumulang sa 116 na magnanakaw sa buong Oksi.

Wala na ba talagang ibang paraan upang mabawasan man lang ang ating system loss charge? Hanggang kailan tayo magbabayad ng malaki sa mga produktong hindi naman natin pinakinabangan? Ang masaklap, uulitin ko, tila hindi sila intresadong lunasan ito!

Monday, June 2, 2008

Ginawa Nila Ito Noon


Tiyak na kilala ninyo ang mga personalidad dito sa larawang ito. Kuha ito ilang araw bago ang halalan noong isang taon. Nanumpa sila na magiging tapat, malinis at mapayapa sa panahon ng kampanya. Pasensiya na kayo at hindi man nararapat ay napasama ako sa kanila (Ako yung naka green ng polo na naka-talikod!). Hindi ko man nais ay naging facilitator tayo sa kanilang panunumpa sa watawat noon. Sa bayan ng San Jose ito ginanap na ikinasa ng PNP at Comelec provincial offices at PPCRV-Occidental Mindoro na kinatawan ng inyong lingkod.

Huwag na ninyo akong tanungin kung tinupad ba nilang lahat ang kanilang pangako. Ang alam ko lang, malapit na naman ang 2010!