Unang yumapak ang mga Kristiyanong misyunero sa baybayin ng Puerto Galera noon taong 1572 na ayon sa mga naunang talaan ng mga Kastila ay ang lugar na unang tinawag na “Mindoro” bago pa man ito maging pangalan ng buong isla.
Ayon sa pananaliksik ni G. Rudy A. Candelario, isang local historian na naka-base sa San Jose sa kanyang sulatin na may pamagat na “The History of Catholic Faith in Occidental Mindoro”, sa isang lumang mapa na masusugsog pa sa taong 1589, ang kinalalagyang lugar ngayon ng nasabing bayan ay may naka-sulat na “Minolo” habang ang isang mapa na dated 1734 ay “Minoro” naman ang naka-lagay. Samakatuwid, ang tunay na “Mindoro” pala ay ang bayan ng Puerto Galera. Ito ang unang mission area ng mga Recollect priests sa panig ngayon ng Oriental Mindoro hanggang sa noong taong 1575 ay umabot sa Baco ang impluwensiya ng mga paring dayuhan.
Taong 1580 naman nang dumating sa Occidental Mindoro,- sa tinawag na Calavite Settlement (Calavite Point ngayon) ang mga misyunero at pagkaraan ng 40 taon, noong 1620 ay tumawid ang misyon sa Lubang.
Pangunahing tauhan sa kasaysayan ng Kristiyanismo sa buong isla ng Mindoro ay isang pari na nagngangalang Diego Luis de Sanvitores na piniling mag-misyon sa bansa noong ika-10 ng Hulyo,1662. Si Padre Sanvitores ay lumibot lulan ng bangka at namuno sa mga sakramento, lalung-lalo na ang pagbibinyag, sa mga bayan ng Sablayan, Sta. Cruz at Mamburao hanggang sa dulong bahagi ng San Jose.
Kasama ng Pilipinong layko na si Pedro Calungsod, si Sanvitores pinatay sa Guam noong ika-1 ng Abril 1672 sa pamamagitan ng sibat at pamamalo sa ulo ng mga mamamayan ng doon dahil sa ginawa niyang pagbibinyag sa isang bata. Na-beatify siya noong October 6, 1986.
Alam natin na maliban kay Sanvitores, may isa pang santo na nag-iwan ng yapak sa Mindoro, si St. Ezekiel Moreno na inordenan bilang pari sa Maynila noong 1897 at ang kanyang unang naging parochial assigment ay sa bayan ng Calapan hanggang sa ang kanyang pagmimisyon ay naka-rating sa Mangarin (San Jose) at maging sa Palawan. Isama pa natin ang kauna-unahang obispo ng Mindoro na si Bp. William Finnemann, SVD na sa bisa ng Protocol No. 2290 ay kinukunsidera para maging santo ng Congregation for the Causes of Saints sa Roma. Si Bishop Finnemann ay idineklara noong ika-7 ng Disyembre 1999 bilang “Servant of God.”
At sa darating na July 1, 2008 ang Apostoliko Bikaryato ng San Jose ay magdiriwang na ng kanyang Silver Jubilee....
Papaano mo sasabihing hindi pinagpala ng Diyos ang mga mamamayan sa islang ito?
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment