Friday, June 6, 2008
Tulay + Kalsada = Kalbaryo
Ang kasaysayan ng pagpapagawa ng mga pangunahing tulay at kalsada sa Occidental Mindoro ay mati-trace natin noong 1973 kung kailan ang buong isla ay isa sa mga naging pilot area sa infra projects sa panahon ni Pangulong Ferdinand E. Marcos. Sa bisa ng Presidential Decree (PD)No.805 ay nilikha ni Marcos ang isang island-wide office na siyang magtitiyak sa malawakang pagpapatupad ng MIRDP o ang Mindoro Intergated Rural Development Program. Sinakop ng programa ang "pagbutas" sa 1,400 kilometrong haba ng kalsada sa lalawigan noon.
Matapos ang walong taong teknikal at legal na paghahanda, dalawang malalaking pagawain sa Occidental at Oriental Mindoro ang sinimulan. Una ay ang pagsasa-ayos ng daan mula San Jose hanggang Mamburao na umaabot sa 170.6 kms ang haba at ang Bulalacao to San Jose road na more or less 37 kms. Ang aking tinutukoy dito ay ang lumang ruta at hindi yung kasalukuyang ginagamit na via Brgy. Nicolas (Magsaysay). Sa unang nabanggit, umaabot sa 200 milyong piso ang inutang ng pamahalaang Marcos sa World Bank (WB) para sa proyekto.
Kung ganito na pala ito kalaon simula nang “butasin”, bakit hanggang ngayon ay tila walang malaking pagbabago sa sitwasyon ng mga kalsada at tulay sa Kanlurang Mindoro? Ito ang sagot ng mga political and social scientists, lalung-lalo na si Volker Schult, sumulat ng aklat na “Mindoro: A Social History of a Philippine Island in the 20th Century” noong 1991: “..at the very onset, the entire project has deficiencies in all aspects: bad management, inadequate planning, corruption and over-bureaucratization.”
Idinagdag pa ni Schult na maliban dito ay maaari rin nating pagbuntuan ng sisi ang masamang panahon (mga bagyo, tag-ulan na nagreresulta ng mga pagbaha) at kahirapan sa pagta-transport ng mga materyales lalung-lalo na ang bakal at semento.
Tunay na mayroon na ring malaking pagbabago sa sitwasyon ng mga kalsada sa lalawigan pero nananatiling hindi ito sapat. Kung ikukumpara natin sa mga kalapit nating lalawigan, atrasado siguro nang hindi lang 30 years ang kalsada dito sa atin. Ang masaklap, maraming mga dyip ang over loaded sa tuwing magbibiyahe lalung-lalo ang mga biyaheng Manoot, Rizal (katulad ng larawan sa dulong itaas). Maraming tulay din ang 'sing tanda na yata nang humukay ng ilog ang edad pero hindi pa rin yari.
Una ay ang Pinamanaan Bridge (larawan sa dulong ibaba) sa San Jose na halos bente anyos na yatang ginagawa ay hindi na natapus-tapos. Kaya nga tinawag din itong "Pinabayaan Bridge" o "Pinagkakitaan Bridge". Isama na rin natin ang Manoot Bridge (larawan sa gitna) sa bayan ng Rizal na dalawang taon nang naka-tiwangwang. Wala pa raw kasing pondo. Kapag panahon ng tag-ulan, lalo na kung panahon ng bagyo, isusumpa mo ang pagbiyahe sa mga lugar na ito. Isa itong kalbaryong totoo.
Balikan natin ang aklat ni Schult. Ganito ang analysis na mababasa natin : "... the project failed to materialize not only because of extreme corruption but of non-involvement and disregard of the common people...."
Sa kongkretong pagha-halimbawa,... wala man lang independent groups sa atin na nag-usisa kung magkano na ang nasayang na pera sa mga tulay ng Pinamanaan at Manoot!
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment