Kung nanonood ka ng telebisyon ay tiyak na napanood mo na ang infomercial (info ad rin yata ang isa pang tawag doon) ni Judy Ann Santos mula sa First Philippine Holdings, Inc. na sister company ng Manila Electric Company o MERALCO at ng ABS-CBN. Dito ay ikinukumpara ito ni Juday sa isang selopeyn ng yelo na binili mo sa tindahan sa labasan na kahit na buo ang binili mo ay matutunaw iyon pagdating sa inyo at hindi lahat ay iyong magagamit. Ganito rin daw ang system loss na nangyayari sa distribusyon ng kuryente o enerhiya.
Ang reaksyon naman ng GSIS sa infomercial ay ganito more or less: hindi makakatulong ang paggamit ng mga artista sa desperadong attempt nito na mapagtakpan ang mga kakulangan ng MERALCO. Pero huwag nating pag-usapan ngayon ang tungkol sa paggamit sa mga artista sa ganitong propaganda. Huwag 'yan. (Fan ako ni Juday e, he..he..he..)
Ang bigyang diin natin ay ang mga punto ng ad. Una, tila “pamukha” ito ng kumpanya sa mga mamamayan ng Metro-Manila na huwag nang magreklamo sapagkat hindi lamang sila ang sinisingil ng system loss. Pati ang mga taga-Davao o Cebu o anumang lugar sa bansa na may serbisyo ng kuryente ay hindi ligtas dito. At isa pa ay ang pahapyaw na paliwanag na itinatadhana sa batas kung ilang porsyento lamang ng system loss ang puwede nilang ipataw sa mga mamamayan. Sa aking tingin, ang infommercial na iyon ay isang “pamatay-sunog” sa nag-aapoy na usapin sa isyung Lopez vs. Garcia o MERALCO vs. GSIS, kundi man “pagbabangong-puri” sa kanilang kapalpakan. Kapag napanood mo ito at least ay ganito ang kaisipang gusto nilang manatili sa ating isipan: “Okey lang na patuloy tayong magbayad ng malaki at wala silang iba pang dapat gawin para malunasan ang pag-lobo ng ating mga bayarin sa system loss”.
Iyan ang kuwento sa likod ng yelo ni Juday....
Ano nga ba ang system loss? Hindi namin ito sa yelo inihahambing kundi sa isang motorsiklong may tagas ang karburador. Hindi lahat na gasolinang nawawala,- nagagamit man o natatapon,- ay nakatutulong sa inyo sa pagpapatakbo ng makina at upang makarating ka sa iyong pupuntahan. Meron diyang natatapon. At kung mahaba ang ating nilakbay, mas marami ang matatapong gasolina. At kung maikli,.. e di konti lang.. bago ang infomercial ni Judy Ann, ganyan layman’s explanation namin sa “Pintig ng Bayan” sa DZVT hinggil sa system loss.
Sabi ng mga taga-Occidental Mindoro Electric Cooperative o OMECO, mayroong dalawang uri ng system loss: ang technical system loss,- na resulta ng transfer o delivery of power at ang non-technical na resulta naman ng pagnanakaw ng kuryente. Ang system loss charge na binabayaran ng bawat consumer ng OMECO ay nasa PhP 1.0861/kwh. Php0.9717 ang pass on sa NAPOCOR at PhP 0.1144 para sa EVAT sa BIR. Ito ay, katulad ng sinasabi ni Juday,- ayon sa batas at actually sa ruling ng Energy Regulatory Commission o ERC ruling na 14% na systems loss charge na babayaran nating mga consumer.
Ito naman ang kuwento ni Mang Inggo. Siya yung tindero ng yelo noon sa may palengke ng San Jose malapit sa paradahan ng dyip na biyaheng Magsaysay...
Malakas ang yeluhan niya dahil hindi pa uso noon ang ref dito sa amin. Suki ni Mang Inggo ang mga mangingisda, sari-sari store owners at naghahalu-halo sa mga malalayong baryo sa isla hanggang sa bayan ng Calintaan, Rizal at iba pang lugar. Idini-deliber niya ito sa mga paradahan ng sasakyan. Para sa kanyang mga suki, ang yelo ay isinisilid sa lumang sako at nilalagyan ng ipa para hindi kaagad matunaw at matiyak na pakikinabangan nang lubos ng kanyang mga kliyente, malayo man ang maging biyahe nito.
At kapag muli kang bibili sa kanya, puwede ka nang hindi pumunta ng bayan at ipadala na lamang ang iyong sako at ang perang pambili sa drayber o konduktor ng dyip na bumibiyahe sa inyong lugar. Isang impormal na ugnayan ngunit tigib ng pagtitiwala. Dahil sa ganitong pamamaraan ay maraming naging suki si Mang Inggo na lubos na nagagalak sa kanyang serbisyo. Isang serbisyong tiyak, mabilis at tumitingin sa kanilang kapakanan. Walang yelo na gaanong nasasayang o natatapon na hindi nila napapakinabangan. Kailan kaya magiging ganyan ang pananaw ng mga namumuno ng OMECO (o kahit na ng MERALCO) hinggil sa system loss?
Pero ang system loss ay hindi lamang resulta ng kawalan ng direktang solusyon dito ng OMECO. In fairness sa kanila, ang pagnanakaw ng kuryente ay isa sa mga dahilan ng system loss at ito ay may kaakibat na parusa ayon sa RA 7832. Binuo ang OMECO Special Task Force Group upang hulihin ang mga kawatan. Mula Enero 2007 hanggang Marso 2008 ang STG ay naka-huli nang may humigit-kumulang sa 116 na magnanakaw sa buong Oksi.
Wala na ba talagang ibang paraan upang mabawasan man lang ang ating system loss charge? Hanggang kailan tayo magbabayad ng malaki sa mga produktong hindi naman natin pinakinabangan? Ang masaklap, uulitin ko, tila hindi sila intresadong lunasan ito!
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment