Sunday, June 15, 2008

Pandurucan Olympian


“Sino ang kaisa-isang atleta na ipinanganak sa Occidental Mindoro na nakapaglaro sa Olympics?” Tanong ko sa isang batang aking kahuntahan isang gabi habang pinag-uusapan namin ang ilang bagay tungkol sa nalalapit Beijing Olympics sa August 8, 2008. Maraming pangalan ang kanyang inihanay mula sa iba’t-ibang sporting event ngunit sablay lahat ng kanyang hula. “Sirit na...” may tamang duda niyang bulalas.

Unang nilaro ang basketball sa Summer Olympics noong taong 1936 matapos gawin itong demonstration sports noong 1904 at 1924. Siya ang tinaguriang greatest Filipino basketball player in history pero bihi-bihira sa atin ang nakaka-alam na kagaya ko, dito rin pala siya sa San Jose ipinanganak. Si Carlos “Caloy” Loyzaga ay isinilang noong ika-29 ng Agosto, 1930 here in my hometown kung saan siya unang natuto ng basketbol. At noong taong 1942, dose anyos pa lang siya noon, mula sa Mindoro ay lumuwas siya ng Maynila at napabilang sa koponang Sta. Mesa Aces. Noon pa man ay kinakitaan na siya ng kakaibang tangkad sa height na 6-foot-3 (na noon ay bihi-bihirang Pinoy ang ganito ka-taas) at pamatay na wika nga ay “sure ball”.

Dalawang ulit na nakapaglaro sa Olympics si Loyzaga,.. noong 1952 sa Helsinki at sa Melbourne noong 1956. Muntik nang maging tatlo ang kanyang Olympic appearance kung hindi lang sana siya nagkaroon ng wrist injury dahil sa paglalaro ng softball kung kaya hindi siya nakasama sa Rome Olympics noong 1960. Si Loyzaga ay kasalukuyang naka-base sa Australia at sakaling hindi n’yo pa alam, siya ang tatay nina Teresa at Bing (na mga showbiz personalities) Chito at Joey (mga ex-PBA players). Si Loyzaga,- kasal kay Vicky Cuerva ay dating naging konsehal ng lungsod ng Maynila at 77 years old na ngayon.

Hitik sa impormasyon ang mga naisulat na hinggil kay G. Caloy “The Big Diffrence” Loyzaga at sa kanyang basketball career at hindi ko na pupuntuhin ang mga iyon dito.
Pero subukan mong pumunta sa pinaka-populated na paaralan sa San Jose ngayon at tanungin mo ang mga estudyante kung kilala nila si Loyzaga at kung alam nila kung saan ito ipinanganak ay malamang “Hindi” ang isasagot nila sa iyo. Huwag na sa mga paaralan. Subukan mo rin sa mga taong naka-tambay sa mga barberya, paradahan ng traysikel, palengke at kahit na sa munisipyo. Imagine,.. isang sikat na athlete sa buong mundo, ‘ni hindi man lamang kilala sa kanyang sinilangang bayan!

Tanong ko lang : “Bakit wala man lamang siyang markang iniwan dito o inilaan sa kanya ng kanyang mga kababayan,- ang mga nagdaan (at kasalukuyang) political leaders natin. Wala man lang kahit na karatula (o tarpaulin kaya) sa bungad ng airport o sa piyer na may nakasulat na ganito: ’Welcome to San Jose, birthplace of Basketball Great Caloy Loyzaga'? O Basketball League o clinic man lang in his honor. O kahit na pormal na ikasa man lamang ang kanyang birthplace visit o iba pang event ..’”

Kunsabagay, wala ngang tunay at sustainable sports program dito ‘yan pa kayang mga ganitong proyekto na sa tingin nila marahil ay mga kabalbalan lang... Walang po kasing kahilig-hilig sa pagsasa-batas at pag-execute ng tunay at totohanang sports development program ang aming mga political leader..

Pero kagaya nang kung papaano may tagong pahina ang bawat kasaysayan, marami pa rin tayong hindi alam kung bakit tila sarado tayo sa interes at impormasyon hinggil sa first ever Olympian from Mindoro bilang kanyang mga kababayan.

Pahabol pa sa akin nung tinedyer: “Kinalimutan kaya ni Loyzaga ang San Jose,- o ang San Jose ang lumimot kay Loyzaga?”. “Valid question!”, ang bigla ko na lamang naibulalas bilang sportswriter sa kolehiyo dati at isang taxpayer ngayon....

No comments:

Post a Comment