Thursday, April 10, 2008

Asin-dero

Sabi ni Phytagoras na isang Greek thinker na ipinanganak around 570 BC,- “Salt is born of the purest of parents: the sun and the sea...” at gusto kong idagdag ngayong 2008 AD, “..nourished by calloused hands of a salt farm worker.”

Malapit sa akin ang usapin ng pag-aasin sapagkat labor union leader noon ang aking tatay sa Salt Industry of the Philippines, Inc. Isa ito sa pinakamalaking pabrika ng iodized salt sa bansa na pag-aari ng Tabacalera Philippines na matatagpuan sa Brgy. Bubog dito sa San Jose. Ang “Salt” ay itinatag noong April 27, 1955 at nagsara hanggang sa maisalin sa Aquafil noong 1980s na nang lumaon ay ipinailalim sa CARP after EDSA 1 ang malawak na lupaing sakop nito.

Bagama’t wala nang ganoon kalaking pabrika ng asin dito, tatlong bayan sa Occidental Mindoro ang kilala sa nasabing industriya. Ang mga bayan ng San Jose at Magsaysay sa mainland at ang Looc sa Isla ng Lubang. Hindi ba’t sabi ng mga halal na opisyal namin ay 40% ng table salt sa bansa ay galing dito?

Taong 1970 nang magsimula ang industriya ng asin sa Looc. Ang produksyon nito ay naunang isinuplay sa mga bayang sakop ng mainland Mindoro nung wala pang mga asinan sa San Jose at Magsaysay. Malakas ang produksyon sa buwan ng Enero hanggang Mayo ng bawat taon. Sa kasalukuyan, mas malalaki nang ‘di hamak ang mga asinan sa San Jose at Magsaysay kumpara sa Looc. Tinatayang 64,800 bags ng asin sa 45 kg./bag ang inaani kada taon sa nasabing bayan mula sa humigi’t-kumulang na 66 na ektaryang asinan dito.

Sa Magsaysay naman, sa panahon ng tag-araw, simula Enero hanggang Mayo (lalo na kapag ganito katindi ang sikat ng araw) hindi bababa sa 753,600 bags ang nalilikha mula sa tinatayang 333 ektaryang asinan. Ang bentahan ng asin ay mula P 1.00 hanggang P 2.50 kada sako na siyang farm price nito.

Mas malawak naman ang asinan sa San Jose na may kabuuang sukat na 435 na ektarya na tinataya namang umaani ng humigi’t-kumulang sa 730,000 bags sa nasabing mga buwan. Sa San Jose ay mayroong 13,469 salt beds na karamihang may sukat na 18’x 20’.

Sinasabi na ang mga bigating Chinese buyer sa atin ay kinabibilangan nina Joseph Yao, Piao Hiao at Richard Lim. Sila ang nagdidikta ng presyo na inaabot lamang ng P 30.00 kada sako (kung minsan ay mas mababa pa!) kapag panahon ng “tagkiriwi” (lean months) mula Agosto hanggang Setyembre kada taon. May ilang negosyante rin na nagdadala ng produkto sa isla ng Panay at sa mga lalawigan sa Luzon.

May tatlong major players sa industriya ng asin: ang mga kapitalista o buyer, ang may-ari ng asinan at ang mga mag-aasin. Nagpapautang ang mga kapitalista ng pera sa mga may-ari ng asinan na ginagamit sa pre and post operation (pagpapalinis ng banigan, pag-aayos ng kanal, pagpapatubig, at iba pa) nito. Nakikinabang dito nang higit ang buyer o kapitalista dahil hindi na tataas pa ang presyo ng produkto habang hindi bayad sa kanyang utang ang may-ari ng asinan. Ang mga tinawag nating “Asin-dero”,.. ang mag-aasin na siyang kumakayod, naghahakot at nagmi-maintain ng banigan ang dehado dahil sa hindi makatarungang partihan (70/30) pabor sa may-ari ng asinan!

Sa kabila nang pagmamalaki natin sa dami ng produksyon ng table salt sa bansa, nananatiling pobre ang ating maliliit na “Asin-dero”. At sa pagitan ng “the sun and the sea” na sinasabi ni Phytagoras, naroroon sila at ang kanilang pamilya na nagtitiis sa hirap!

No comments:

Post a Comment