Opisyal na tiniyak kanina ni Governor Josephine Ramirez-Sato sa programang “Pintig ng Bayan” sa DZVT na bibisita sa Kanlurang Mindoro si Pangulong Gloria Macapagal- Arroyo sa Miyerkules (April 23) pero malabo pa kung saang barangay sakop ng San Jose isasagawa ang pakikipag-pulong sa ating mga ka-lalawigan. Layunin umano ng pagdalaw na alamin ang sitwasyon ng produksyon ng palay sa probinsya kaalinsabay nang paglalaan at pagbibigay ng ayudang pang-agrikultura sa tinaguriang food basket ng MIMAROPA, alinsunod sa FIELDS Initiative ng Department of Agriculture o DA.
FIELDS stands for Fertilizer, Irrigation, Education and trainings for farmers and fisherfolks, Loans and Dryers and other post-harvest facilities, and Seeds of the high-yielding, hybrid varieties. Isa itong P43.7 billion package na tinawag nilang intervention measures para umano iangat ang farm productivity to achieve food security and self-sufficiency sa buong bansa.
Pero tanong ng isang listener namin kanina, “Hindi kaya matalakay sa GMA visit ang isyu ng pagmimina?”. May katwiran ang aming texter. Ano nga naman ang silbi ng pagpapa-unlad ng agrikultura kung pinahihintulutan naman ang Mindoro Nickel Project (MNP) na isinusulong ng Intex Resources na aktibo ngayong kumikilos sa lalawigan?
Ang MNP ay inaasahang magbubungkal sa may 9,730 ektaryang bulu-bundukin at patag na lupaing sakop ng Brgy. Pag-Asa sa Sablayan at Brgy. Villa Cerveza sa Victoria, Oriental Mindoro. Bahagi lamang ito ng kabuuang 442,664 ektaryang saklaw ng lahat ng aplikasyon. Ang buong Occidental Mindoro ay may sukat na 587,000 ektarya lamang! Sa bahagi pa lamang ng eksplorasyon ay ilang libong puno na kaya ang kanilang maitutumba? Ano ang magiging epekto nito sa tatlong pangunahing watershed ng Isla ng Mindoro, ang Ibulo, Aglubang at Buraboy? Papaano sasabihing walang epekto sa kabuhayan ng mga mangingisda kung ang mine tailings ay sa dagat nila itatapon? Papaano sasabihing hindi ito makakaapekto sa ating pagsasaka kung ang tubig na gagamitin sa paghuhugas ng lasong kemikal ay aabot sa 1.15 million liters kada oras? May problema na nga tayo sa irigasyon, madadagdagan pa ang ating kakumpitensya sa paggamit ng tubig para sa ating mga sakahan. Remember, ilang aspetong pang-agrikultura pa lang ang ating tiningnan. Sampol pa lang ‘yan. Marami pang moral at legal na dahilan kung bakit natin ito tinututulan.
Sulyapan natin ang ilang epekto nito sa mga Mangyan bilang mga magsasaka at sa Indigenous Peoples’ Rights Act o IPRA. Ang 9,700 hectare-mining area ay nasa loob ng ancestral domain claim ng mga tribong Alangan at Tadyawan. Kapag pinakialaman ito ng mga minero, maitataboy muli ang mga Mangyan mula sa kanilang economic base.
Magiging walang saysay ang FIELDS Initiative ng DA kung ang mga opisyal ng Mines and Geosciences Bureau (MGB)-Region IV ng DENR ay daig pa ang mga spokesperson ng mining company kapag nagpapaliwanag tungkol sa MNP. Asahan mo pa,.. e, binigyan nila ito ng ng exploration permit noong March 14, 1997 (Mindex Resources Development, Inc. pa noon ang ngayon ay Intex Resources) kaya siguro nila ito idinidepensa. Anumang tulong sa mga magsasaka at sa industriya ng agrikultura ay magiging ampaw sa matatalim na pangil ng kumpanyang minero. Matatapon lang ang anumang farm productivity measure na tulad nito at kasamang aanurin ng mine tailings kapag nagkataon.
Maisip sana ito ng ating pangulo at ng ating gobernador sa pagbisita sa atin ni PGMA sa April 23. Earth Day commemoration nga pala sa Martes.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
the campaign against mining is a campaign of peoples' right to life.
ReplyDeleteang mga samu't saring patakaran at programa ng gobyerno upang paunlarin ang ating agrikultura ay napatunayan na ng panahon na bogus kung saan ang pangako ng kaunlaran ay wala.
kaya't ang isyu ngayon dito na ang kampanya laban sa mina ay mahalaga natin tingnan ito sa perspektiba ng "community resistance".
Napadaan lang po. Taga-Mindoro rin ako, sa Calapan.
ReplyDeletehigit at dapat na nagsasalita laban sa pagmimina ay ang ating mga lider. mga lider na palagiang sumisigaw na sila'y maka-tao, maka-Diyos at maka-kalikasan tuwing eleksyon. bakit parang wala pang boses na sumisigaw mula sa hanay ng mga elected officials na dapat ay palaging tumitingin at ipinapagtanggol ang "common good"
ReplyDelete