Friday, April 25, 2008

Hayuma...Hubileyo...Hamon

Naghahayuma ang mga magingisda kapag masama ang panahon, matumal ang huli at iba pang pagkakataong nagbibigay sila ng panahon para sa panibagong paghahanda hindi lamang ng kanilang lambat kundi ng kanilang sarili. Kaya sa bawat punit sa lambat na kanilang hinahayuma ay pagsasariwa ng kanilang karanasan sa laot,.. sa panghuhuli ng isda,- maliit man o malalaki, matumal man o sagana. Ang bawat pagtatapos ng panahon ng paghahayuma ay isang panibagong hamon. Ganyan ko pinagnilayan at inilalarawan ang katatapos na Apostolic Vicariate of San Jose Pastoral Assembly 2008 na dinaluhan ng mga pari, lider-layko at mga madre ng Bikaryato.

Natapos kaninang tanghali ng halos limang araw na asembleya na ginanap sa San Isidro Labrador Formation Center (SILFC) sa bayan ng San Jose. Nagsimula noong Lunes (Abril 21) ang makasaysayang pagtitipon na may temang, “Pagsasalo ng Pamilya sa Hapag ng Pananampalataya”.

Naging tampok dito ang muling pagtatalakay sa mga present concern katulad ng Pamayanang Kristiyano (PAKRIS)/Basic Ecclesial Communities o BEC, programang pastoral at mga usaping kaugnay ng rekurso o resources. Ang nasabing event ay inilunsad sa diwa ng ika-25 Taon o Silver Jubilee ng ating paglalakbay bilang isang lokal na Simbahan. Naging participants dito ang more or less 120 delegates mula sa labing pitong parokya, labing isang bayan at apat na Vicariate’s Forane (VF) sa Occidental Mindoro.

Kagaya nang aking binabanggit sa itaas, nalalapit na kami sa Hubileyo ng pagkakatatag ng aming Simbahan simula nang ito ay maihiwalay mula sa Bikaryato Apostoliko ng Calapan noong ika- 2 ng Hulyo, twenty five years ago.

Sa homiliya ng aming Vicar General na si Msgr. Ruben S. Villanueva (AKA “Fr. Jun”) sa Misang Pasasalamat kanina, sinabi niya na ang aming misyon ay hindi upang i-proclaim ang aming mga sarili kundi si Hesus. As usual, may diin at alingawngaw ang kanyang tinig: “..Huhulihin natin at lalambatin ang mga bagay na hindi natin nahuhuli at nalambat sa nagdaang dalawampu’t-limang taon!!...” at sa aking kinauupuan ay napabulong ako't napalunok, “.... so help us God.”

1 comment:

  1. magandang araw po. pwede ko ba i-post sa blog ko yung comment nyo tungkol ke manuel quezon? salamat.

    ReplyDelete