Natatandaan ko pa kung kailan ko siya unang nakita nang personal at nakausap. Ito ay noong ika-27 ng Mayo 2006 nang maglunsad kami ng isang symposium kaugnay sa Small Town Lottery o STL. Tampok na naging panauhing tagapagsalita dito ang Church leader na tawagin muna nating “OVC”.
Umabot sa 210 participants na kinabibilangan ng religious at civic leaders ng Kanlurang Mindoro ang dumalo dito. Ito ay ginanap sa San Isidro Labrador Formation Center o SILFC sa Labangan Poblacion sa bayan ng San Jose. Symposium na naging hudyat para sa Simbahan na suriin, pagnilayan, manindigan at kumilos kontra STL.
Natatandaan ko rin na bago ito ay lumagda sa isang Nagkakaisang Pahayag hinggil sa STL sina Obispo Antonio P. Palang, SVD, DD at Punong Panlalawigan Josephine Y. Ramirez-Sato noong ika-19 ng Mayo, 2006. Ito ay binasa sa mga pulpito nang sumunod na pang-Linggong Misa sa lahat ng Parokya matapos itong mapagtibay noon. Sa buod ng pahayag, kapwa tinawagan ng pansin ng Obispo at ng Gobernador ang Sangguniang Panlalawigan (SP) na bawiin nito ang naunang pinagtibay na Resolution No. 163; S. 2005 ukol sa pagpasok ng STL sa probinsya. Pero halos hindi ko na marinig ngayon na nagsasalita si Governor Nene hinggil sa STL.
Noon pa man ay parang nahulaan ko na ang mangyayari sapul nang unang isalang sa hapag ng junta provincial ang nasabing usapin. Simula nang pag-usapan ang ilang mga teknikalidad hinggil dito. Halimbawa ay kung may awtoridad ba ang SP na mag-suspindi ng operasyon. Tanong nga ng isa sa kanila noon: “Kung saka-sakaling manindigan tayo na ipatigil ang operasyon, kanino at saan ito ipapatungkol o ihahain? Sa Punong Lalawigan ba, sa ating Kinatawan sa Kongreso, sa PCSO, sa PNP, sa Royal Viva o kay GMA?” Para sa akin kasi, sa mga lehislasyon kadalasan,- ang ultra-teknikal na pagbusisi ay maituturing na ring tahasang pagpanig kaya ito'y isang tandisang pag-babalatkayo!
Sa sesyon ng SP noong Hunyo 19, 2006, nagsumite ang Royal Viva Research Corporation,- ang korporasyong pinahintulutan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na siyang awtorisadong magpatakbo ng STL sa lalawigan, ng isang liham pahayag para sa rekonsiderasyon sa panukalang suspensyon ng operasyon ng STL.
Ayon pa sa Royal Viva, may signipikanteng ambag ang STL sa kita ng mga LGU maliban sa lumikha ito ng trabaho sa ating mga kalalawigan. Sa nasabi ring liham na naka-address kay Bise Gobernador Mario Gene Mendiola at sa buong SP, ipinagunita ng korporasyon na ang inisyatiba ng pagpasok nila sa Kanlurang Mindoro ay mula rin sa partikular na august body sa bisa ng isang resolusyon ng SP noong taong iyon. Ito umano ang nagtulak kay PCSO Chairman Sergio Osmena Valencia na buksan sa lalawigan ang operasyon. Ipinagdiinan pa sa liham na ang STL ay legal sa bisa ng RA 1169 at PD No. 1157 at PCSO Board Resolution No. 118, S. 1987.
Iniulat din na ang korporasyon ay nakapag-remit na ng hindi kukulangin sa total na P 1,558,647.12 sa mga tukoy na munisipyo at Pamahalaang Lalawigan sa unang dalawang buwan (Abril at Mayo 2006) pa lang ng operasyon nito. Sinong pulitiko nga naman ang makakatanggi dito? Hindi lang ‘yan, ang pinag-kagastusan sa mga ito ay hindi malinaw kung dokumentado o inu-audit. Kabilang kung magkano talaga ang napupunta sa kabang yaman (e,.. yung sa bulsa?) ng mga LGU at kung papaano ito ginagasta.
Isa pa, kung talagang test run for one year lang ang STL, bakit yata kumbaga sa immigrant ay mukhang overstaying na ito (bagama’t legal at hindi nagti-TNT!). Noong Abril 2007 pa sana natapos ang operasyon nito. Pero balita ko, mismong PCSO ang muling nag-isyu ng kasalukuyang permit nito.
Nakikinabang ba dito ang mga mahihirap na mamamayan sa anyo ng serbisyong panlipunan? O baka naman ang isyu ng kawalan ng political will ng incumbent officials ay ginagamit lamang ng kanilang political rivals for political propaganda against their enemies? Sa ganito, pakitang-tao lang ang katulad na action and pronouncements KUNG HINDI ito tulak ng “pagpapalit-puso”, personal discernment and renewal o kanyang moral conviction.
Tunay nga ba na ang STL ay kawanggawa o gatasang baka lang ng mga sugarol ding opisyal? (o pareho?). Mga tanong na hindi pa rin nasasagot hanggang ngayon. Kahit iba na ang komposisyon o kaya ay may bagong mandato na naman ang ating mga lider pulitiko. Maliban pa sa katotohanang ang sugal ay isang bisyo at ang bisyo ay hindi maaaring ikarangal ninuman. Ang moralidad ay mas pangunahin kaysa sa pulitika. Ang pagiging morally upright ay ang first and foremost na dapat na taglay ng isang tao,.. lalung-lalo na ng isang lider ng lalawigan.
Tanong pa : Sa bagong permit ba ng STL mula sa PCSO ay malinaw na nakalagay kung ilang bola ang maari nilang gawin sa loob ng isang araw? Kung isa isang araw lang ang pinahihintulutan, malinaw na ang ikalawang bola ay illegal!
Hanggang ngayon, kung gaano ang pananabik ko nung bago ilunsad ang STL symposium na makita si “OVC”, ay sabik na rin akong makitang kumikilos ang pamahalaang lokal na mawala ang STL dito. Gayundin ang political figures na wala ngayon sa spotlight. Pero parang mabibigo ‘ata ako. O bibiguin yata nila ako. Pero sabi nga noong ka-klase ko sa hayskul na parating nababasted ng kanyang bawat babaeng niligawan, “... ang pagka-dala ng mga bigo ay mas nakamamatay kaysa sa kanilang kabiguan.” Tuloy ang laban ng mga broken hearted na tulad namin!
Naku,... muntik ko nang makalimutan, si “OVC” nga pala ay si Archbishop Oscar V. Cruz, DD, ng Archdiocese of Lingayen-Dagupan na isang kilalang anti-gambling advocate, kritiko ng pamahalaang GMA, eksperto sa Canon Law at dating CBCP President. Pero human as he is,.. mayroon din siyang ilang mga actions and pronouncements (lalung-lalo na yaong tungkol sa GMA administration) na hindi katanggap-tanggap sa ilan o karamihan sa atin.
Dagdag pa, si OVC nga rin pala, sa pamamagitan ng kanyang itinatag na samahang tinawag na Krusadang Bayan Laban sa Jueteng, ay ginawaran ng mataas na “Parangal Para sa Manananggal” si JTV during his term as governor,- kasama ang ilang alkalde na kaalyado ng dating gobernador, dahil sa pag-papatigil sa jueteng sa Occidental Mindoro ilang taon na ang nakalilipas.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment