Wednesday, April 23, 2008

Vic, Dondon at Aida

Hindi pa rin nakakauwi dito sa Mindoro ang aking mga kaibigan at kasamang manggagawa sa Bikaryato Apostoliko ng San Jose na sina Vic Barrios at Norberto “Dondon” Eugenio, Jr. Sina Vic at Dondon ay mga program host ng dalawang kilalang entertainment (musical) program ng DZVT na may malawak na following sa buong MIMAROPA. Si Vic ang may hawak ng top rated “Dial 1369” at si Dondon naman ang ang anchor ng “Text and Request”, mga panghapong programa sa istasyon ng radyo na pinapangasiwaan ng Social Communication Apostolate ng Simbahang lokal.

Silang dalawa ay kabilang sa may tatlumpu’t-walong mga pasahero ng M/V Aida-I ng San Nicolas Shipping Lines na lumubog sa karagatang nasasakupan ng South China Sea noong araw Lunes (Abril 21, 2008) bandang alas-dose ng tanghali. Halos tumagal sila ng apat na oras na palutang-lutang sa karagatan hanggang sa mailigtas sila ng isang Australian cargo vessel na M/V Lowland na napadaan sa maalong karagatan. Ang Aida -I ay isang malaking pump boat na umano ay kargado ng kalakal at pasahero kaya ito lumubog. Ang mag-buddy ay galing sa coverage ng “Awitan sa Pamayanan” sa Brgy. Edupoy, Algeciras, Palawan na tinangkilik naman nang mga taga-roon at naging isang successful event prior to the incident. Pauwi na sila noon dito sa San Jose nang ito ay lumubog, wala pa silang limang oras na naglalayag paalis sa pantalan ng Edupoy.

Casualty sa sea tragedy ang isang Blandina Dangkal Dundun ng Manamoc, Concepcion, Palawan. Tatlo katao pa ang kasalukuyang nawawala habang 34 katao naman ang nailigtas na nagtamo lamang ng mga sugat, pasa at gasgas sa katawan. Kanina ay nagpasya silang sumakay muli sa isang pampasaherong pump boat at inaasahang darating bukas (sana naman ay wala nang aberya silang maranasan!).

Inulan ng iba’t-ibang mga mensahe mula sa kanilang mga tagahanga (listener) ang text line ng DZVT mula pa noong Lunes hanggang kahapon na nagpapahayag ng mga mensahe at panalangin para sa dalawang nilalang na bahagi na ng kanilang pang-araw-araw na buhay.

Sa kabila ng karanasang ito, alam ko na sina Vic at Dondon ay hindi titigil sa pagsusumikap na marating at makapiling ang kanilang mga tagahanga at tagapakinig sa mga “tawid-dagat” na lugar na naaabot ng DZVT. Mas naipakita nila ang kanilang dedikasyon sa paglilingkod sa inyo hindi lamang sa pagbibigay ng inspirasyon sa pamamagitan ng pagbati at biruan, sa pagpapatugtog ng mga paborito ninyong awitin, mga request at dedication at iba pa sa himpapawid. Ipinakita nila ito through testing the waters, wika nga,.. sa pagsuong sa malakas na amihan (sakay ng bulok na pampasaherong bangka!). Mas lalo silang hahangaan ngayon ng kanilang mga tagapakinig at kaiinggitan ng katulad nilang mga entertainment DJs and hosts sa lalawigan na 'di pa naranasang maka-hulagpos sa kanilang comfort zones. Kagaya ng isang seasoned warrior na mas hinahangaan sa actual combat,…. kung papaano niya nagapi ang kanilang mga kalaban,….kaysa sa panahong tinatanggap niya ang kanyang medalya at tropeo at iba pang cosmetic na parangal.

Tayong mga social communicators ay hindi dapat nadadala. Dahil kapag tayo ay nadala, nakakahiya sa Diyos na humirang sa atin sa gawain (trabaho) at bokasyong ito. Baka isipin Niya na hindi tayo nagtitiwala sa kanya. Pagtitiwalang may pagsunod sa Kanyang kalooban.

1 comment:

  1. una sa lahat, binabati kita sa iyong napakagandang blog. Marami akong natutunan at nabalitaan sayo. Magkahalong tuwa at lungkot ang nadama ko matapos kong maba ang nangyari sa 2 taga-DZVT, mabuti na lang at ligtas na sila ngayon. Natuwa nman ako dahil pagkatapos ng 14 taon, nakabalita ako sa dati kong kaklase sa MSE (Mindoro School of Electronics), si Norberto "dondon" Eugenio Jr., Unang semistre ng taong 1994. Di ko natapos ang GRCO dahil sa kakapusan ng pera at hirap ng buhay sa Mindoro kaya lumuwas ako ng Cavite para maghanap ng Trabaho. Ngayon, andito na ako sa Dubai at nagtatrabaho sa larangan ng IT. Kumusta na lang kay dondon, di ko lang alam kung natatandaan nya pa ako. Ako nga pala si Joey Amson, tubong Calintaan.

    Maraming Salamat at Mabuhay ka!

    ReplyDelete