Limang taon na ang nakalilipas ngayon. Noon ay ika-14 rin ng Agosto, 2003 nang walang-awang ginahasa at pinaslang ng tatlong kalalakihan ang noo’y labing-anim na taong gulang at second year high school student na si Elizabeth Albacino sa Sitio B-1, Barangay Central, San Jose, Occidental Mindoro. Ang mga suspek ay bilanggo sa Magbay Provincial Jail sa nasabi ring lugar. Papaano 'kanyo nakagagawa pa ng krimen ang isang bilanggo?
Hindi man kasi ninyo naitatanong, dito kasi sa amin, ang mga bilanggo noon (hanggang ngayon ba?) ay nakalalabas ng karsel o selda para magtrabaho nang walang upa sa pribadong sakahan o bukid ng ilang “matataas na tao” sa lalawigan.
Kayang palabasin ng kanilang impluwensiya ang mga bilanggo kahit walang court order. Kung hindi man sa mga pribadong pa-trabaho, ginagamit din ang mga kaawa-awang bilanggo sa mga pa-trabaho ng pamahalaang panlalawigan (regardless kung sino ang governor!) kagaya ng pagtatayo ng tore at antenna ng radyo ng ilang tanggapang-bayan. At palibhasa mga halang ang kaluluwa at mga habitual offender na, ang mga pinalalabas na inmate o detainees ay nakakagawa pa uli ng krimen. Lalung-lalo halimbawa ang brutal na panggagahasa at pagpatay kay Elizabeth Albacino noong 2003. Pinatay siya sa pamamagitan ng malalakas na pukpok ng isang mabigat na bagay sa ulo (na pinaghihinalaang isang malaking tipak ng bato), ayon sa autopsy report noon.
Ang Albacino Rape-Murder Case ay ang aking naging buhay na halimbawa hanggang ngayon kung gaano ka-palpak magtrabaho noon sa crime scene at investigation ang aming local PNP. Kumusta kaya ngayon?
Ngayon ay tila limot na ng panahon ang pangyayari. Ang mga organisasyon at samahang noon ay mainit na nakikibaka para sa katarungan sa kanyang pagka-matay ay nanamlay na. Hanggang sa kasalukuyan ay nabibinbin pa rin sa hukuman ang kaso... Halos hindi na umaasa ang mga kaanak ni Elizabeth na makakamit nila ang hustisya. Ibiniyahe na sa Muntinlupa ang bilanggo na siyang pangunahing suspek sa krimen.
May ilang bulong-bulungan, bagama’t walang pruweba, pero totoo kaya na ang nakagawiang pagpapalabas ng mga bilanggo sa Magbay Provincial Jail ay practice pa hanggang ngayon? Kabilang nga ba ang ilang convicted o suspected rapist at murderer?
Ang isa pang naka-lulungkot, hindi napanagot ang mga “matataas na tao” nag-utos para palabasin ng jail ang mga bilanggong iyon exactly 5 years ago today. Isa lamang ang tiyak ko,- may mantsa rin ng dugo ni Elizabeth Albacino ang kanilang mga kamay... at ito ang magiging pangunahing ebidensiya ng Dakilang Hukom laban sa kanila balang-araw kapag sila ay hinatulan Niya....
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
sana mabigyan ng hustisya to
ReplyDelete