Thursday, August 21, 2008

Pit(i)kin!

Naglunsad ng dalawang community consultations ang mga tauhan ng SEASTEMS Inc. na siyang nag-aasikaso ng social preparation para sa panukalang oil exploration ng Pitkin Petroleum Ltd. noong araw ng Sabado at Linggo,- Agosto 16 at 17, 2008, sa Brgy. Burgos sa Sablayan at Brgy. Purnaga sa Magsaysay. Sina Ms. Taresita Agravante kasama ang kanyang kabiyak na si Mr. Joseph Agravante ang siyang tumatayong team leaders sa konsultasyon. Kasama ako sa ilang uninvited outsiders na nag-observe sa ginawa nilang consultation cum IEC.

Ganito more or less and laman ng kanilang in-put: Ang Magneto-telluric (MT) survey na gagawin sa 23 barangay sa Oriental at Occidental Mindoro ay may habang 78 kilometro. Ito ay isang pamamaraan, katulad nang ginagawa sa ilang bahagi ng Pilipinas para maghanap ng mapagkukunan ng enerhiya katulad ng langis, bio-fuel, geothermal at iba pa. Ang magsasagawa ng MT survey dito sa atin, kagaya nang aking binaggit sa nakaraan kong post, ay ang Pitkin Petroleum Limited (PPL) at Phoenix Geophysics.

Maraming mga “DAW” at “RAW” na sinasabi ang DOE regarding MT survey: ito ay pamamaraang ligtas, di-mapanira at epektibong pamamaraan (kuno) ito para tuklasin ang mga likas-yaman na nasa kaila-ilaliman ng lupa. Makikita sa pamamagitan ng prosesong ito, halimbawa kung may langis sa mga lugar na sinurvey.

Sa pagsasagawa ng MT survey ay gagamit ng tinatawag na Magneto-telluric Acquisition System na binubuo ng Digital Acquisition Unit na siyang magre-rekord ng mga datos na makakalap mula sa iba pang mga instrumento; electric lines or cables na gagamitin bilang antenna o dipoles para sukatin ang electric fields mula sa ilalim ng lupa; batteries para magkaroon ito ng kuryente; at coils na mga alambreng nagsusukat naman ng magnetic fields mula sa ilalim ng lupa. Ang datos na hinggil sa natural electromagnetic waves ng lupa ay pag-aaralan ng mga eksperto para alamin ang naka-imbak na likas-yaman sa ilalim ng lupa.

Ang panukalang SC 53 MT survey dito sa atin ay naglalayong maka-kalap ng additional geophysical information sa mga nauna nang isinagawang eksplorasyon dito noong Dekada ’80. Remember PNOC and Delta Exploration? Maraming mga isyu at tanong ang hindi tuwirang nalinawan na ibinato ng mga lider-barangay, lider-katutubo at mga mamamayang dumalo. Nagbahagi rin ng ilang karanasan at agam-agam si Sr. Malou Baaco, DC ukol sa proyekto. Halimbawa ay ang pagtitiyak na walang epekto sa tao at kalikasan ang mga susunod pang phase nito,- kagaya ng seismic survey na inamin na gagamit sila ng “low grade” dynamite, at ang drilling and rigging phase gayung ibang kumpanya o kontrata naman ang gagawa nito.

Sa konsultasyon sa Burgos ay binasa ni Peping Poyngon, lider ng Fakasadean Mangaguyang Tao-Buid Daga, Inc. o FAMATODI ang kanilang position paper hinggil sa isyu na noon pang ika-8 ng Oktubre, 2007 pinagtibay ng kanilang tribu. Ayon sa kalatas, “Malalapastangan ng anumang pagmimina ang aming mga sagradong lugar sa loob ng lupaing ninuno. Magdudulot ito ng walang kapanatagan ng loob ng mga tao at ito ay sagka sa Indigenous Peoples Rights Act o IPRA...”

Noon pa man ay may basbas na ni Gov. Josephine Ramirez-Sato ang Onshore South Mindoro Field Survey. Sa kanyang sulat kay Mr. Ismael U. Ocampo, Hepe ng Petroleum Resources Development Division ng DOE noong October 17, 2006, ay binigyan ng permiso ang gawain. Noong hindi pa Pitkin ang may hawak sa proyekto, ang LAXMI Organic Industries ang gagawa nito.

Kapwa tinutulan ng mga opisyales ng dalawang barangay ang balak na eksplorasyon. Baka umano sila na naman ang sisihin ng taumbayan sa pinsalang maidudulot nito sa kalikasan at sa pamayanan. Sinabi ni Bgry. Kagawad Julio Suyat ng Burgos na kagaya ng isang cell site na itinayo sa isang bundok sa kanilang lugar na nag-resulta ng pagbaha at landslide, hindi tinupad ng kumpanya ang pangakong tulong sa barangay.

In the final analysis, ibinulong sa akin ng aking katabing matanda sa Purnaga: “Sa kaliwa’t-kanang kurapsiyon ngayon sa itaas (national government), kung papaanong pinag-kakaperahan ng mga taong gobyerno ang mga maliliit at malalaking proyekto, habang ang mga mahihirap ay pumipila sa bigas, anumang proyekto,- mabuti man o masama, mula sa pambansang pamahalaan ay kina-dadalaan na kaya tinututulan naming mga taga-bukid ...” “May tiwala kami kahit konti sa ating mga lokal na pulitiko,... sa national leadership lang ‘alang-‘ala!”, dagdag pa niya.

By the way, ‘ala pa ring opisyal na tindig dito ang Simbahang lokal.....

No comments:

Post a Comment