Tuesday, August 5, 2008
Recall at Sangkalan
Last week pa ay may umiikot na umanong pinapipirmahan sa ilang tukoy na barangay sa San Jose para i-recall si Mayor Romulo “Muloy” Festin ng aking bayang sinilangan. Ayon sa mga bulung-bulungan na, ewan ko kung totoo,- ang nag-initiate 'di umano sa recall process ay ang kampo ni dating kongresista, dating gobernador, dating in-mate at ngayon ay (Bubog) Brgy. Chairman Jose T. Villarosa o JTV. Ngunit ang sabi naman ng iba, ang tunay na pasimuno nito ay ilang lokal na cause oriented groups na hindi pa naman napa-pangalanan hanggang sa isinusulat ito. Ngunit matatandaan na matapos siyang maabsuwelto sa Quintos Double Murder Case, si JTV ay nagpahayag na (uli) ng kanyang hangaring maging alkalde ng San Jose.
Ang recall ayon sa Local Government Code (RA 7160)ay isang “method of removal of an elective official for loss of confidence...” Wala raw improvement ang San Jose. May lagay daw mula sa STL si Mayor Muloy na 700 thousand pesos every month at ilang pang paratang ng graft and corruption. (Halaw mula sa mga ikinakalat na polyetos ngayon kaugnay ng recall ng grupong tinatawag na Recall Muloy Movement).
Ang Section 29 ng RA 7160 ay nagbibigay ng garantiya sa paglulunsad ng isang recall process kung kailan ang mga rehistradong botante ng isang Local Government Unit o LGU ay makapag-e-exercise ng power of recall para sa “loss of confidence over a local elected official”. Ang initiation of recall process ay maaring padaanin sa dalawa: Una, sa pamamagitan ng Local Preparatory Assembly (LPA) at adoption of Resolution by majority of the LPA. Ikalawa, (na malamang na tinahak ng kaso kontra kay Mayor Muloy) ay ang written petition by at least 25% of the total number of registered voters of the LGU (municipality)...” Ang bahaging ito ang kasalukuyang ipinu-proseso ng mga pasimuno ng recall. Walang panahong itinatakda dito ang batas, huwag lamang lumampas sa huling taon ng termino ng taong subject of recall na hindi rin maaring mag-resign habang in progress ang recall process.
Matapos ito, ang Written Petition ay isa-submit sa Commission on Elections (COMELEC) at sa partikular na kasong ito ay sa opisina ni Municipal Election Officer Rogelio Balayan para i-post ito sa loob ng 10 hanggang 20 araw at i-verify ang mga nakalap na signature. Matapos ang verification, ia-announce ng COMELEC ang pagtanggap ng mga kandidato at kasama sa mga kandidato ang taong subject of recall. Matapos ito ay itatakda ng COMELEC ang petsa ng Recall Elections na hindi dapat lumampas sa 30 days at 45 days naman kung sa probinsiya. Matatapos lamang ang proseso ng recall matapos ang eleksiyon at mai-proklama ang mga nanalo... Ganyan ka-haba, at komo mahaba ay magastos ang prosesong ito...
Bagama’t tumanggi kahapon sa isang panayam sa DZVT si Mr. Balayan, inamin naman nito na ito ay isang mahabang proseso. Sari-sari ang lumabas na opinyon dito ng mga taga San Jose, lalung-lalo na ang kani-kanilang mga kabig sa pulitika... Hintayin na lang daw ang 2010. Sabi naman ng iba, dapat nang palitan si Mayor Muloy dahil lubog na ang bayan... Sabi ng kampo ni Mayor Muloy, itulong na lang sa mga mahihirap ang gagastusin dito. Sagot naman ng kabilang kampo, e ‘di yung halaga sa over pricing na lang ang itulong sa mga mahihirap... Gamit ang kani-kanilang mga kaalyado at/o pag-aaring istasyon ng radyo, batuhan na naman sila ngayon ng akusasyon. Para pamagat ng isang pelikula ni Eddie Romero,-“Ganito sila noon, ganito pa rin sila ngayon”!
Pero anu’t-ano man, sa pampulitikang prosesong ito ay gagawin na namang sangkalan ang mga mamamayan ng Pandurucan.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment