Sunday, August 24, 2008

Mabini to Manuel?

Ipinananukala noon ni Sangguniang Bayan (SB) Member Senen M. Zapanta, Jr. ng San Jose ang pagpapalit ng pangalan ng Mabini Street na isa sa mga prominenteng lansangan sa nasabing bayan. Sa nasabing panukala, ang Mabini St. ay gagawing Bishop Vicente C. Manuel Street bilang paggunita sa yumaong lider ng Simbahan sa lalawigan. Si Zapanta ay isang Lay Minister at dating Pangulo ng Parish Pastoral Council (PPC) ng Parokya ni San Jose, ang Manggagawa (Katedral).

Ang SB ay nagtakda ng isang Public Hearing noong ika-22 ng Agosto na ipinatawag nina Hon. Edgardo S. Abeleda, Chairman ng Committee on Local Government at Hon. William F. Almogela, Chairman naman ng Committee on Housing ang Land Utilization batay sa Committee Referral No. 2008-071. Pero matapos na dumalo ang mga inimbitahan, hindi nagka-intindihan ang mga tukoy na SB Members sapagkat hindi nila matiyak kung ang ganitong mga pagpapalit ng pangalan ng isang lansangan ay kailangan pang idaan sa isang Public Hearing o hindi na.

Sa orihinal na panukala ni Zapanta ang tatawagin lamang na Bishop Vicente Manuel Street (o Avenue) ay simula sa tulay galing ng Seminaryo hanggang sa dating tinatawag na C. Liboro St. (na noong maliliit pa kami ay Gen. Dunckel St.) May dagdag na nagmungkahi noon na “itagos” na ito hanggang Saint Joseph College Seminary hanggang tabing dagat sa Tandang Sora St. (Pasensya na po para doon sa mga hindi kabisado ang mga daan dito sa amin...) Hanggang ngayon ay hindi pa rin na-se-settle kung hanggang saan ba ito. Saan ito magsisimula at saan matatapos.

Sa nasabing naunsiyaming Public Hearing ay sinabi ni (Pag-Asa) Brgy. Captain Ulyssess Javier na sa mga ganitong pagpapalit ng pangalan ay hindi na kailangan ang Public Hearing kundi isang resolusyon ng SB na i-re-refer sa National Historical Commission (NHC) kung ito ay legally maaari o hindi. Ito ay upang tiyakin na walang batas o anumang legal na hadlang sa pagpapangalan mula sa isang national hero (Apolinario Mabini) tungo sa isang local hero na si Bishop Manuel nga.

Sa panig naman ng local historian at opisyal ng Occidental Mindoro Historical Society na si G. Rudy A. Candelario, naniniwala siya na ang panukala ay kakatigan ng NHC sapagkat nanghihikayat umano noon pa ang national government na bigyang parangal ang mga local hero ng isang lalawigan o lugar. “Maliban dito, ilang daang kalye na ba sa Pilipinas ang naka-pangalan kay Mabini?”, tanong pa ni Candelario. Ang gagawin ngayon ng SB ay susulat ng resolusyon o liham ukol dito at isusumite sa NHC para sa final approval para tuluyan na ngang mapalitan ang pangalan ng nasabing daan. Kasama rin sa gagawa ng kani-kanilang mga resolusyon ay ang mga barangay na maaaring sumakop dito tulad ng Labangan Poblacion; Poblacion 6,7 and 8; at Pag-Asa. Plenaryo na ang mag-aaproba nito.

Tanong naman sa mga SB ni Ma’am Norma Malilay, isa sa mga inanyayahan, “Bakit nung pinalitan ninyo ang C. Liboro St. at ginawang Felix Y. Manalo St. ay wala kayong ginawang Public Hearing?”. Sabi naman nung kaibigan ko hinggil sa isyung ito, “Sana naman ay seryoso silang nagpaparangal sa mga ito at wala kahit na bahid na motibong pulitikal...”

Kung ang Mabini St. ay magiging Bishop Vicente Manuel St. na, tiyak na may makikita at mababasa tayong ganito: Royal Viva Research Corporation, Small Town Lottery (STL) Franchise Holder, Bishop Vicente C. Manuel St., San Jose, Occidental Mindoro. Sa Mabini St. kasi matatagpuan ang opisina at bolahan ng STL sa lalawigan....

Akin lang ito ha... pero kung masisiyahan ang ating yumaong Obispo na may kalsadang ipinangalan tayo sa kanya, ayaw niyang mai-ugnay ang kanyang pangalan sa STL o sa anumang bagay tungkol sa sugal. Dahil noong siya ay nabubuhay pa, paulit-ulit niyang habilin sa atin na, “... ang pagsusugal ay kasing tindi ng pagnanakaw!”

1 comment:

  1. now q lang nabasa to,pero ang comment q,UNAHIN MUNA NATING PALITAN ANG MGA KAPIT TUKONG PULITIKO NA MGA NAKAUPO NGAYON SA PWESTO,PARA UMASENSO NMAN ANG ATING BAYAN,DAHIL YAN ANG MGA SAGABAL SA PAG UNLAD NG ATING BAYAN,WALANG KINALAMAN DYAN ANG PANGALAN NG KALSADA

    ReplyDelete