Kahit hindi masilayan ang araw at parang uulan ay humugos noong Septyembre 30, 2008 sa tanggapan ng Occidental Mindoro Electric Cooperative o OMECO ang ilang prominenteng consumer nito upang humingi ng kopya ng ilang mahahalagang papeles ng kooperatiba. Mga bagay na pawang public documents naman. Hinarap sila ni GM Alex Labrador ngunit tumanggi itong pagbigyan ang pormal na kahilingan ng grupo dahil ipaaalam pa umano niya (GM) ito sa BOD. Ewan ko kung ano ang magiging aksyon dito ng BOD. Sabi nga ni Ka Popoy noon: “Tingnan (na lang) natin.”
Mababasa sa Article 3, Section 7, of the Bill of Rights sa ating Saligang Batas na: “The right of the people to information on matters of public concern shall be recognized. Access to official records, and to documents and papers pertaining to official acts, transactions, or decisions, as well as government research data used as basis for policy development, shall be afforded the citizens…” Ganyan din halos ang probisyon ukol dito sa By-Laws ng OMECO.
Ang masakit, sa kanilang interpretasyon dito at sa Code of By-Laws ng OMECO, hindi talaga nararapat na ilabas o kumuha ng sipi (photo copy) ng anumang dokumento mula sa OMECO sapagkat ito umano ay ipinagbabawal. Hindi maaaring ilabas ng (mga) opisina kahit kopya man lamang ng mga ito. Maaari lamang itong busisiin at basahin. Hindi kagaya sa National Bookstore na, “ private reading is not allowed”. Sa OMECO, “… only private reading is allowed…(?) Hindi sana ito kasama sa Ten Commandments ng meter reader ng OMECO.
Whew!... kunsabagay, sabi nga ni Anthony Taverna,- kung gaano raw kadami ang mga abogado sa Pilipinas ay ganoon din kadami ang opinyon nila sa isang tukoy na batas. Pero sa kasong ito, halatang namimilosopo lang ang OMECO GM. Kahit siguro sinong mahistrado sa Korte Suprema ay tiyak na mahuhulog sa upuan sa katatawa kung ang legal na interpretasyong ito ang igigiit mo. Kailangan mo kasi ng photographic memory na mas masahol sa pa dolphin bago mo ma-scan ang saku-sakong papeles na iyon. O kaya ay artificially inseminated ka ng Minolta, Nikkon, Cannon o Ricoh. O ‘di kaya naman ay produkto ka ng experimental cross breeding ng tao at ng xerox machine. O kaya ang puwet mo sa iyong pag-uwi ay mag-iimprenta’t magluluwal ng papel ‘simbilis ng hp deskjet 3550.
Salungat sa lohika at praktika ang interpretasyong ito. Palusot na lang talaga ito in plain and simple word. Ang mas masaklap, sa legal na interpretasyong ito ay isina-sangkalan pa para gawing inutil ang batas,- o ang mismong Code of By-Laws ng OMECO. Para itong Melamine sa chocolate bar na made in China na bigay mo sa syota mo. O kaya ay sa Mommy niya….
Sinu-sino nga ba ang bumubuo ng BOD ng OMECO? Here is the line up… (boses ala-Vincent Price ang intro):
• Jerry R. Villanada (President and Board Chairman)
• Francisco T. Servando (Vice Secretary)
• Samuel A. Villar (Secretary)
• Melito C. Pasol (Treasurer)
• Leonardo S. dela Fuente (Member)
• Myna Galindo-Magno (Member)
• Arsenio C. Samson (Member)
Sana ay magliwanag ang kanilang mga isipan hindi lamang katulad ng streetlights na awtomatikong sumisindi kapag madilim ang kalangitan, kundi katulad nang matinding sikat ng araw sa tanghaling tapat…..
------------
(Post Script : Tinawag na “Save OMECO Peoples Forum” ang aktibidad na inilunsad noong Sabado, ika-4 ng Oktubre, sa San Isidro Labrador Formation Center (SILFC) sa bayan ng San Jose. Humigi’t-kumulang sa 100 participants mula sa SAMARICA ang dumalo dito. Kabilang sa mga naging resource speaker ang mismong mga OMECO employees na sina Ms. Cora Agustin, Mr. Jess Fordan, Engr. Ricky Gonzalez at Engr. Alfred Dantis. Kabilang ang mga BOD Members na sina Arsenio C. Samson, Samuel A. Villar at Francisco T. Servando. Ang members ng Core Group na nag-share ay sina Daisy del Valle-LeaƱo, Msgr. Ruben Villanueva at Jose Norella, Jr. Umpisa pa lang daw ito ng mga serye ng mga hakbangin para ILIGTAS ang OMECO…)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment