Monday, October 27, 2008

Sulyap sa Aktibismo sa San Jose at OMECO Rally

Sabihin na lang nating humigit-kumulang ay 300 participants ang dumalo sa Save OMECO Prayer Rally na ginanap noong Biyernes, Oktubre 24, 2008. “Manipis” ito at talaga namang hindi umabot sa 500 participants na target noon ng mga organizer. Pero overall ay naging matagumpay ito kung ang ating susukatin ay ang komitment ng mga dumalo. Wala ring kaguluhang nangyari maliban na lamang nang sa unang bahagi ng rali ay ikinasa din ng mga empleyadong loyalista ni GM Alex Labrador ang sound system sa harapan ng mga ralyista. Tinapatan nito ang aming mga trompa at siyempre ay hindi namin pinayagan na matalo ang aming sound system. At nagsimula na nga ang programa bandang alas-2 ng hapon.

Palibhasa ito ay broadcasted over DZVT, sa punto ng issue awareness at information dissemination ay tagumpay itong maituturing. Kahit papaano ay gumawa ito ng ingay. Isang panlipunang ingay na bihi-bihirang marinig sa Kanlurang Mindoro. Isang ingay na noon ay musika sa tenga ng ating mga homegrown activist. Masiglang ingay na unti-unting pinipi ng kanilang mga huling pagpapasya at pagpapahalaga. Nasaan na sila ngayon? Mamamaya ikukuwento ko….

Kumbaga sa dahon, kuluntoy na kundi man panat ang antas ng militansya at aktibismo sa lalawigan. Hindi na ito mataas kagaya noon. Pero may pag-asa pa naman matapos kong makita ang hanay ng mga kabataan kabilang ang mga seminarista noong Biyernes. Kung babalikan natin ang kasaysayan ng student activism partikular dito sa San Jose, naging mayabong ito noong early ‘70s. Sa kanya ngang lathalain na pinamagatang “Missionstagebuch” noong Abril 14, 1972 sinulat ni Msgr. Wilhelm Duschak, SVD, na: “In the college (Divine Word College of San Jose) there are already spreading Communistic and Maoist ideas with red paint hammer and sickle are scattered on the walls…” Ganyan ka-astig noon ang ating mga lokal na aktibista. Dagdag pa dito ang idealismo ng mga kasapi ng Khi (or Chi) Rho Movement, ang Federation of Free Farmers (FFF) youth arm sa Occidental Mindoro. Bumagsak ang unang sigwa ng aktibismo dito sa atin matapos ang kalakhan sa mga kilalang lider ay nagpasyang mamuhay ng “tahimik” o magpa-enlist sa Philippine Constabulary (PC). Hindi nila nakayanan ang lupit at katusuan ng Batas Militar.

Bago patalsikin si Marcos at sa unang mga taon matapos ang EDSA 1, kaalinsabay halos ng pagpasok ng mga kasapi ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) sa Aquafil Estate sa Brgy. Bubog, bukambibig sa mga kampus ang LFS o League of Filipino Students at ang pangalan ng kanilang mga lider. Noon umusbong ang mga kilalang personahe sa larangan ng social activism na ngayon ay naririnig pa natin. Naging palasak lalo ang LFS nang maging kaisa ito ng Alliance of Concerned Teachers-Occidental Mindoro o ACTOM sa pagpapatalsik kay G. Bernabe B. Macaraig, Pangulo ng Occidental Mindoro National College (OMNC) noong 1987. Muling nagtagumpay ang estado sa pagsugpo sa aktibismo dito sa atin. Ang mga aktibistang ito ngayon ay mga pulitiko na rin o kaya naman ay propagandista na ng mga bigating pulitiko. Mayroon namang iba na wala na dito sa atin o kaya naman ay nasa ibang bansa na.

Ito ang punto ko: tunay na mahihirapan tayong kagyat na pag-alabin ang aandap-andap na diwa ng aktibismo dito. Hindi natin kaagad na maaasahan na bigla ay “kakapal” ang mga dadalo sa mga susunod nating pagkilos. Ang isyu man ay pagmimina, STL, graft and corruption, political dynasty at iba pa. Doble kayod tayo sa pagpapapamalay….

Siyanga pala, noong Sabado sa kanilang Board Meeting ay natanggap na ng BOD ng OMECO ang Audit Report mula sa National Electrification Administration o NEA. Saka ko na ikukuwento ang buong detalye ng ulat pero pabor sa mga nag-rally sa harap ng opisina ng OMECO noong Biyernes ang resulta. Kagaya ng ating inaasahan.

Sa ng pagiging “manipis” ng pagkilos, muling nabuhay ang dugong tibak ng mga laman ng lansangan noon dahil sa Save OMECO Prayer Rally noong Biyernes. Kagaya ni Jose “Jun” Norella, Jr. na isa sa mga rally organizer na nag-iwan ng isang mensahe at hamon: “Patikim pa lang ito… Magra-rally uli tayo sa Nobyembre!”

Kagaya ng standard extro ng mga ralyista sa alinmang pagkilos, ito lang ang aking masasabi : “Babalik kami, mas marami!”

By the way, may internet connection na kami ulit…

10 comments:

  1. post po kau ng mga pix ng San Jose,, gz2 ko po makita itsura ng San Jose,, d pa po ako nakakapnta jan.. ang alam ko lang po maganda ang San Jose.. hehehe

    ReplyDelete
  2. try visiting http://dwcsj.googlepages.com for the pix and thank you for dropping by...

    ReplyDelete
  3. sana naman sa susunod na rally maragdagan ang bilang ng mga taong lalahok dito lalo na ang mga taga san jose wag naman sana sila na makuntento na lamang na mayroong supply ng kuryente. wag na nilang hintaying malugmok ang omeco sa kamay ni gm alex' dahil baka one of this day dina me makagamit computer kasi la na power supply galing npc

    ReplyDelete
  4. salamat naman at me ganitong blog! Anyway ako willing sumama sa susunod na rally at magsasama ako ng marami dahil hindi pwedeng mawalan ako ng kuriente isa akong dealer ng yelo sa public mkt kaya pag nawalan ng kuriente pano na ang tatlo kong anak na nag-aaral! Kaya ang iba pang makakabasa nito tayo na at mag hawak kamay para sa save omeco!

    ReplyDelete
  5. salamat po sa pagbisita. Kita po tayo!

    ReplyDelete
  6. ANG PAGBIBIGAY NG SERBISYO NG KURYENTE AY TRABAHO NG ESTADO. BAKIT KAYONG MGA ROMANO KATOLIKO AY NAKIKIALAM SA GAWAING HINDI SA INYO. HINDI BA AT NASUSULAT NA 'IBIGAY KAY CESAR ANG PARA KAY CESAR AT SA DIYOS ANG SA DIYOS'? KAYA NGA MAY SEPARATION OF CHURCH AND THE ESTATE!!!!!

    ReplyDelete
  7. Ipagpatuloy ninyo ang pakikipaglaban sa OMECO, upang matanggal na si GM Alex Labrador!!!!

    ReplyDelete
  8. Just want to ask kung ano posisyon ng org nyo regarding sa pagpaslang kay Atty. Crispin Perez? Meron ba kyong statement na nilabas tungkol dito? Pk-post naman kung meron. Thanks in advance...

    ReplyDelete
  9. To Anonymous:

    Walang ipinalabas na official statement dito ang Bikaryato ng San Jose maging ang DZVT at SSC. Pero sa hindi pagtutukoy ng mga specific case, ang Simbahan sa kalakhan ay patuloy na naninindigan laban sa mga gawaing nagtataguyod sa tinatawag niyang "culture of death", kagaya ng aborsiyon, death penalty,summary execution
    o anumang senseless killings...

    ReplyDelete
  10. Hindi kaya malaki ang posibilidad na ang pagpatay kay Atty.Perez ay related sa pagkakabasura ng agreement between OMECO and IPC? Pk-tanong naman sa board. Sino ba ang may-ari ng IPC? Nagtatanong lang!! hehehe..

    ReplyDelete