Sunday, March 29, 2009
Ang Pakikisangkot ay Tungkulin
Linggo na. Eleksiyon ngayon para sa uupong Board of Director ng Occidental Mindoro Electric Cooperative (OMECO) para sa nasasakupan ng Unang Distrito ng Bayan ng San Jose. Ang distritong ito ay sumasakop sa mga barangay ng San Agustin, Central, San Isidro (dating Canwaling), Bubog, Bagong Sikat, San Roque, Pag-Asa, Caminawit, ang buong Isla ng Iling at Poblacion Uno hanggang Otso. Ang mga kandidato ay sina Aquino “Panong” Acla, Jr; Rogelio “Roger” Balayan; Tirso “Bong” Espiritu; Eliseo “Junior” Lising, Jr.; at Alex Peralta. Si Acla ay dating Association of Barangay Council (ABC) president at dating Kapitan ng Brgy. Bubog. Si Balayan naman ay Municipal Election Officer ng COMELEC habang si Lising ay dating kapitan ng Brgy. Pag-Asa at isang kilalang negosyante. Si Espiritu ay empleyado ng Land Bank of the Philippines (LBP) at lider ng Brotherhood of Christian Businessmen and Professionals (BCBP) at si Peralta ay retiradong manedyer ng Metrobank dito sa amin na umano ay lider din ng isang sekta ng relihiyon. Lima silang magsasalpukan sa mga presinto hanggang mamayang alas tres ng hapon at sa bandang pa-gabi na ay malalaman na natin kung sino sa kanila ang mananalo.
Noong ang Save OMECO Movement ay naghahanap ng sasama sa pagkilos para i-expose at kondenahin ang mga anomalya sa loob ng kooperatiba, mabibilang mo lamang sa daliri ang mga naniwala sa aming pakay at layunin mula sa mga grupo ng tinatawag na middle forces. Halos lahat sila ay hindi man lamang namin nakasama sa aming mga pagkilos kontra sa maling pamamalakad ng kooperatiba. Ang ilan pa nga ay hindi lamang hindi nakikisangkot kundi pinagtawanan pa kami dahil wala rin naman umanong patutunguhan ang mga ginagawa naming ito. Mayroon pang patagong sumusuporta sa GM at mga kakutsaba niya. Pero bakit kaya ngayon ay nag-kukumahog silang maging direktor gayung hindi naman malaki ang honorarium kumpara sa kanilang mga kinikita at sinasahod? Ano bang meron sa OMECO at marami ang nagkakandarapang maging direktor nito? Sabi nila, mas madali raw magkaroon ng kontrata o kutsabahan sa mga kontratista kapag direktor ka, lalo na kapag kasapakat ninyo ang General Manager o GM nito o ang mga pulitikong may malinaw na interes sa kasalukuyang negosyo ng enerhiya sa lalawigan.
Ang labis ko ring ipinagtataka ay kung bakit sa pagpili kung sino ang mamumuno sa ilang tukoy na programa ng Simbahan, halimbawa sa mga gawaing pastoral nito ay walang boluntaryong nagtatalaga ng sarili at kung mayroon mang mahihirang ay pilitan pa, samantalang kapag ganitong may eleksiyon ay halos ipag-gitgitan nila ang kanilang mga sarili? Halimbawa pa. Bakit kung ang isang pari ay mahihirang na Obispo, kung maaari lamang ay hindi niya ito tanggapin samantalang sa pulitika ay mas marami ang ipinagigitgitan ang sarili?
May isang kilalang babaeng guro na inalok ng Save OMECO Movement na tumakbo para sa BOD Election pero hindi niya ito tinanggap. Ang katwiran niya ay ito: “Sasama na lang ako at mamumuno sa mga susunod pang pagkilos kagaya ng rally kaysa sa tumakbo sa eleksyon!” Siya nga naman. Ang laban para sa BOD ay isang maliit na tuldok lamang ng malawak na proseso ng pagsasalba sa ating kooperatiba sa kuryente na magagawa ng isang member-consumer. Ang higit na laban dito ay kung papaano mababantayan ang mga namumuno sa kooperatiba, papaano maigigiit ng mga miyembro ang kanilang mga karapatan, papaano magkakaroon ng bahagi sa pamamahala nito. Mga bagay na mas malawak kaysa sa eleksiyon. Mga bagay na mas makabuluhan, kundi man kasing kabuluhan ng pagiging direktor.
Sabi ko kanina, maraming mga kandidato ang hindi man lamang ginamit ang kanilang impluwensiya sa mga organisasyong kanilang pinamumunuan o may impluwensiya sila para makilahok noon sa pagsasalba ng OMECO. Bagkus ay mas pinili nilang manahimik at hindi makasakit ng damdamin ng mga naging sanhi ng pagka-lugmok at kawalang katarungan sa loob ng OMECO. Ewan ko. Ibabalita ko na lang sa susunod ang kandidatong pinalad...
Pero sa kanyang sulatin na pinamagatang “Participation is Duty” ni Bishop Antonieto D. Cabajog D.D. ng Surigao, sinabi niya na : “Duty should not be taken as something imposed from the outside. It comes from within, from the inner drive to participate. Thus the kind of participation one possesses is free and responsible. Free in the sense that one’s participation is voluntary, generously coming from self. Participation stems from a right and a duty inherent in a person…”
Kung ay pakikisangkot (sa halalang ito) ay isang tungkulin, natural na palagi ang kabutihan ng mga member-consumer ang ating nanaisin at hindi ang kanilang kapahamakan. Dagdag pa nga ni Bishop Cabajog: “Every active and public participation always involve the common good. It pertains to upholding moral and social responsibilities…” Magwagi man o matalo sa isang partikular na larangan ng pakikibaka.
Sino man ang manalo sa halalang ito, patuloy na kikilos ang Save OMECO Movement para sa kapakanan ng mga member-consumer hindi lamang sa loob ng prosesong elektoral. Magiging kasama kaya natin sa layuning ito at sa mga susunod pang pagkilos ang mga kandidatong matatalo? Palagay mo?
-----
(Photo: SSC File)
Friday, March 27, 2009
Ikatlong Utos
May heavy equipments ngayon na makikita mong ginagamit sa mga pangunahing konstruksiyon ng konkretong kalsada sa Occidental Mindoro na may mga naka-tatak na initials na “JIC”.
At sa programang “Sa Totoo Lang” nina Alex Del Valle at Ulysses Javier sa DWDO kamakailan ay tila ibig nilang tukuyin na may kinalaman sa mga pampublikong proyektong ito ang pribadong korporasyon ng pamilya ng ex-governor na amin ding ex-congressman at asawa ng aming kasalukuyang kongresista: ang Jomarias International Corporation (na maaari nga namang ipalagay na “JIC” rin ang initials). At madaling isipin na pulitikal na patutsada ang ginawa ng dalawang radio host na tinatawag na “traydor” (daw) ng kanilang dating kasangga’t padrino. Mukha ‘atang kina-career na ng dalawang ito ang pag-upak (o counter upak) sa radyo sa kanilang dating amo. Ang paratang na ito nina Uly at Alex ay mabigat. Hindi lamang ito usapin ng kahulugan ng “JIC” initials ngunit higit sa lahat, usapin ito ng pagkuha ng pribadong ganansiya sa isang pampublikong katungkulan. Ipinagbabawal ito sa ating mga batas.
Pero binuweltahan naman sila ng kabiyak ng aming Kinatawan sa Kongreso at sa Bambi-FM na sarili nitong himpilan ng radyo, sa palatuntunang “Tapatan” na hosted that day ni Maria Fe Villar, ay binigyang diin niya (ni El Kapitan) na ang mga nasabing heavy equipments ay ipinagagamit lamang sa mga LGU para sa mga konstruksiyon at pagawaing maaari nitong paggamitan. Kung totoo ito, tunay na malaking tulong nga naman ito para sa ikaaayos ng ating kalsada. Maganda kung tunay na ganito ka-dalisay ang intensiyon. Ewan ko kung pabiro, pero sabi ng kinakapanayam, (maaaring) ang kahulugan ng inisyal na “JIC” sa mga trak ay “Jesus is Christ”!
Hindi lamang kasalanan sa batas ng tao kung ang totoong kahulugan nga ng “JIC”,- kagaya ng paratang ng dalawang “traydor”, ay Jomarias International Corporation. Kasalanan din itong maituturing sa Diyos sapagkat ang Kanyang banal ngalan ay sinadyang gamitin sa kasinugalingan o sa pagtatakip sa katotohanan. Kahit pabiro. Paglabag ito sa Ikatlong Utos ng Diyos.
Ang sinasadyang paggamit sa pangalan ni Hesus (maliban marahil sa biglang bulalas at walang masamang layuning pag-usal) ay paggamit din ng Kanyang awroridad. Wala rin itong iniwan sa pagne-name drop sa isang kilalang tao na hindi lang naman ang kanyang pagkatao ang iyong inilalagay sa kompromiso kundi ang kanyang posisyon. Kung ikaw ay binibigyan halimbawa ng Special Power of Attorney (SPA) may pagtitiwalang isinasalin sa iyo ang ilang tukoy na kapangyarihang ibig ipagkaloob sa iyo.
Naririnig natin sa wikang English ang habilin ng ating guro sa Katesismo noong araw na mula sa Exodus 20:7 : “Do not use my name in vain..” Ang salitang “in vain” sa salitang Hebreo na “lashav” ay nangangahulugan ding “in falsehood”. Mai-ugnay ko lang, sabi nga ni David J. Stewart na isang pastor: “The fastest way to identify yourself with the Devil's crowd is to take God's name in vain, which is exactly why so many God-haters do it…” Parang gawi ito ng mga pulitiko natin, a. Sino kaya ang sinungaling sa kanilang tatlo?
Hay,…sabi na nga ba na dito sa atin, ang pulitika at pamumulitika ang nagbibigay ng total entertainment, e... na dapat ding lahukan ng kahulugang espiritwal hindi lamang palibhasa Kuwaresma ngayon. Tama si Kasin, nakakatawa talaga sila!
------
(Photo from SSC File)
Sunday, March 22, 2009
Anino ng Pitkin
Tutok marino na naman ang inaabot sa amin ngayon ng mga nagpapatupad ng Service Contract No. 53 ng Pitkin Petroleum Ltd. at ng Department of Energy (DoE) sa kanilang isinasagawang community consultations para sa isasagawang Seismic Survey sa ilang tukoy na barangay sa Kanlurang Mindoro. Pero ngayon ay sa tabi-tabi na lang kami at hindi na rin nakikipag-tarayan sa Open Forum dahil mismong ang Pamayanang Kristiyano o Pakris na ang kumakastigo sa kanila ng mga tanong at akusasyon. Pangiti-ngiti na lang kami sa tabi. At naglulunsad kami ng sarili at patuloy naming sesyon ng konsiyentisasyon at pagpapamalay. Daig pa namin dito ang anino ng Pitkin…
Ewan ko tigas pa rin ang kakatanggi ng mga taga Pitkin na iba ang Mining kaysa sa Oil Exploration at ang pagkakaibang ito ay malinaw daw sa legal at teknikal na mga reperensiya. “Ipalagay na, pero pareho itong pagkuha ng anumang bagay sa ilalim ng lupa? Hindi ba pareho itong bubutas sa itaas na bahagi ng lupa?” Tanong ng isang palaban na matandang babaeng lider sa So. Upper Ticol, Brgy. Pitogo sa bayan ng Rizal nang sila ay maglunsad ng konsultasyon doon noong Miyerkules, ika-18 ng Marso, 2009.
At para mairehistro ng mga Pakris ang kanilang pagtutol sa Oil Exploration sa aming lalawigan na kapwa isinusulong ng aming mga lider-pulitika, maliban sa paglulunsad ng mga pag-aaral ay gumugulong na rin sa bawat barangay na tatamaan ng 2D Seismic Survey ang Signature Campaign kontra sa nasabing proyekto at ang pagsasabit ng mga anti-oil exploration streamers sa mga matataong lugar.
Malihis lang ako ng konti. Tuwing panahon ng Kuwaresma sa buong ‘Pinas ay inilulunsad sa pamamagitan ng mga Social Action Center (SAC) ng bawat diyosesis ang programang tinatawag na Alay Kapwa o AK. Ang AK ay isang Lenten Campaign ng Simbahang Katolika sapul pa noong 1975 na nagtatampok ng gawaing pagbabahagi ng time, talent and treasure para sa ating mga kapatid na kapus-palad kaakibat ng ebanghelisasyon o pagpapamulat. Mayroon itong tema kada taon at para ngayong 2009 ay ganito ang theme: “Love, Share, Empower. Citizenship Building and Solidarity Toward a Culture of Peace and Integrity of Creation.” Ang mga pinansiyal na kontribusyon sa AK ay ginagamit sa iba’t-ibang proyekto ng Social Services Commission (SSC), in our case.
Sa kanyang AK message ngayong taon, ganito ang habilin ni Bishop Broderick S. Pabillo, DD na siyang National Director ng National Secretariat for Social Action o NASSA : “Furthermore, we cannot be in good standing with God if we do not respect the things He has made… This is our primal vocation as human beings. Therefore our social responsibilities to society and our environment are NOT peripheral to our being good Christians. We cannot be good Christians with our being good citizens working for justice, peace and truth in our society and without being good stewards of God’s Creation!”
Noong Biyernes ng hapon, ika-20 ng Marso,- ay muli na naman naming binuntutan ang Pitkin sa So. Mangat, San Pedro, Rizal sa kapareho ring pagtitipon. Maigting din na pagtutol ang bumulaga sa kanila mula sa mga Pakris at mga mamamayan matapos ang kanilang presentasyon. Sa aming pagtataya, mukhang resolbado na ang DoE at ang Pitkin na ituloy ang Oil Exploration at babrasuhin tiyak ng mga ahensiyang ito ang aming mga lokal na lider pulitika para matuloy ang proyekto ayon sa panahong kanilang inaasahan. Paulit-ulit nilang pinagdidiinan na wala nang magagawa dito ang mga mamamayan sapagkat aprobado na umano ito ng mga nakakataas. Sabi nga ni Kagawad Dodoy Bayubay ng San Pedro, “Sila ‘yun…Sila payag pero kami hindi !!” Hudyat na sa isyung ito ay maghihiwalay ang pananaw ng mga taumbayan kaysa sa aming mga political leaders (na sa ibang isyu ay magkabangga) sa hinaharap.
Sana ay maunawaan ng mga taga DoE at Pitkin maging sa magkabilang panig ng pampulitikang bakod sa Kanlurang Mindoro na ang lahat ng anyo ng pagiging makasarili kagaya nang hindi pagiging sensitibo ay contrary to the virtue of love, ‘ika nga. Sabi nga sa Compendium of the Social Doctrine of the Church, No. 461 : “Man’s pretension of exercising unconditional dominion over things heedless of any moral considerations is a serious disrespect to the God of love”.
Sa Diyos na labis na nagmamahal sa atin na kahit ang kanyang bugtong na anak ay isunugo Niya....
--------
(Photo: SSC File, taken from Brgy. Malpalon, Calintaan, Occ. Mindoro)
Thursday, March 19, 2009
Da Gradweyts '09
Panahon ngayon ng Commencement Exercises o Graduation. Sa Kolehiyo, Elementarya at maging sa Hayskul. Hindi n’yo man naitatanong, ang Educational Assistance (o Scholarship) Program ng Bikaryato Apostoliko ng San Jose ay nakapailalim sa Alay Kapwa (AK) Apostolate ng aming Komisyon.
Apat sa labing anim na beneficiaries ng programa na pawang mga estudyante ng kolehiyo ang ga-gradweyt ngayong taon. Sina Dickson A. Magan ng Occidental Mindoro National College (OMNC), BSED at mula sa Parokya ni Santa Teresa; Cristy E. Cabonegro ng Divine Word College of San Jose (DWCSJ), BSA at mula sa Parokya ni San Jose, ang Manggagawa (Katedral); Christine Joy Bautista ng DWCSJ, BSA ng Holy Cross Parish; Annely C. Fernando, DWCSJ, BEED at mula sa San Jose, Ang Esposo (Central); at Veronica U. Fernandez, OMNC, BSMA at mula sa Parokya ng Mabuting Pastol. Parang kaylan lang ay mga uhugin pa ang mga ito at ngayon ga-gradweyt na pala.
Marami sa kanila ay mga working students at mga kaanak ng mga taong naglilingkod sa kani-kanilang mga parokya. Mga katekista, lay minister, mga nagta-trabaho sa kumbento, sa mga tanggapang pastoral at mga mahihirap na lider ng mga Pamayanang Kristiyano na kailangang agapayan para makapagpa-aral ng anak. Mga estudyanteng kahit salat ay matiyagang nag-aaral at mulat sa mga usaping panlipunan. Mga kabataang dumaan sa paghuhubog ng aming tanggapan. Alay ko sa kanila ang posting na ito at narito ang panalangin para sa kanila:
“Dear God, pour out your blessing upon our new graduates. Guide them in their journey to greatness. Show your power and majesty to this troubled and sinful nation through these young Filipinos who will strive to live lives of righteousness and excellence. Make them healers of our wounded people and restorers of our broken land. Anoint them as the new generation of living heroes who will bring this country to our destiny of greatness.”
Ang panalanging ito ay galing sa Commencement Speech ni Tony Meloto sa Ateneo de Manila noong 2006 na may pamagat na “The Eagle Will Not Fly Without the Poor” na mababasa natin dito. At sana ay maging inspirasyon sa mga estudyanteng sumusubaybay sa “Pamatok”,- katulad ni Mindoro Turk, ang speech na ito at lalung-lalo sa graduating "scholars" ng Bikaryato, kasama ang mga seminarian na sina Jeffrey Agnas at Ronnie Cuyos na kapwa magtatapos ng BSE sa DWCSJ. Ang dalawang seminarista ng St. Joseph College Seminary (SJCS) ay pawang mula sa Parokya ni Sta. Teresa de Avila sa bayan ng Magsaysay at mga isla ng Iling at Ambulong.
…..Teka, si Yobhel nga pala ay ga-gradweyt na rin ngayon sa hayskul at happy graduation sa kanila ni Patrick. Maligayang bati sa lahat ng mga magsisipagtapos!
(PS: Kung may gusto kayong batiin ng Happy Graduation ay gamitin n'yo lang ang comment box ng blog na ito.)
---------
(Photo: SSC File. Ang mga Alay Kapwa- Educational Assistance Beneficiaries na sina Dickson Magan, Angelica Espiritu,Joseph Antonio, Veronica Fernandez, Rhea Sansano, Tanya Ida Paula Delos Santos, Raymund Suriaga, Juvy Almano, Edmon Delapa, Julieta Malo, Leopoldo Gregorio, Jr, Cristy Cabonegro, Christine Joy Bautista, Annelyn Fernando, Marc Christian Leido at Jamaica Villanueva. Hulaan na lang kung sinu-sino at saan sila sa larawan. Kasama rin ako at si Thess sa picture.)
Sunday, March 15, 2009
Mga Magkakarne
Tinedyer na ako noon kaya madali ko pang mailalarawan ang itsura ni Tata Abe. Mabilog ang kanyang katawan na angkop sa kanyang bilugan ding mukha. Suot ang kanyang tsinelas na goma, kamisetang may mga tilamsik ng dugo, tirintas ng sari-saring uri ng kutsilyo sa bewang at kulay puting labakarang naka-tali sa ulo, siya ang unang taong makikita mong babagtas sa hindi pa sementado noong Bonifacio Street. Mas nauuna pa siyang tumatapak sa kalye kaysa sa mga batang naglalako ng pandesal na gawa sa Panaderia De Oro at maging sa mga tindera ng gulay sa palengke.
Wala pa halos alas-dos ng madaling araw ay uuga-uga na ang katawan niya sa kalsada patungo sa Pamilihang Bayan ng San Jose na noon ay kadikit lamang ng Slaughter House noong ito ay ‘di pa naililipat sa Brgy. Pag-Asa,- malapit sa lugar na ibang karne ang inilalako, hanggang sa muli itong ilipat sa Brgy. Magbay. Oo, si Tata Abe ang pinaka-beteranong matansero o matadero at magkakarne sa aming bayan.
Panahon na ngayon ng Kuwaresma at isa siya sa mga taong naaalala ko kapag sumasapit ang ganitong panahon. Isang Huwebes Santo ng gabi kasi, habang ako ay papunta sa Pasyunan kila Aling Charing ay naka-salubong ko si Tata Abe na patay-lasing at pasuray-suray sa kalsada. Tatlong ulit pa itong nadapa sa noo'y ma-grabang daan. Balita ko ay halos araw-araw at walang patid na tumutoma ang matandang magkakarne pero malagihay lang at hindi kagaya noon. Inalalayan ko siya papauwi at habang naka-sampay sa aking balikat ang kanyang maigsi ngunit matabang braso, ay sinabi niya sa akin na sinadya niyang uminom nang marami dahil wala naman siyang katay o pasok sa matadero kinabukasan. Dangan nga kasi Biyernes Santo kinabukasan at wala halos nagtitinda ng karne sa palengke. Day off nga pala ng mga matadero kapag Biyernes Santo dahil “day off” rin ng mga Katoliko sa pagbili at pagkain ng karne sa okasyong iyon.
At habang ako ay pabalik na sa tambayan namin sa Pasyunan ay itinanong ko sa sarili: “Ilang hayop na kaya ang pinahirapan at pinatay ni Tata Abe?”. “Ang mga matadero ba ay mas walang takot, sa panahong ipinagtatanggol niya ang sarili, na pumatay ng tao kaysa sa ibang tao, halimbawa ang isang magsasaka?”. “Ano kaya ang kaibhan ng pagpapahirap at pagpatay ng tao kaysa sa pagpatay ng hayop?”
Iwan muna natin si Tata Abe. Kung ang pinag-uusapan natin ay ang pagpapakasakit o pasyon ni Hesus, wala nang tatalo pa sa ipinakita ni Mel Gibson sa pelikulang “Passion of the Christ”. Sabi pa nga, yun daw mga pang-tortyur na kagamitang ginamit dito ay siya ring mga tunay (o malapit na replika) na kagamitang ginagamit ng mga Romano noong panahon ni Hesus. Ngayong malapit na naman ang Semana Santa, marami na naman sa atin ang muling panonoorin ang nasabing pelikula sa DVD (Noong panahon ko, ang malimit naming pinapanood sa betamax kapag Mahal na Araw ay ang “Ten Commandments” ni Cecille B. De Mille na likha pa noong 1956).
Grabe naman talaga ang mga eksena ni Gibson. Isang dram ‘ata na pekeng dugo ang ginamit dito, lalung-lalo na sa eksenang kinaladkad si Kristo papalayo ng posteng bato matapos pagpapaluin. Pero okey lang ‘yun. Ang karahasang ipinakita dito ay sapat lang para tumimo sa ating puso kung papaano nagpaka-sakit si Hesus alang-alang sa sitwasyon ng tao (hindi lamang sa ating mga kasalanan, ha..). Isa lang ang medyo puna dito ng ilang progresibong teologo: ang huling sandali lamang umano ng buhay ni Hesus ang binigyang-diin at hindi binigyang pansin kung bakit siya pinahirapan at pinatay. Kung papaano niya itinaboy ang mga mapagsamantalang negosyante sa Templo at pinagbantaang ito ay wawasakin. Kung papaano siya naging biktima ng kawalang katarungan sa harap ng batas ngunit una rito ay kung papaano niya tinuligsa ang mga mapang-aping sistema sa kanyang panahon kaya siya siguro ipinagsakdal at pinatay. Hindi lamang basta namatay si Hesus kundi Siya ay pinatay ng mga mataderong kabig ng pamahalaan noon. Hindi umano kumpleto ang ipinakita ni Gibson sa pelikula. Kagaya ng buhay ni Rizal na hindi magiging kumpleto at mawawalan ng katuturan kung ang mga huling bahagi lamang ng kanyang buhay mula Intramuros hanggang sa Bagumbayan ang iyong ipapakita.
Pero sa darating na Mahal na Araw, hindi na “Ten Commandments” at “The Passion of the Christ” ang panonoorin namin ni Yobhel sa DVD. Ayon sa isang film review na nabasa ko, may hindi napansing religious references ang mga film critic sa pelikulang “The Wrestler” ni Darren Aronofsky na isinulat ni Robert Siegel. Ang lead star dito ay si Mickey Rourke sa papel ng isang laos na wrestler na si Randy “The Ram” Robinson. Nang mabasa ko ang ginawang review dito ng mga kagaya ni Mike Parnell na mababasa mo rin dito, ay naenganyo rin akong mapanood ito ngayong Holy Week. Intresado ako sa pag-uugnay dito ng isports (o entertainment) at pananampalataya.
Kagaya ng “Ten Commandments” ni De Mille ang “The Wrestler” ay talo rin sa Best Film Category ng katatapos na Oscar Awards na alam ninyong napanalunan nga ng “Slum Dog Millionaire”, isang pelikulang maganda rin daw at inspiring ang pagkakagawa.
Siya nga pala, si “The Ram” sa pelikula, kagaya ni Tata Abe,- ay bumagsak sa pagiging magkakarne matapos kumupas sa wrestling. Inialay ni "The Ram" ang kanyang katawan (laman o karne), hinayaang itong dustahin at dungisan para lamang makapagpasaya at aliwin ang ibang tao kapalit ng salapi. Kagaya ng mga babaeng makikita mo sa tinatawag naming Gitna (read: red light district), sa lugar na may mga patay-sinding ilaw malapit sa dating karnihan o katayan sa amin. Hindi kaya may mga banal na aral din tayong mapupulot sa mga magkakarne sa mundo, maging yaong sarili nilang laman ang kanilang ipinagbibili?
Kung ang Salita ay naging “karne”, ano kaya ang simbolismo at kahulugan ng karne sa atin bilang isang Kristiyano?
---------
(Photo grabbed from www.slashfilm.com)
Monday, March 9, 2009
Babae at Mambabatas
Isang araw sana bago maaprobahan ang tinatawag na “Magna Carta of Women” ay muli na namang nalagay sa pambansang midya ang aming mambabatas na babae. Siya ang itinuturo ni Gabriela Representative Liza Maza na siya umanong buminbin sa ratipikasyon ng bicameral committee report ng nasabing panukala. Bago mag-isip nang kung anu-ano laban sa akin ang aking mga ka-lalawigan na kapanalig iya sa lokal na pulitika, paki-sulyapan na lang uli ang balita dito.
Pauna lang po. Hindi ko kinukuwestiyon dito ang panukalang batas sa kanyang ubod at laman maging ang substansiya't intensiyon nito. Talaga nga namang dapat na isulong ang pagtataguyod sa pagiging pantay ng babae at lalaki at batayang karapatang tao. Kasangga ninyo ako diyan. Pero medyo OA 'ata ang pagigiit dito ng pagkakapantay ng lalaki at babae.
Pero hindi ako natutuwa sa sinumang pulitiko na kaya lamang aatras sa kanilang dating mga paninindigan ay dahil sa “takot” o “banta” ng sinumang tao, samahan at maging anumang grupong pang-relihiyon. Hindi ako bilib sa mga mambabatas na nagpapa-tianod lamang sa tulak ng sinumang makapangyarihang lider-pananampalataya. Isama sa natin ang mga katulad nilang pulitiko na may mataas na katungkulan kaysa sa kanila. Ang kanilang mga padrino sa pulitika. O bigtaym na negosyanteng "lumilikha" sa mga pulitiko. Sa ganang akin, mabuting manindigan ka na nang tuluyan sa isang bagay na alam mong tama (na tungo sa kabutihang pang-madla, pagpapataas ng dignidad at dangal ng tao, at nagpapabanal sa kanya, at iba pa..) matapos ang sariling pagninilay at pagpapasya kaysa sa sumunod sa dikta ng ibang tao o grupo na may sariling adyenda't interes. Ang isang mambabatas ay hindi dapat basta na lamang naiimpluwensiyahan halimbawa ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) maging ng Convention on the Elimination of all Forms of Discrimination Against Women (CEDAW).
Hindi ang maling takot sa kasasapitan ng kanilang karera at interes sa pulitika ang dapat na manaig sa bawat kongresista, lokal man o pambansa, sa pagbalangkas at pagpapatibay ng anumang batas. Gumamit man sila ng puwersa, kapangyarihan o awtoridad o simpleng nagla-lobby lang.
Noon pa mang isang buwan ay nanindigan na ang Kapulungan ng mga Obispo sa Pilipinas o CBCP sa pamamagitan ng isang Pahayag na tinatawag na “The Dignity of Women Is Divinely Ordained” na mababasa mo rin ang full text dito.
Naninidigan sila na ang panukala ay labag sa ating Saligang Batas sa kabila na ito ay isinusulong ng pinaka-maimpluwensiya at makapangyarihang samahan sa daigdig : ang United Nations (UN) na pinagtibay sa pamamagitan ng General Assembly nito noon pang 1979. Ang mga Pilipinong mambabatas, una kanino man,- ay dapat tumuon sa mga batas para sa Pilipino at hindi para sa ibang lahi.
Ayon sa mga obispong Katoliko, ang “Magna Carta of Women” ay labag sa ating Konstitusyon. Nabasa n'yo na marahil na maraming moral and Constitutional points ang kanilang inihain dito. Ito lang ang isang medyo napansin ko, ganito ang mababasa sa bersyon sa Senado ng “Magna Carta of Women” : “No one shall invoke religious beliefs or customary norms as a means of evading compliance with this Act or preventing another person from exercising her rights.” Tunay na hindi na kailangan ang probisyong ito at pagyurak nga naman talaga ito sa religious freedom. Nasasaad kasi sa Artikulo III, Seksyon 5 ng Saligang Batas : “No law shall be made respecting an establishment of religion, or prohibiting the free exercise thereof. The free exercise and enjoyment of religious profession and worship, without discrimination or preference, shall forever be allowed.”
Hindi pa rin nasasagot ang mga tanong na ito ni Archbishop Oscar V. Cruz sa kanyang blog na “Viewpoint” noong ika- 4 ng Marso: “Does the ‘Magna Carta of Women’ cover the Muslim men and women? Do the Legislators mean to enforce the equality norm on the Muslim population of the Philippines?”
Imadyinin mo nga naman ang magiging reaksyon dito ng mga Muslim dahil batid naman natin na may “Muslim Personal Laws” na umiiral sa bansa at ang ilan dito ay tila sintunado sa “Magna Carta of Women” kagaya ng polygamy, early arranged marriages and unequal inheritance for women. Ang panukalang batas na ito, bago natin makalimutan, ay hindi lamang para sa mga Kristiyano o Katoliko kundi maging sa mga kapatid nating Muslim. Kaya kailangan natin itong higit na suriin, baguhin kung kinakailangan bago pagtibayin.
Ito rin kaya ang paniniwala ng babae at aming mambabatas na umano ay humarang sa pag-aproba nito noong Sabado?
------
(File Photo of Social Services Commission (SSC. "Mangyan Mother and Child". Taken by Ms. Teresita D. Tacderan)
Wednesday, March 4, 2009
Mindorenya, Mabuhay Ka!
Ang Marso ay buwan ng kababaihan. Sa pamamagitan ng tulang ito na isinulat ng isang babaeng minsan ay naging bahagi ng kanyang buhay ang Kanlurang Mindoro ay bibigyang pugay natin sila. Alay natin ito sa kababaihang dumaraan sa iba’t-ibang uri ng unos sa sarili, tahanan at lipunan. Hiyaw man o hibik ang ganti nila sa mga ito. Mga babae na matatagpuan simula Magsaysay hanggang Abra de Ilog, sa buong isla ng Lubang:
“In my life
There had been
So much
Heartaches and pain,
The rains…
They never seemed
To stop pouring,
How they drenched me
Almost suffocating me
Every thing went wrong….”
May hihigit pa bang mortal na babae sa mundo maliban sa ating ina? Siya na sa kabila ng mga unos na ito, bilang Filipina ay may nananalaytay na dugo ng mga katulad nina Teresa Magbanua at Lorena Barros sa kanyang mga ugat. Matapang. Palaban. Malakas ang loob. Si Nanay na noong maliit pa ako ay ipinagtatanggol ako sa mga asong ulol,- o anumang karamdaman at kapahamakan kahit na sa kanilang loob ay may mga mumunting digmaan din silang sinusuong na ‘di niya kanyang ipagtanggol ang sarili:
“…I can never
Afford to lose
This battle,
There is no room for defeat.
I’m bigger
Than life itself!...”
Walang hindi mangyayari kung ang lalaki at babae ay magtutuwang, asawa, kapatid, kaibigan o ina anak at magulang, upang kumilos sa pagbabago ng lipunan sa isang nananampalataya at kumikilos na sambayanan:
“.. we shall face life exigencies,
Nothing
Is impossible with
The two of us…SON
TOGETHER…FOREVER”
Ang tulang ito ay pinamagatang “The Beacon” na handog ng awtor sa kanyang anak na si Jovan Earl Clark. Natisod ko ito sa p. 167 ng aklat na “Understanding Literary Arts and Appreciating Literatures of the World” na isinulat nina Suzette F. Valdez at Debbie F. Dianco na inilimbag noong 2009 ng Mindshapers Co. Inc.
Ang awtor ng “The Beacon” ay si Ms. Doris Funtanilla-Ho na gumradweyt ng Cum Laude sa Divine Word College of San Jose noong 1976 na nagturo ng English sa DWC-San Jose, Mapua Institute of Technology at Philippine Christian University. Lumikha din siya ng maraming teksbuk sa nasabing asignatura.
Mabuhay ang kababaihang Mindorenyo!
-------
(Larawang kuha sa tinatawag naming Poypoy Evacuation ilang taon na ang nakalilipas kung kailan ay ilang pamayanang Mangyan sa Calintaan ang naapektuhan ng bakbakan sa pagitan ng mga sundalo at NPA. Ilang kababaihan din ang naapektuhan nito. Mula sa file ng Social Services Commission o SSC)
Subscribe to:
Posts (Atom)