Friday, March 27, 2009

Ikatlong Utos


May heavy equipments ngayon na makikita mong ginagamit sa mga pangunahing konstruksiyon ng konkretong kalsada sa Occidental Mindoro na may mga naka-tatak na initials na “JIC”.

At sa programang “Sa Totoo Lang” nina Alex Del Valle at Ulysses Javier sa DWDO kamakailan ay tila ibig nilang tukuyin na may kinalaman sa mga pampublikong proyektong ito ang pribadong korporasyon ng pamilya ng ex-governor na amin ding ex-congressman at asawa ng aming kasalukuyang kongresista: ang Jomarias International Corporation (na maaari nga namang ipalagay na “JIC” rin ang initials). At madaling isipin na pulitikal na patutsada ang ginawa ng dalawang radio host na tinatawag na “traydor” (daw) ng kanilang dating kasangga’t padrino. Mukha ‘atang kina-career na ng dalawang ito ang pag-upak (o counter upak) sa radyo sa kanilang dating amo. Ang paratang na ito nina Uly at Alex ay mabigat. Hindi lamang ito usapin ng kahulugan ng “JIC” initials ngunit higit sa lahat, usapin ito ng pagkuha ng pribadong ganansiya sa isang pampublikong katungkulan. Ipinagbabawal ito sa ating mga batas.

Pero binuweltahan naman sila ng kabiyak ng aming Kinatawan sa Kongreso at sa Bambi-FM na sarili nitong himpilan ng radyo, sa palatuntunang “Tapatan” na hosted that day ni Maria Fe Villar, ay binigyang diin niya (ni El Kapitan) na ang mga nasabing heavy equipments ay ipinagagamit lamang sa mga LGU para sa mga konstruksiyon at pagawaing maaari nitong paggamitan. Kung totoo ito, tunay na malaking tulong nga naman ito para sa ikaaayos ng ating kalsada. Maganda kung tunay na ganito ka-dalisay ang intensiyon. Ewan ko kung pabiro, pero sabi ng kinakapanayam, (maaaring) ang kahulugan ng inisyal na “JIC” sa mga trak ay “Jesus is Christ”!

Hindi lamang kasalanan sa batas ng tao kung ang totoong kahulugan nga ng “JIC”,- kagaya ng paratang ng dalawang “traydor”, ay Jomarias International Corporation. Kasalanan din itong maituturing sa Diyos sapagkat ang Kanyang banal ngalan ay sinadyang gamitin sa kasinugalingan o sa pagtatakip sa katotohanan. Kahit pabiro. Paglabag ito sa Ikatlong Utos ng Diyos.

Ang sinasadyang paggamit sa pangalan ni Hesus (maliban marahil sa biglang bulalas at walang masamang layuning pag-usal) ay paggamit din ng Kanyang awroridad. Wala rin itong iniwan sa pagne-name drop sa isang kilalang tao na hindi lang naman ang kanyang pagkatao ang iyong inilalagay sa kompromiso kundi ang kanyang posisyon. Kung ikaw ay binibigyan halimbawa ng Special Power of Attorney (SPA) may pagtitiwalang isinasalin sa iyo ang ilang tukoy na kapangyarihang ibig ipagkaloob sa iyo.

Naririnig natin sa wikang English ang habilin ng ating guro sa Katesismo noong araw na mula sa Exodus 20:7 : “Do not use my name in vain..” Ang salitang “in vain” sa salitang Hebreo na “lashav” ay nangangahulugan ding “in falsehood”. Mai-ugnay ko lang, sabi nga ni David J. Stewart na isang pastor: “The fastest way to identify yourself with the Devil's crowd is to take God's name in vain, which is exactly why so many God-haters do it…” Parang gawi ito ng mga pulitiko natin, a. Sino kaya ang sinungaling sa kanilang tatlo?

Hay,…sabi na nga ba na dito sa atin, ang pulitika at pamumulitika ang nagbibigay ng total entertainment, e... na dapat ding lahukan ng kahulugang espiritwal hindi lamang palibhasa Kuwaresma ngayon. Tama si Kasin, nakakatawa talaga sila!

------
(Photo from SSC File)

3 comments:

  1. Ha!ha!ha!ha!dance the pandango!get a partner who can balance well, lest the candle will fall and might burn you! The two, alex and uly never learn their lessons. They need new dance instructors.

    ReplyDelete
  2. tama ka...traydor ngang maituturing ang dalawang yan....kahit kay sato o villarosa pa sila,wala silang kredibilidad....

    ReplyDelete
  3. Dear Anonymous :

    Hindi ako ang nagsabing mga "traydor" sina Uly at Alex. Kaya nga nilagyan ko ito ng (".."). Ang may sabing sila ay "traydor" ay ang kanilang dating amo...

    Salamat sa pagbisita.

    ReplyDelete