Sunday, March 29, 2009

Ang Pakikisangkot ay Tungkulin


Linggo na. Eleksiyon ngayon para sa uupong Board of Director ng Occidental Mindoro Electric Cooperative (OMECO) para sa nasasakupan ng Unang Distrito ng Bayan ng San Jose. Ang distritong ito ay sumasakop sa mga barangay ng San Agustin, Central, San Isidro (dating Canwaling), Bubog, Bagong Sikat, San Roque, Pag-Asa, Caminawit, ang buong Isla ng Iling at Poblacion Uno hanggang Otso. Ang mga kandidato ay sina Aquino “Panong” Acla, Jr; Rogelio “Roger” Balayan; Tirso “Bong” Espiritu; Eliseo “Junior” Lising, Jr.; at Alex Peralta. Si Acla ay dating Association of Barangay Council (ABC) president at dating Kapitan ng Brgy. Bubog. Si Balayan naman ay Municipal Election Officer ng COMELEC habang si Lising ay dating kapitan ng Brgy. Pag-Asa at isang kilalang negosyante. Si Espiritu ay empleyado ng Land Bank of the Philippines (LBP) at lider ng Brotherhood of Christian Businessmen and Professionals (BCBP) at si Peralta ay retiradong manedyer ng Metrobank dito sa amin na umano ay lider din ng isang sekta ng relihiyon. Lima silang magsasalpukan sa mga presinto hanggang mamayang alas tres ng hapon at sa bandang pa-gabi na ay malalaman na natin kung sino sa kanila ang mananalo.

Noong ang Save OMECO Movement ay naghahanap ng sasama sa pagkilos para i-expose at kondenahin ang mga anomalya sa loob ng kooperatiba, mabibilang mo lamang sa daliri ang mga naniwala sa aming pakay at layunin mula sa mga grupo ng tinatawag na middle forces. Halos lahat sila ay hindi man lamang namin nakasama sa aming mga pagkilos kontra sa maling pamamalakad ng kooperatiba. Ang ilan pa nga ay hindi lamang hindi nakikisangkot kundi pinagtawanan pa kami dahil wala rin naman umanong patutunguhan ang mga ginagawa naming ito. Mayroon pang patagong sumusuporta sa GM at mga kakutsaba niya. Pero bakit kaya ngayon ay nag-kukumahog silang maging direktor gayung hindi naman malaki ang honorarium kumpara sa kanilang mga kinikita at sinasahod? Ano bang meron sa OMECO at marami ang nagkakandarapang maging direktor nito? Sabi nila, mas madali raw magkaroon ng kontrata o kutsabahan sa mga kontratista kapag direktor ka, lalo na kapag kasapakat ninyo ang General Manager o GM nito o ang mga pulitikong may malinaw na interes sa kasalukuyang negosyo ng enerhiya sa lalawigan.

Ang labis ko ring ipinagtataka ay kung bakit sa pagpili kung sino ang mamumuno sa ilang tukoy na programa ng Simbahan, halimbawa sa mga gawaing pastoral nito ay walang boluntaryong nagtatalaga ng sarili at kung mayroon mang mahihirang ay pilitan pa, samantalang kapag ganitong may eleksiyon ay halos ipag-gitgitan nila ang kanilang mga sarili? Halimbawa pa. Bakit kung ang isang pari ay mahihirang na Obispo, kung maaari lamang ay hindi niya ito tanggapin samantalang sa pulitika ay mas marami ang ipinagigitgitan ang sarili?

May isang kilalang babaeng guro na inalok ng Save OMECO Movement na tumakbo para sa BOD Election pero hindi niya ito tinanggap. Ang katwiran niya ay ito: “Sasama na lang ako at mamumuno sa mga susunod pang pagkilos kagaya ng rally kaysa sa tumakbo sa eleksyon!” Siya nga naman. Ang laban para sa BOD ay isang maliit na tuldok lamang ng malawak na proseso ng pagsasalba sa ating kooperatiba sa kuryente na magagawa ng isang member-consumer. Ang higit na laban dito ay kung papaano mababantayan ang mga namumuno sa kooperatiba, papaano maigigiit ng mga miyembro ang kanilang mga karapatan, papaano magkakaroon ng bahagi sa pamamahala nito. Mga bagay na mas malawak kaysa sa eleksiyon. Mga bagay na mas makabuluhan, kundi man kasing kabuluhan ng pagiging direktor.

Sabi ko kanina, maraming mga kandidato ang hindi man lamang ginamit ang kanilang impluwensiya sa mga organisasyong kanilang pinamumunuan o may impluwensiya sila para makilahok noon sa pagsasalba ng OMECO. Bagkus ay mas pinili nilang manahimik at hindi makasakit ng damdamin ng mga naging sanhi ng pagka-lugmok at kawalang katarungan sa loob ng OMECO. Ewan ko. Ibabalita ko na lang sa susunod ang kandidatong pinalad...

Pero sa kanyang sulatin na pinamagatang “Participation is Duty” ni Bishop Antonieto D. Cabajog D.D. ng Surigao, sinabi niya na : “Duty should not be taken as something imposed from the outside. It comes from within, from the inner drive to participate. Thus the kind of participation one possesses is free and responsible. Free in the sense that one’s participation is voluntary, generously coming from self. Participation stems from a right and a duty inherent in a person…”

Kung ay pakikisangkot (sa halalang ito) ay isang tungkulin, natural na palagi ang kabutihan ng mga member-consumer ang ating nanaisin at hindi ang kanilang kapahamakan. Dagdag pa nga ni Bishop Cabajog: “Every active and public participation always involve the common good. It pertains to upholding moral and social responsibilities…” Magwagi man o matalo sa isang partikular na larangan ng pakikibaka.

Sino man ang manalo sa halalang ito, patuloy na kikilos ang Save OMECO Movement para sa kapakanan ng mga member-consumer hindi lamang sa loob ng prosesong elektoral. Magiging kasama kaya natin sa layuning ito at sa mga susunod pang pagkilos ang mga kandidatong matatalo? Palagay mo?

-----
(Photo: SSC File)

4 comments:

  1. tanong lamang po: kung tunay na nakikisangkot sa mga usaping panlipunan ang DZVT at kayo na mga manggagawa hindi lamang ng istasyon kundi pati ng Simbahan sa Roma, bakit po di yata maigting ang inyong pagtalakay at pag-analisa sa kasong kinasangkutan ni Alex del Valle?
    maraming salamat po...

    ReplyDelete
  2. Dear Anonymous:

    Salamat sa iyong pagtugaygay sa blog na ito. Hindi ko masasagot dito ang iyong tanong dahil hindi ko alam kung ano ang kahulugan mo ng salitang "maigting". Ang "maigting" kasi sa iba ay maaring "largado" sa ilan at ang "largado" sa ilan ay "maigting" naman sa iba. Depende iyan sa kinatatayuan ng may hawak ng pisi....

    Salamat ulit..

    ReplyDelete
  3. Dear All:

    Ang nanalo sa halalan para sa OMECO Board of Director Election para sa District - 1 ng San Jose ay si Eliseo M. Lising, Jr. at siya ay naka-ungos ng walong (8) boto lamang laban kay Aquino "Panong" Acla, Jr.

    Si Lising ay kagaya ng alam nating lahat ay Baragay Captain ng Brgy. Pag-Asa, isang negosyante at tapos ng Fine Arts sa University of Santo Tomas.

    Ang aantabayanan naman natin ay ang eleksiyon sa Distrtict-2 sa Abril 5, 2009 na paglalabanan nina Ferdie Mercene at Jerry Villanada. Si Mercene ay dating Konsehal ng bayan ng San Jose at si Villanada ay incumbent BOD Chairman ng OMECO na dating empleyado ng Plan, International sa Occidental Mindoro.

    ReplyDelete
  4. Dear Anonymous:

    Ni-reject ko ang comment mo at no comment ako doon. Salamat sa paglilinaw mo sa salitang "maigting" pero ayaw kong sagutin ito dito. Salamat at alam kong mauunawaan mo ang aking kalalagayan...

    Salamat uli...

    ReplyDelete