Monday, January 28, 2008

Barrera vs. Tria III

San Ramon, Mexico- Sa ikatlong pagkakataon ay muling magtutuos bukas sina Mario Leon Antonio Barrera at Julio Cesar Chavez Tria, Jr. para sa pandaigdigang kampeonato sa flyweight division ng WBC. Ang muling paghaharap nina Barrera at Tria ay gaganapin sa Comelecta Grand Arena bukas ng umaga. Inaasahang pinaghalong tuwa at lungkot na naman ang hatid nito sa mga mamamayan ng San Ramon.

Matatandaan na noong nakaraang Martes, Enero 22, 2008, sa kanilang ikalawang paghaharap, tinalo ni Barrera ang kampiyong si Tria sa pamamagitan ng technical knock out o TKO nang ideklara ni Referee Jaime Sergio Jacinto si Barrera bilang siyang official winner. Bunga ito ng resulta ng pagbibilang kung sino sa dalawang boksingero ang may pinaka-maraming pinakawalang suntok, batay sa physical count na isinagawa ng nasabing reperi noong gabi ring iyon. Ang Barrera vs. Tria – II ay ginanap sa Rueda del Toro Corazon-Cuarenta Y Cinco o RTC45, sa Pueblo del San Jose.

Nakuha ni Tria kay Barrera ang korona sa kanilang unang sagupaan sa El Eleccion noong Mayo 14, 2007. Ang pamatay na estilo ni Barrera ay tinawag ng kanyang kampo na jab, turn and vow movement na tinatawag ring JTV move. Galaw na atas at batas na sinusunod ng lahat ng mga boksingero sa Villa-Rocha Stable. Ito ay ang pinaghalong pagggamit ng legal na suntok, pag-ikot ng katawan at illegal na panghe-head butt o paggamit ng ulo.

Sa kanilang ikalawang sagupaan, kinuwestion ng kampo ni Tria ang aksiyong ginawa ni Jacinto sapagkat naibilang daw pati yaong mga suntok na hindi tumama. Matibay naman ang paniniwala ni Jacinto na siya ay naging patas sa kanyang hatol. Sa ambush interview ng mga mamamahayag noon ay sinabi niya, “Binigyan ko siya (Tria) ng pagkakataong mag counter punch pero hindi niya nagawa..” sabay talilis sakay ng kanyang bagung-bagong kotse.

Ang tatayong reperi sa ikatlong bakbakan bukas nina Tria at Barrera ay si Renato Diaz Sarmiento na kilalang kaeskuwela ni Jose Rufino Ramirez-Sotto, na trainer ni Tria. Ang labanan ay hatid sa atin ng Pangs and Claws Promotion.

Wednesday, January 23, 2008

Birtdey Ko Ngayon!

Enero 23 rin nang ako ay ipinanganak at birtdey ko nga ngayong araw. Pero itago na lang natin kung ilang taon na ako. Ang bagay na hindi natin maitatago ay ang katotohanang noong medyo bata pa tayo ay marami tayong kabulastugang nagawa sa buhay na ngayon ay pinagsisihan na natin. Mula sa pagpapasimuno sa rambulan hanggang sa pagkakaroon ng maraming kalokohan. Katulad ng isang tipikal na batang kalye, tumikin din tayo noon ng bisyo. Maliban sa isa : ang pagsusugal. Itatago ko dito ang mga dahilan kung bakit. Ngunit sa buong buhay ko, ni hindi ko nasubukang magsugal.

Enero 23 rin ng taong 2005 (birtdey ko rin noon) nang ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ay magpalabas ng pahayag na tinawag na “Pahayag ng CBCP Hinggil sa Pagsusugal” na nang lumaon ay siyang naging opisyal na pahayag na Kapulungan ng mga Obispo hinggil sa naturang isyu (bisyo).

Patunay lamang na ang mga lider ng Simbahang Katoliko ay seryosong binibigyang-pansin ang penomena ng sugal sa bansa. Dito rin nililinaw na ang sugal ay mananatiling immoral kahit ang mga nagpapasugal ay nag-aambag pa para sa charity o kawanggawa at marami pang iba. Tuwiran ding tinuligsa sa pahayag ang pagsusugal. Sa huling bahagi, nananawagan ito sa mga Simbahang Lokal at mga Pamayanang Kristiyano para sa mga pastoral na pagkilos. Legal man o hindi ang haharaping sugal.

Taong 2005 din nang pormal na pinapasok dito sa Kanlurang Mindoro ang STL o Small Town Lottery. Ito ay sa pamamagitan ng Sangguniang Panlalawigan (SP) Resolution No. 163 S. 2005 na inisponsor ni Hon. Manuel Mintu ng Sablayan at pinangalawahan ni Hon. Vicente Camandang ng San Jose at pinagtibay noong Setyembre 26, 2005.

Pero noong ika-23 ng Hulyo, 2007 ay nagpalabas rin ang SP ng Resolution No. 67 S. 2007 na himihiling sa PCSO na itigil na ang operasyon ng STL sa Occidental Mindoro. Pero palibhasa ang STL ay may mandato mula sa pamahalaang pambansa o Malakanyang, patuloy na namamayagpag ang STL sa ating lalawigan na ngayon ay magta-tatlong taon na. Silensyo na rin sa isyu ang mga LGU at mga pulitikong maiingay noong eleksyon.

Noong ika-3 ng Agosto 2007 ay nagpalabas din ng pahayag si Obispo Antonio P. Palang, SVD, DD hinggil sa STL at patuloy itong nanawagan na magkaisa ang mga taga-Occidental Mindoro sa pagpapatigil ng operasyon ng STL simula sa antas ng pamayanan. Isa ito sa mga isyung tinutukan sa paggunita ng Taon ng Panlipunang Pagmamalasakit sa Bikaryato simula Hulyo 1, 2006 hanggang Hunyo 30, 2007.

Dapat na ina-assess o tinatasa na natin ang STL kung ito ay nakakabuti at nakakasama sa ating probinsiya. Kagaya nang alam natin na lampas na sa isang taong test run period para dito. Ang tanong natin: May “buhay” bang permit ito ngayon o wala? Kung mayroon, sino (o aling lupon o ahensiya) kaya ang nag-isyu? Samantala, tila nag-tengang kawali ang PCSO sa Resolution No. 48, S. 2006 at Resolution No. 67 S. 2007 ng ating Sangguniang Panlalawigan. Hay, buhay!

“Kuripot ka kasi kaya hindi ka natutong magsugal”, reaksyon ng mga ka-opisina ko sa post na ito. “Hindi puwedeng maging sugarol ang kuripot.”, dagdag pa nila. Kasi nga, kahit birtdey ko ngayon, hindi ko man lang sila pina-canton!

Tuesday, January 22, 2008

Bahaghari

Kinulayan mo ang langit
Pinawi mo ang sungit ng panahon ...
Sa himpapawid ay isa kang atraksiyon
At sa dulo mo’y naroroon daw
Ang kayamanan at tagumpay.

Ngunit kumukupas ba o nawawala
Ang makulay na bahaghari
Kapag gabi na at madilim na?

Bahaghari ...
Pinamumugaran ng mga hari
Ngunit sila’y hindi naka-bahag,
Tinitingala ng mga aliping
Kinakalyo ang palad.
At ang talampakan
Ay habang panahong naka-babad sa linang!

Kung ako ay gagawa ng isang bahaghari,
Ang aking gagawin ay bahagharing tuwid
At hindi baluktot,
Nakasayad sa lupa’t
Lumulutang sa dagat ...

Isang bahagharing lagi kong kasalamuha
Sa tagumpay, kabiguan ....
Sa kasaganan, pagdaralita,
At hindi isang bahagharing ‘di
Namin maabot
Kaya tinitingala ....
Isang bahagharing biyaya ng lupa
Isang bahagharing dinidilig ng dugo at luha.


----------
(Eksaktong 21 taon na ang nakalipas nang maganap ang tinaguriang Mendiola Massacre. Noong ika-22 ng Enero, 1987, labing tatlong mga magsasaka ang namatay sanhi ng pamamaril ng mga sundalo. May mga magsasakang Mindorenyo ang nasugatan sa insidenteng iyon sa tulay ng Mendiola sa Maynila. Bitbit nila noon ang isyu ng pagsasa-ilalim sa Aquafil Estate sa CARP. Ngayon ay naipamahagi na ang mga lupaing ito bagamat may ilan pang mga legal na usapin sa pagitan ng ilang grupo ng petisyunero at panlalawigang tanggapan ng DAR.)

Monday, January 21, 2008

Ang Ebanghelyo Ayon sa Iyo

Ama ka ng tahanan
Oo at hindi Mateo, Marcos, Lucas o Juan
Ang iyong pangalan
Ngunit katulad nila ay sumusulat ka rin ng kasaysayan.

Bilang magulang
Sa loob at labas ng inyong tahanan
Lumilikha ka rin ng ebanghelyo’t tipan
Bawat araw na espesyal man o karaniwan.

Sa mga gawain at salita
Mga halimbawang banal at dakila
Sa mata ng Diyos at kapwa
Tungkuling ‘di maiaadya.

Isang kabanata bawat oras
Talata bawat minutong lumilipas
Sa iyong kamay bawat kumpas
Sa iyong bibig bawat bigkas.

Sapagkat para sa munting anak mo
Ang una niyang mauunawaan at masisino
Ay hindi ang isinulat nina Juan, Lucas, Marcos at Mateo
Kundi ang ebanghelyo ayon sa iyo!

------
(Ngayong araw na ito ay simula ng National Bible Week na ipinagdiriwang siyempre sa buong bansa. Ang tema para sa taong ito ay : “God’s Word: Source of Justice, Reconciliation and Peace”. Sa Enero 27 ang National Bible Sunday na siyang kulminasyon nito. Magsasagawa ng series of activities kagaya ng Bible Sharing at Bible Quiz Bee ang Worship Committee ng Parish Pastoral Council ng Saint Joseph the Worker Parish-Cathedral.)

Thursday, January 17, 2008

Buhay Mangingisda

Ewan ko kung sinasadya ito o hindi: ang motto ng dalawang naging obispo ng Kanlurang Mindoro ay magka-ugnay. Ang sa yumaong si Kgg. Vicente C. Manuel, SVD, DD ay “In Verbo Tuo”(o “Sa Iyong Salita”) mula sa Lk 5:5 : “Sa iyong salita, ihuhulog ko ang lambat.” Ang sa kasalukuyang punong pastol naman na si Bishop Antonio P. Palang, SVD, DD ay “Duc in Altum” na mula sa naunang Lk. 5:4 na ang ibig sabihin ay, “ihulog sa kalaliman”. Kapwa ito tumutukoy sa pangingisda.

Sinasabi sa Bagong Tipan na ang naunang alagad ni Hesus ay mga mamamalakaya o mangingisda. Espesyal nga siguro ang partikular na sektor na ito sa ating lipunan pero subukan mong manirahan sa (isla ng) Iling at Ambulong sa bayan ng San Jose at tunay kang magdadalawang-isip kung ang mga mangingisda sa mata ng mga lokal na opisyal ay espesyal nga o hindi.

At ang Pilipinas ay biniyayaan nang malawak na pook-pangisdaan na may sukat na 212,160,231 ektaryang tubig-alat at tabang. Dito nabubuhay ang humigi’t-kumulang sa 2,400 na iba’t-ibang species ng isda at iba pang produktong lawa, dagat at ilog. Ayon sa talaan, hindi kukulangin sa 6.24 na milyong mamamayang Pilipino ang umaasa sa pangingisda bilang kanilang pangunahing ikinabubuhay.

Ang isa sa malaking suliranin ng lalawigan, ayon sa mga pag-aaral ay ang tinatawag na over fishing. Tinatayang malaking porsyento ng kasalukuyang huli ng mangingisdang Mindorenyo ay sisisid at magiging isang ganap na krisis sa susunod na dalawampung taon. May mga ulat pa rin ng illegal na pangingisda mula sa mga baybaying pamayanan sa Magsaysay at San Jose na hindi pa rin lubusang naaapula.

Noong huling bahagi ng taong 2005 at unang bahagi ng 2006 ay naging tampok ang isyu ng tinatawag na ‘pakaras”. Isa itong pamamaraan ng pagkuha ng seaweeds (bola-bola) sa ilalim ng dagat na ginagamitan ng malalaking kalaykay na bakal. Winawasak nito ang mga bahura (coral reef) na kanlungan at tirahan ng isda at iba pang lamang-dagat. Sana ay huwag na itong maulit.

Pero bilib noon ng pamahalaang bayan na malaki ang maitutulong ng industriyang ito sa kabang yaman ng munisipyo. Nakalimutan nila na ang nabanggit na likas-yaman ay may limitasyon kaya mas mahalaga ang patuloy na pakinabang dito kaysa sa panandaliang kita ng pamahalaan at ilang indibidwal. Hindi ba kailangan nating maingat na matimbang ang ganansiyang pang-ekonomiya nito at ang pagkasirang maidudulot nito sa kalikasan?

Dagdag pa, walang malakas na samahang pang-mangingisda (PO, kooperatiba o anuman) ang naitatag lalung-lalo na sa bahagi ng SAMARICA (San Jose, Magsaysay, Rizal at Calintaan). Bihira ang nagbibigay ng pansin sa pag-oorganisa at pagpapalakas ng ganitong samahang pam-pamalakaya kaya halos hindi maabot ng serbisyo ang sektor na ito.

Sa Lukas 5:1-11 inilalarawan ang isang espesyal na katangian (kalikasan) ng mga mangingisda: ang kanilang pagiging labis na matiyaga. Likas na mahirap maghintay nang magdamag ng walang tiyak na ganansiya. Ngunit sabi nila, ganito talaga ang tunay na pagiging disipulo. Ang tunay na paglilingkod.

At para sa bawat bagong Simon Pedro at mga anak ni Zebedeo ng ating panahon, simple lang ang sa atin ay mga salitang mahirap bigyang kahulugan:

Ang buhay ay dagat,
Ang kalayaan ay lambat,.
Ang dangal ay isda.
Ngunit ngayon ….
Hindi na masagana ang dagat,
Gulanit na ang lambat,
Wala ng isda.

Wednesday, January 16, 2008

Tumatagos sa Lahat ang Karapatang Pantao

Hindi ko alam kung ako ay malulungkot o matatawa sa pagtanggap ko sa nominasyong ito. Matatawa sapagkat ako lang ang nominado sa kategoryang ito ng human rights kung kaya walang kahirap-hirap akong naging instant nominee sa first ever Grand Alumni Homecoming ng ating alma mater ngayong 2007.

Malungkot dahil kung tutuusin, ang usapin ng karapatang pantao ay hindi natin maaaring ikahon sa isang kategorya lang. Ito ay dapat tumatagos sa pagsasakatuparan ng ating piniling propesyon at sa ating everyday life, wika nga.

Ang pagtataguyod, pagtatanggol at pagsasabuhay ng karapatang pantao ay ang palagian nating mithiin bilang guro, duktor, manunulat, brodkaster, abogado, negosyante, pulitiko, magsasaka, mangingisda o anumang larangan ng buhay. Katulad ng ating pananampalataya, ito ay dapat na gabay natin sa ating bawat gawain sa opisina, pagawaan, sa laot at maging sa bukid. Ang karapatang pantao ay tumatagos sa lahat ng larangan ng buhay.

Kaya tayong lahat ay potensyal na human rights advocate!

Inaasahan tayong magtataguyod sa dangal ng tao at maging responsible sa ating kapwa sa lahat ng oras. Sa anumang uri man tayo ng lupa tumubo, lumago at namunga,- katulad ng isang punong-kahoy.

Salamat sa Occidental Mindoro National College (OMNC) Alumni Association Federation Officers ngayong taon sa nominasyong ito. Kaalinsabay ng pasasalamat sa ating mga naging guro na kapiling natin ngayon.

Hayan sila ….
Batiin natin sila ….
Palakpakan natin sila…

Nais kong espesyal na pasalamatan ang tatlo sa aking mga naging guro noon sa kolehiyo na malaki ang naging ambag sa aking kinasapitan sa buhay. Mga guro natin noon na kahit gawaran natin ng parangal ay pisikal na nating hindi makakapiling ….

Kay Sir Fabring PandiƱo sa pagtuturong may dangal ng tao sa pagsusumikap.
Kay Ma’am Zeny Roldan sa pagtitiyak na may dangal ng tao sa pagiging mahinahon.
Kay Ma’am Luming Remo sa pagpapamalay na may dangal ng tao sa panlipunang pakikiisa. At kay Ma'am Adelle Camus sa paghihikayat na may dangal ng tao sa literatura...

(Pause for a while)

Sila na kagaya ni Jose Rizal na ang ika-111 taon ng kamatayan ay ating ginugunita ngayong araw na ito,- ay ginawang sangguniang aklat, tisa at pisara ang kanilang buhay upang tayo ay matuto.

Sabi ko kanina, tayong lahat ay potensyal na human rights advocate. Halimbawa, mula sa presidente hanggang sa mga guro, hanggang sa guwardiya, hanggang sa janitor ng isang paaralan, lahat tayo ay marapat na nagtataguyod, nagtatanggol at nagsasabuhay ng karapatang pantao ng ating kapwa.

Ang masaklap, kung tayong lahat ay potensyal na human rights advocate, tayong lahat ay potensyal ding human rights violator. Maaaring hindi natin namamalayan na tayo ay lumalabag na, sumasagka at walang pakialam sa karapatan ng iba: ka-trabaho, ka-pamilya at kababayan.

Ang dalangin lang natin, lahat sana ng ating alumnus mula sa OMNC ay matapat na magtataguyod, magtatanggol at magsasabuhay ng karapatang pantao sa legal at moral na aspeto nito.

Muli, maraming salamat at magandang gabi.

----------
(Pero hindi ko nai-share ang speech na ito dahil hindi ako sinuwerte na makuha ang prestigious na Achievement Award. At saka akala ko kasi, bibigyan ng pagkakataong mag-speech lahat ng nominado kaya nag-prepare ako. Yun pala, yung mga awardee lang ang may acceptance speech,…tsk. Kaya para hindi masayang, ipinaskil ko na lang dito sa blog na ‘to. Eniwey, ginanap ang Awards’ Night noong ika-30 ng Disyembre 2007 sa OMNC Main Campus sa San Jose bilang part ng aming Grand Alumni Homecoming. Dalawa sa apat na awardee ay ang aking pinsan na si Eunice C. Novio, isang manunulat (sumulat ng nobelang “Rin-Ay”) at ka-klase sa hayskul na si Hon. Rolando “Boy” C. Ilustre, barangay kagawad ng Caminawit. Deserving naman silang lahat (sniff!).)

Tuesday, January 15, 2008

Tutubi ... Tutubi

Kay sigla at kay laya ng mga tutubi
Tutubing-karayom at tutubing-kalabaw
Na mas malalaki.
Katatapos lang ng tag-ulan,
O anong saya nilang lumilipad
Doon sa gitna ng parang.

Ngunit isang umaga ang mga tutubi
Ay biglang nawala,
Binulabog ng mga boses na paos
At ng dagundong
Ng mga higanteng tutubing-bakal
Na ang akala ng mga tunay na tutubi
Ay kanilang mga panginoon!

Ito’y tutubing tao ang lumikha
Bumubuga ng punglo upang pumuksa!
Tunay nga bang ang mga imbensyong
Katulad ng tutubing bakal ay kailangan
Sa pagtatanggol at panananggalang?

Ang tugon ng Mangyan ay “Hindi”
Sapagkat katulad ng bala
Ang gutom,
Ang kahirapan,
Ang karamdaman
At kamangmangan
Ay nakakapamuksa rin
Hindi nga lang biglaan
Kundi dahan-dahan!

Tutubi … tutubi
Ibig rin naming maging tutubi,
Masigla at malayang lumilipad
Sa gitna ng parang …
Na ‘di binubulabog at pinangkukubli
Ng mga sundalong salbahe
At mga rebeldeng mapanghi!

------
(Noong Pebrero 17 hanggang 19, 2005 lumikas ang may 300 daang pamilyang Mangyan sa 3 lugar na sakop ng Brgy. Poypoy, Calintaan, Occidental Mindoro mula sa aerial bombardment ng militar gamit ang helicopter habang kanilang tinutugis ang mga NPA hanggang sa Bundok ng Iglit-Baco. Hirap ang inabot ng mga katutubo sa evacuation site dahil sa pagkakalayo nila sa kanilang mga pamayanan, sakahan at kaingin sa loob ng halos tatlong buwan.)

Monday, January 14, 2008

Papaano Ginagawa ang Tula?

Nagtatakbuhan ang mga daga sa kisame
At ang mga lamok ay umuugong sa paligid ng tagpiang kulambo
Na wari’y nagkakantahan, nagpapasalamat sa isang gabing maalinsangan.
Bumalikwas ako at binuksan ang ilaw..
–“Pasado alas-dose na pala.”

-“Salamat naman at tuloy-tuloy ang serbisyo ng OMECO ngayon”.

May dumaang humahaginit na traysikel sa kalsada … papalayo,
At ang matinis na ugong ay unti-unting nilamon ng katahimikan,
Saglit na katahimikang pinunit ng tunog
Ng binabalasang mga pitsa ng madyong at tilaok ng manok,
Na sinabayan pa ng alulong ng asong gala.

-“Pak!”
Pinagmasdan ko ang sariwang dugo sa palad
At pinitik ito sa sahig na durog ang katawan.
-“Totoo kayang babaeng lamok lang ang nangangagat?
Di ba ang babaeng tao rin?”

Dinampot ko ang astrey, posporo at sigarilyo,
Muling pumasok sa loob ng kulambo at nahiga sa kama.
Kayhirap dalawin ng antok kapag Oktubreng maalinsangan.
Kaya binuksan ko ang transistor sa gawing ulunan ng aking higaan,-
Malakas ang pikap sa istasyon.
Nagkukomentaryo ang anawnser hinggil sa suhulan sa Malakanyang
Sikat na naman ulit ang lalawigan.
Binanggit pa paulit-ulit ang pangalan ng aming kinatawan.

-“P’we!”
Lumagpak sa bibig ko ang abo ng aking sigarilyo.
Pinatay ko ang ilaw, radyo at ang sigarilyo …
Ang astray at posporo ay inilagay sa ilalim ng kama.
Bumigat at humapdi ang mga talukap ng aking mata …

“Zzzz…”
Hindi ko na narinig ang mga daga sa kisame,
Ang ugong ng mga lamok,
Ang mga ingay sa madyungan,
Ang tilaok ng manok at alulong ng asong gala.

“Zzzz…”
Dalawang maliliit na kamay ang yumugyog sa aking balikat …
Mataas na pala ang araw,-
-”Kuya, gising na. Turuan mo akong gumawa ng tula.”
Si Boyet, bitbit ang kanyang kuwaderno at lapis.
-“Homework namin Kuya. Papaano ba ginagawa ang tula?”

Bata pa si Boyet ….
Hindi niya kayang magmasid at makinig sa paligid
O dili kaya’y bumuo ng katotohanan sa loob ng panaginip.
Oo, kahit na ang mga malasadong makata na katulad ko
Ay dapat na magising at bumangon
Sa malalakas na yugtog ng panahon,
Upang makapiglas sa pagka-bagot
Sa isang umagang likha ng gabing nagdaan,-
Sa umaalingasaw na Ilog Pandurucan!

Templo ng mga Anino

Sa loob ng templo ng mga aninong may sari-saring kulay
Ay walang pumapasok na tunay na liwanag.
Si Edison din ba ang lumikha sa mga buntala
Na nagsasalita’t gumagalaw sa likod ng kamera,-
Sa mukha ng puting telon na mistulang dambana
Sa loob ng templo ng mga anino,
At sa mga astronomong busog ang mata,
Aliw ang kaluluwa ngunit hungkag ang sikmura?

Ang mga buntala at mensahe sa mukha
Ng puting tabing ay parang isang armadang
Patuloy na sumasakop sa dagat ng ating imahinasyon ….

Upang iligaw iyon sa nagdudumilat na katotohanan,…
Sa loob at labas ng templo ng mga anino
Kagaya ng Green Cinema 2.

-------
(Wala na ni isa mang sinehan sa Oksidental Mindoro. Kahit na ang sine kadalasan ay inaaliw lang tayo, nakaka-miss din ang mga sinehan na naging bahagi ng ating kamusmusan at nagdaan. Sa San Jose nga, ‘yung dating Levi Rama Theater ay naging Jollibee na.)