Monday, January 14, 2008

Papaano Ginagawa ang Tula?

Nagtatakbuhan ang mga daga sa kisame
At ang mga lamok ay umuugong sa paligid ng tagpiang kulambo
Na wari’y nagkakantahan, nagpapasalamat sa isang gabing maalinsangan.
Bumalikwas ako at binuksan ang ilaw..
–“Pasado alas-dose na pala.”

-“Salamat naman at tuloy-tuloy ang serbisyo ng OMECO ngayon”.

May dumaang humahaginit na traysikel sa kalsada … papalayo,
At ang matinis na ugong ay unti-unting nilamon ng katahimikan,
Saglit na katahimikang pinunit ng tunog
Ng binabalasang mga pitsa ng madyong at tilaok ng manok,
Na sinabayan pa ng alulong ng asong gala.

-“Pak!”
Pinagmasdan ko ang sariwang dugo sa palad
At pinitik ito sa sahig na durog ang katawan.
-“Totoo kayang babaeng lamok lang ang nangangagat?
Di ba ang babaeng tao rin?”

Dinampot ko ang astrey, posporo at sigarilyo,
Muling pumasok sa loob ng kulambo at nahiga sa kama.
Kayhirap dalawin ng antok kapag Oktubreng maalinsangan.
Kaya binuksan ko ang transistor sa gawing ulunan ng aking higaan,-
Malakas ang pikap sa istasyon.
Nagkukomentaryo ang anawnser hinggil sa suhulan sa Malakanyang
Sikat na naman ulit ang lalawigan.
Binanggit pa paulit-ulit ang pangalan ng aming kinatawan.

-“P’we!”
Lumagpak sa bibig ko ang abo ng aking sigarilyo.
Pinatay ko ang ilaw, radyo at ang sigarilyo …
Ang astray at posporo ay inilagay sa ilalim ng kama.
Bumigat at humapdi ang mga talukap ng aking mata …

“Zzzz…”
Hindi ko na narinig ang mga daga sa kisame,
Ang ugong ng mga lamok,
Ang mga ingay sa madyungan,
Ang tilaok ng manok at alulong ng asong gala.

“Zzzz…”
Dalawang maliliit na kamay ang yumugyog sa aking balikat …
Mataas na pala ang araw,-
-”Kuya, gising na. Turuan mo akong gumawa ng tula.”
Si Boyet, bitbit ang kanyang kuwaderno at lapis.
-“Homework namin Kuya. Papaano ba ginagawa ang tula?”

Bata pa si Boyet ….
Hindi niya kayang magmasid at makinig sa paligid
O dili kaya’y bumuo ng katotohanan sa loob ng panaginip.
Oo, kahit na ang mga malasadong makata na katulad ko
Ay dapat na magising at bumangon
Sa malalakas na yugtog ng panahon,
Upang makapiglas sa pagka-bagot
Sa isang umagang likha ng gabing nagdaan,-
Sa umaalingasaw na Ilog Pandurucan!

No comments:

Post a Comment