Ipalagay natin na may ganitong kuwento dito sa Occidental Mindoro kahit wala (?):
“Mayroon isang pulitiko na nuno ng yaman. Ang kanyang negosyo ay kaliwa’t kanan. May legal na at umano ay may illegal pa. Walang sinumang may tapang na ibuko siya bilang drug at gambling lord pero ito ang totoo. Katotohanang malabong lumitaw kung legal na pagpapatunay lamang ang aasahan mo. Kanya ang batas sa bayang iyon. Sangkot din siya sa katiwalian at korupsiyon bagama’t ibinasura lahat ang mga kasong inihain laban sa kanya. Tuwing halalan ay garapalan siyang gumagawa ng pandaraya,.. pamimili ng boto, pananakot, at iba pa,- sa tulong ng kanyang mga alipores, kaya wala siyang katalu-talo. Gaano man siya magpakitang-tao, alam ng lahat na siya ay isang public sinner at siyempre pa,.. hindi niya ito inaamin!”
Pero noong Linggo ay nagkaroon ng isang Thanksgiving Mass sa Simbahan na inisponsor ng ating palamarang pulitiko at siyempre, tumatanggap siya ng Banal na Komunyon.
Ipalagay natin na ito ang ating challenge (ala reality TV) :
Kunwari ay ikaw ang Minister of Holy Communion (paring nagpapa-komunyon), sa sitwasyong ito, alin dito ang iyong magiging katwiran?:
Una: “BIBIGYAN KO SIYA ng komunyon. Tungkulin ko ito pero hindi ang busisiin pa ang kanyang ginagawa bilang public servant. Bahala na siya sa Diyos at problema na niya kung siya ay patuloy na magkakasala o kung siya ay wala sa State of Sanctifying Grace sa pagtanggap niya nito. Hindi ba dapat lang na lalo siyang tumanggap ng komunyon kasi ito ay paraan ng pakikiisa niya sa Panginoon? Para sa lahat naman talaga ang komunyon, ‘di ba?,..banal man o makasalanan. Bakit ako makikialam sa kanyang buhay-pulitikal,.. e di para na rin akong pulitiko o kakampi ng kanyang mga kalaban sa pulitika? Lampas na ito sa katungkulan ko bilang pastor. Sino naman ako para husgahan ang isang tao.”
Ikalawa: “HINDI KO SIYA BIBIGYAN. Responsibilidad ko bilang Minister of Holy Communion na magpasya kung sino-sino ang aking mga paku-komunyunin at tiyakin ang pagiging karapat-dapat (worthiness) ng tatanggap (recepient) ng Pinaka-dakila at Sagradong Katawan at Dugo ni Kristo. Kapag nagbigay kasi ako ng komunyon sa taong hindi karapat-dapat sa aking paghusga, lalong maglulubog ito sa mga sitwasyong kontra kabanalan, hindi lamang sa kanya na tumanggap nito kundi maging sa Banal na Eukaristiya at sa mismong Katawan at Dugo ni Kristo. Bakit ko ibibigay sa aso ang isang bagay na banal? (Mt. 7:6)”
Sa sitwasyong ito, uulitin ko,.. alin sa dalawa ang iyong magiging katwiran? Ako? Hindi ko alam. Pang pari at pang obispo (o moral theologian) na ‘yan. HINDI NA NAMIN ALAM ANG SAGOT D’YAN!
Pero ganito ang mga tanong ng ordinary citizens and taxpayers na tulad ko:
· Alin sa dalawang ito ang nag-e-educate? Ang nagtuturo kung ano ang tunay at dapat na maging gawi ng mga pulitiko? Ng pagiging banal ng pulitika?
· Alin dito ang katwirang magagamit ng ating masamang pulitiko upang iwasan at 'di paglimian ang kanyang mga kasalanan?
· Hindi kaya isipin ng tao (lalung-lalo ng kanyang mga biktima) na binabasbasan (kinakatigan) pa ng Simbahan ang kabalbalan (kasalanan) ng pulitikong ito?
· Alin sa dalawang ito ang kahit papaano’y magtitiyak na hindi na siya mas lalo pang makapamiminsala sa mas nakararami? Sa mga mas malalaking iskandalo at anomalya?
Sa mga katanungang ito rin kami HINDI MAPALAGAY bilang layko!
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment