Monday, September 1, 2008

Peace Month... Peace, Man!


Unang araw ngayon ng Setyembre at ang buwang ito ay idineklarang Month of Peace ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo noong ika- 20 ng Enero, 2004 sa bisa ng Proclamation No. 675.

Minsan ay may nagtanong sa akin habang ako ay nasa Maynila at nag-babakasyon, “Kumusta na sa Mindoro, tahimik na ba? Wala na bang mga karahasan? Hindi na ba nag-babakbakan ang NPA at militar? Peaceful na ba ang situation sa ‘tin?” Hindi ko kaagad nasagot ang rapido niyang mga tanong. Ayon kasi kay Johan Galtung, isang Norwegian sociologist at peace scholar,- may dalawang kondisyon o sitwasyon ng kapayapaan: ang negative peace at positive peace.

Ang “pagkakakilala” kasi natin malimit sa kapayapaan ay kung tayo ay walang inaalalang panganib halimbawa sa ating pagbibiyahe simula San Jose hanggang Abra de Ilog. Kung tayo ay nakakatulog nang mahimbing sa kubo sa gitna ng ating sakahan kahit gabi. Kapag tayo ay maayos na nakapamamasada ng traysikel at napagkakasya natin ang ating kinikita. At kapag ang mga anak natin ay nakakapasok sa paaralan na walang kinatatakutan baka sila maipit sa barilan ng mga sundalo at rebelde. Ito ang sitwasyong tinatawag ni Galtung na negative peace. Isang kondisyon na walang tuwiran, direkta o pisikal na pananakit (o ika-papahamak) ng indibidwal man, grupo ng tao o bansa. Ito ang kapayapaang sinasabi ng mga law enforcer na kanilang pinangangalagaan kaya nila nilalabanan ang mga kriminal o mga masasamang loob, kabilang na ang mga NPA.

Pero magkakaroon lamang nang komprehesibong kapayapaan kung paghahaluin ang positive peace sa negative peace. Ayon pa rin kay Galtung, ang positive peace ay pagkakaroon ng katarungan (hustisya), pagkilala at paggalang sa karapatang pantao at kaunlaran ng mga tao sa lipunan. Sagot lang ba ito ng mga namumuno sa gobyerno at hindi ng mga pulis at sundalo?

Halimbawa, sa iyong pagbiyahe (sakay ng isang pampasaherong bus) mula San Jose hanggang Abra de Ilog ay naaantala ang iyong karapatan sa paglalakbay nang panatag dahil sa lubak-lubak na daan at "over-staying" check point. Nakakatulog ka nga sa iyong kubo ngunit halos wala ka nang kitain sa iyong pagsasaka dahil sa baba ng presyo ng palay at taas ng presyo ng abono at pestisidyo (mag-organic ka na kasi!) at mabibiktima ka pa ng discount coupon na pakana ng DA at mga ganid na negosyante sa agrikultura. Kung nakakapamasada ka nga pero kulang pa rin dahil sa E-VAT at marami pang pinansiyal na pasanin. Kung ang mga anak natin ay tinitipid na natin ang mga pangunahing pangangailangan sa eskuwela para ipambili ng makakain o ipila sa bigas ng NFA. Ang kapayapaang ganito ay ‘di ganap….

Tama po kayo, ang positibong kapayapaan ay makakamit sa pamamagitan nang tunay at malawakang reporma, halimbawa mga tunay na repormang pang-agraryo at likas-kayang pagsasaka, makatarungang sahod para sa mga mananalok/manggagawa, maayos na pabahay, kalusugan at iba pang serbisyong panlipunan, malawakan at makabuluhang edukasyon para sa lahat, pantay na oportunidad sa tao sa kabila ng pagkakaiba-iba, malaya, tapat at malinis na halalan at iba pa…

Magiging mapayapa ang Kanlurang Mindoro, hayaan ninyong ulitin ko ang teorya ni Galtung,- kung sa ating probinsiya ay mayroong ganap na katarungan (hustisya), pagkilala at paggalang sa karapatang pantao, lalung-lalo ang mga Mangyan at kaunlaran ng mga tao sa ating lalawigan.

No comments:

Post a Comment