Hindi kumpleto ang summer vacation ng mga estudyante at ang piyestang bayan kung walang basketbol,- kung walang pa-liga o San Jose Summer Basketball League (SJSBL). At kung mayroon man, parang apoy na kumakalat ang kuwentuhan sa pagbubukas o opening nito. Kasing init ng liyab itong tinatangkilik ng madla.
Kagaya ng ibang lalawigan dito man sa atin ang basketbol ay mas masahol pa sa relihiyon. Bakit ‘ka n’yo? Aba e,.. walang bayan at barangay dito sa Pilipinas na walang basketball court. Kahit nga sa Mangyan (upland) communities ay mayroon nito. Mas maraming palaruan ng basketbol sa bansa kaysa sa mga kapilya at simbahan. Hindi ba’t sa mga “mananampalataya” ng “relihiyong” ito na naimbento ni Jaimes Naismith, “santo” halos ang turing kina James Yap at Asi Taulava, habang tila “propeta” naman sina Kobe Bryant at LeBron James?
Balita ko, 1964 pa nagsimula ang tradisyong ito dito sa amin. Inumpisahan daw ito ni Tirso Abeleda sa siyang alkalde noon ng aming bayan. Sabi rin nila, noong sementeryo pa ang lugar na kinatatayuan ngayon ng Mayor Juan G. Santos Memorial Gymnasium (yes, noong 40s to 50s sementeryo lugar na ‘yan!) ay sa harap ng munisipyo pa ang palaruan hanggang sa ito ay maging plaza at itinayo ang dati’y wala pang bubong na gymnasium sa kasalukuyan nitong puwesto.
Halos imposible nang masugsog natin ang kasaysayan ng tradisyong ito dahil sa kakapusan namin sa pang-kasaysayang datos at reperensiya. O baka naman sa kakapusan namin sa mga taong seseryoso pag-sasaliksik ukol dito. Basta ang alam ko, noong ako ay nanlilimahid pang bata na gagala-gala sa tulay ng Pandurucan ay kinabaliwan ko na ang San Jose Summer Basketball League. Ang mga koponan kagaya ng Loyzaga Lumber Mill at National Food Authority (NFA) na bersyon namin ng Crispa at Toyota sa PBA; ang mga “import” tulad nina Fred Demetrio (ng ER Squibb sa PBA dati), Chito Plaza (ng Cosmos Bottlers sa MICAA dati) at marami pang iba. May mga “import” pa nga na piniling makapag-asawa at manirahan sa amin kagaya nina Boying Lizardo at Jojo Mangahas, to name a few, wika nga.
Konting trivia lang : alam n’yo ba na bago sumikat sa PBA ang UST star player na si Pido Jarencio ay naglaro ito sa SJSBL sa team ng PC-INP? Si Nelson Asaytono ay naglaro noong late 80s sa Provincial Capitol Tamaraws sa SJSBL bago siya maging varsity player ng National University Bulldogs hanggang sa PBA? Sampol lang ‘yan. Marami pa. At ito ang mas matindi: ang tinaguriang greatest Filipino basketeer of all time at Olympian na si Carlos “Caloy” Loyzaga ay dito sa amin ipinanganak.
Pero ang aming mainit na pagtanggap sa SJSBL ay unti-unti tumamlay nitong mga huling taon. May mga pagkakataon pa ngang may fiesta at summer sa amin na walang liga. Sinisisi ng iba ang pagkakaroon ng Cable TV sa amin kung bakit nawalan na ng gana sa SJSB ang aming mga kababayan. Pero bakit sa mga baryo ay patok pa rin ang basketbol kahit may TV? Sabi ko naman ay kulang lang sa packaging and promotion at mga seryosong tao na gagampan dito. At una sa lahat ay ang pagiging kontento na lang sa kung ano ang naririyan na. Ang kawalan ng inobasyon at pagbabago... o pagiging kuntento na siyang mortal na kaaway ng pagiging excellent.
Lugi raw,... maanomalya raw,... may problema raw (ang mga reperi pati ang mga organizer),..letsetera. Palagay naman ng iba, instrumento lang daw ito sa pulitika. At komo instrumentong pang-eleksyon lang, walang na sumiseryoso sa tunay na pagpapa-unlad ng isports sa amin lalo na sa lokal na basketbol. “Okey lang dahil kahit aandap-andap, at least ay buhay pa ang tradisyong ito”, sabi ng ibang fanatic. Kasi nga, hindi na ito kasing alab nang dati. Nawalan na nga ito ng init.
Noong ika-8 ng Marso ay pormal na binuksan ang SJSBL para sa taong 2008. Hindi man ito naging kasing-sigla nang dating ng mga opening kumpara noong 1980s, at least marami ring sumali dito. Ang paliga ngayong taon ay inisponsor ni Hon. Romulo “Muloy” Festin, ang aming meyor.
Pero bago ito, mga bandang alas dos ng madaling araw on that same date, nasunog ang isa sa mga sentrong komersyal malapit sa Pamilihang Bayan ng San Jose, sa kanto ng Bonifacio at Liboro Sts. Tinatayang halos kinse milyones ang halaga ng naabong mga ari-arian pero salamat na lang at walang namatay. Tinupok nito ang mga gusaling may barberya, panaderya, karinderya, tailoring, tindahan ng patuka sa manok at iba pa.
Ito ang mas “mainit” na pinag-uusapan hanggang ngayon at hindi ang pagbubukas ng San Jose Summer Basketball League 2008. Tsk,.. tsk,.. Fire Prevention Month pa naman ngayon!
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment