Tuesday, March 18, 2008

Sa Mata ng Maya

Kung susulyapan mula sa mata ng Ibong Maya sa himpapawid ang ekonomiya ng Kanlurang Mindoro ay ganito ang itsura:

Tinatayang aabot sa 80% ng ating populasyon ang umaasa sa pagsasaka at kasunod ng Nueva Ecija, pangalawa ito sa rice producing provinces sa Luzon. Ang dami ng ani tuwing cropping season ang siyang nagdidikta ng presyo ng bentahan sa mga sentrong pamilihan. Sa kabuuan, ang ating ekonomiya ay nananatiling rice-based.

May dalawang pamunuan (tanggapan) ng National Food Authority (NFA) sa lalawigan. Isang nakabase sa San Jose at isa sa Mamburao. Magkagayunman, 75% ng kabuuang ani ng taga-Kanlurang Mindoro ay nabibili ng mga rice trader (pinabulaanan ng panlalawigang tanggapan ng NFA ang datos na ito pero pinaninindigan naman na totoo ito ng mga grupong magsasaka!).

Dahil sa pagtaas ng presyo ng mga farm input katulad ng abono, pestisidyo, gasolina’t krudo (para sa makinang patubig), tumataas din ang presyo ng produksiyon. Sa isang pag-aaral noong 1997 hanggang 2003, ang production cost ay tumaas ng 47% bawat ektarya samantalang ang kinikita ay nanatili. May mga ulat ding bumababa na ang produksiyon natin ng palay dahil hindi na kayang ibigay ng mga magsasaka ang lahat ng kinakailangang inputs sa sakahan.

Isa pang structural problem ay ang kakulangan ng irigasyon. Hindi lamang kawalan ng irrigation canal , kundi dahil sa ang mga river system ng probinsiya ay wala nang sapat na volume ng tubig para mag-supply sa pangangailangan ng mga magsasaka. Problema ring malaki ang serbisyong dapat sana ay ibinibigay ng National Irrigation Administration o NIA kagaya ng pagmi-maintain ng lumang kanal at pag-papagawa ng daluyan ng tubig patungo sa ating sakahan, gayung regular naman ang paniningil nila ng upa sa mga magsasaka.

Maliban sa palay, produkto rin ng lalawigan ang mais, sibuyas, bawang, tabako at mga gulay. Kabilang din sa produksiyon ng Kanlurang Mindoro ang bangus, asin, alimango at sugpo. Tinatayang nagmumula sa ating probinsiya ang 40% ng table salt sa bansa. Pero sa kabila nito ay subukan mong maki-pamuhay kundi man ay pumasyal sa mga mag-aasin sa San Jose at Magsaysay at madarama mo kung gaano ka-miserable ang kanilang buhay. Madarama mo ang pambabarat ng mga may-ari ng asinan (na kanilang amo) sa presyo ng asin na sila rin (salt farm owners) ang bumibili at nagtatakda ng presyo.

Mula sa mga magsasaka, bumaling naman tayo sa sitwasyon ng mga mangingisda ng Kanlurang Mindoro.

Kakaunti na rin ang nahuhuling isda sa ating karagatan. Tinatayang ang average na huling isda ay 2 kilo na lamang noong 2007, mula sa 20 kilo bawat araw tatlumpong taon ang nakalilipas. Kung wala kang bangkang de-motor na magdadala sa iyo sa laot ay hindi ka na mgkakaroon ng magandang huli. Alam ito ng mga mangingisda sa baybaying barangay ng lalawigan, kagaya ng Adela (sa Rizal), Bubog at San Agustin (sa San Jose), Concepcion (sa Calintaan), Ligaya ( sa Sablayan), at iba pa.

Ang itinuturong dahilan ng pagkaunti ng nahuhuling isda ay ang overfishing. Sinasabing mula noong 1965 ay nariyan na’t bumabandera ang mga malalaking mangingisda malapit sa South China Sea. Isang sitwasyon na noon pa man ay dume-dehado na sa ating maliliit na mamamalakaya. Karagdagan pa dito ang paggamit ng mga paraang mapang-wasak,- ang pakaras, trawl at paputok (na umano’y ginagawa ng mga illegalista mula sa ibang probinsiya). Patuloy rin ang pagkasira ng mga bakawan at bahurang tirahan ng isda at iba pang lamang-dagat.

Kahapon nga, palibhasa Semana Santa ngayon,... wala ka nang mabiling isda sa palengke. Sa mahal kasi ng presyo nito ngayon, iniluluwas na lang ang mga huli sa Navotas at Malabon dahil mas malaki ang kikitain kapag doon nila ito ibabagsak. Yung mga tersera klase na lang ang iniwan sa atin,.. kakaunti pa!

Hindi ba naka-babahala ang ganitong sitwasyong pang-ekonomiya? Marapat lang na pagtuunan ito ng pansin ng mga “Agila” na binigyang- kapangyarihan nating mga Maya noong isang taon!

----------------
(Ang datos ay halaw sa modyul ng isang Political Education Project na tinawag na “Eleksyong Pinoy” na inilunsad ng Social Services Commission (SSC) ng Bikaryato Apostoliko ng San Jose noong Marso, 2007.-NAN)

No comments:

Post a Comment