Tuesday, March 25, 2008

Pareho Lang Sila

PAREHO na tiniyak kamakailan nang mortal na magkaaway at prominenteng political figure sa lalawigan ng Kanlurang Mindoro,- na sina Jose T. Villarosa (JTV) at Ricardo “Ding “ Quintos, na handa silang magpatawad sa mga taong nagkasala sa kanila bagama’t hindi nila tinukoy ang (o kung ito ay..) pagpapatawad sa isa’t-isa. PAREHO na sa mga labi nila noong Semana Santa namutawi,- sa pamamagitan ng national at local media,… ang kataga ng PAGPAPATAWAD.

PAREHO ngunit masaklap isipin, bagama’t legal na karapatan naman ito ng bawat isa sa kanila, pag-iisipan daw ni Quintos kung ihahabla niya ang ilang mahistrado ng Court of Appeals (CA) hinggil sa pagbaliktad ng appellate court sa kasong murder kontra kay JTV at ilan pang sentensyado sa pagpatay sa kanyang mga anak na sina Michael at Paul. Gayundin ang posibilidad ng pag-dedemanda ni JTV kay Judge Teresa Yadao ng QCRTC sa lisyang hatol nito (ayon sa CA) sanhi ng pagkakapiit ng dalawang ulit ni JTV. Hindi natin alam kung mauuwi o hindi ang legal na usaping ito sa PAGPAPATAWAD. In the first place, hindi naman yata tayo intresado dito. Masakit isiping mas intresado yata tayo hindi sa pagkakasundo ng dalawang panig kundi sa kanilang patuloy na “gantihan”!

PAREHO na alam tiyak ng magagaling na lalakeng ito kung ano ang tunay na kahulugan ng PAGPAPATAWAD. Na ito ay tinatawag na final form of love. Ang taong hindi raw nagpapatawad ay isang buhong na winawasak ang tulay na tangi niyang daraanan patungo sa Diyos. Pero papaano mo nga naman patatawarin ang isang taong ayaw umamin sa kasalanan? O ‘yung taong humingi nga ng “sorry” ay ayaw naming sabihin kung “I’m sorry” for what? Siguro ay sasabihin ninyo sa akin: “Ikaw kaya ang lumagay sa sitwasyon ko? Tingnan ko lang!”.

PAREHO na ang PAGPAPATAWAD ay hamon (challenge) at handog (gift). Maliban sa katotohanang ito ay isang tinatawag na gospel imperative (cf Mt. 6:14-15; Lk. 6:36-37; Mt. 5:23) na dapat nating sundin at tupdin. Hindi madali ang magpatawad kung kaya ito ay isang hamon. At para ito ay magawa, kailangan natin dito ang panahon (time) at tulong (help) mula sa ibang tao. Sa isang banda, ito ay isang handog sapagkat mahalagang bagay ito na ating ibabahagi sa iba. Sabi nga ni Reinhold Niebur, “Forgiveness is the end point of human life”. Walang katuturan ang buhay kung wala nito. Ito ang mga puntos na dapat yakapin ng bawat biktima ng inhustisya, ng pagmamalabis ng ibang tao, o ng persekusyon, halimbawa.

PAREHO na kung kaya nating patawarin ang ibang tao, patawarin din natin ang ating sarili. Handog at hamon din natin ito sa ating pagkatao. Ang PAGPAPATAWAD ay tunay na natatanging bagay na hiningi natin sa Diyos para sa kapwa. Sana ay maging totoo sa pagpapatawad na ito hindi lamang sina JTV at Quintos ngunit pati na rin ang kani-kanilang mga alipores. Sa mga tagasunod sa kapwa nila tagasunod (bulag man o mulat, bayaran man o gratis!)

PAREHO mo ako sa pananaw na ayaw nating maging kapareho lamang tayo ng ating kaaway. Sa PAGPAPATAWAD lamang tayo nagiging mas marangal kaysa sa ating kaaway, kagalit at katunggali. Kung hindi tayo magpapatawad, magiging mas masahol pa tayo sa taong ating kinamumuhian. Wala na tayong pinagkaiba sa taong masama. Kaya masasabi natin na ganito: “Dapat ay ANGAT tayo sa ating kaaway!” Dapat ay hindi natin sila kapareho.

PAREHO ang naging pagbigkas nina JTV at Quintos na kapwa sila naging biktima ng inhustisya. Si JTV, halos dalawang taon na nakulong sa kasalanang hindi niya ginawa at wala umano siyang direktang kinalaman. Si Quintos naman ay namatayan ng dalawang anak sa pamamaraang madugo at marahas. Parehong masakit na kapalaran ng dalawang magagaling na lalakeng hindi maipagkakailang kapwa naghangad at nagkaroon kapangyarihang pulitikal sa lalawigan.

PAREHO lang sila!

---------
(Putok na ang balita na si JTV ay uuwi sa araw ng Biyernes (Marso 28, 2008) at balita ko magkakaroon ng Misang Pasasalamat sa Katedral ni San Jose. Inaasahang ito ay dadaluhan ng kanyang mga taga-suporta at kaibigan. Magkakaroon din daw ng full media coverage.)

1 comment:

  1. ano pa ba ang aasahan mo sa pagdating ni JTV sa San Jose, Occidental Mindoro...eh di para ipagsigawan na nakalabas na sya ng kulungan. Tiyak ang maamong tono nya ang kukuha na naman ng simpatiya para sabihing wala nga syang kasalanan, na sya ay isang biktima ng injustice. Lagot ang mga nagbaliktarang dati nyang mga supporters, tiyak ang kanyang pagdating ay nagsasabi ring "Humanda kayo ngayon"! Pero mukhang suwerte ang Brgy. Bubog ngayon, dahil tiyak na magpapakitang gilas si JTV.
    Well, ito lang ang masasabi ko kay Madam Congresswoman Girlie...wheww, PAID OFF ang mga pagbuntot buntot nya at pagiging "hero" sa mata ni PGMA.

    ReplyDelete